ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | June 14, 2024
Ang batas ay hindi letra o salita na susundin lamang kung kailan natin naisin.
Sa bawat araw at oras, ito ay dapat tupdin. Ang pagpapatupad sa nilalaman ng batas ay hindi lamang ipinag-uutos sa mga karaniwang mamamayan, dahil lahat dapat ay sumunod, kahit pa alagad ng batas.
Maaari ngang sabihin na higit na inaasahan ang kapulisan sa pagsunod sa batas dahil bahagi na ito ng kanilang mandato.
Ang aming ibabahagi sa araw na ito ay isang kaso muli na hawak ng aming tanggapan, ang People of the Philippines vs. Benbenido Balla y Glipone (CA-G.R. CR-HC No. 15891). Sa panulat ni Honorable Associate Justice Maximo M. De Leon ng Special 6th Division ng Court of Appeals.
Ito ay tungkol sa pagpapawalang-sala sa inakusahan dahil sa kapuna-punang pagkukulang sa pagsunod ng mga kapulisan sa batas. Makikita rin dito na para sa hukuman, hustisya ang dapat manguna.
Si Ben ay naharap sa patung-patong na reklamo na mayroong kaugnayan sa paglabag sa Republic Act (R.A.) No. 9165, o mas kilala bilang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Tatlo ang information na inihain laban sa kanya kaugnay sa paglabag sa Section 5, Article II ng nasabing batas dahil umano sa pagbebenta ng methamphetamine hydrochloride o shabu, at isang information ang inihain laban sa kanya para sa paglabag sa Section 11 ng parehong batas dahil umano sa possession ng naturang droga.
Batay sa bersyon ng tagausig, binuo diumano ang isang pangkat na magsasagawa ng buy-bust operation sa Lungsod ng Quezon, bunsod ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI).
Si PCpl. Nuñez ang naatasan na tumayo bilang poseur buyer sa gagawing operasyon.
Alas-10:45 ng gabi, noong Marso 30, 2020, sa utos umano ng mga pulis ay tinawagan ni RCI si Ben at kanilang napagkasunduan na bibili si PCpl. Nuñez kay Ben ng shabu na nagkakahalaga ng P6,500.00.
Inutos umano ni Ben kay RCI na pumunta sa Barangay Kaligayahan, Lungsod ng Quezon.
Noong Marso 31, 2020, alas-12:30 ng hatinggabi, nagtungo ang pangkat sa napagkasunduang lugar. Dumiretso umano si PCpl. Nuñez at RCI sa isang apartment kung saan nakita nila ang dalawa lalaki at isang babae na sina Rimando, Dagul at Aye.
Ipinakilala umano ni RCI kay Ben si PCpl. Nuñez na siyang bibili ng shabu.
Kinuha umano ni Ben ang isang sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang shabu mula sa kanyang pouch, at iniabot ito kina Rimando at Dagul.
Ang sachet na iniabot kay Dagul ay binigay niya umano kay Aye. Nang hingin ni Ben ang kabayaran, iniabot ni PCpl. Nuñez ang isang tunay na P500.00 at anim na pekeng salapi, na inilagay umano ni Ben sa kanyang pouch.
Sinabihan din ni Ben sina Rimando at Dagul na kinabukasan ng hapon na niya kukunin ang kanilang bayad.
Matapos ang naging palitan, tinawagan ni PCpl. Nuñez ang kanilang team leader at ibinigay ang hudyat na tapos na ang transaksyon.
Sa puntong iyon, inaresto ni PCpl. Nuñez si Ben, nagpakilala na siya ay isang pulis, ipinaalam ang dahilan ng pag-aresto at ang mga karapatan ni Ben sa ilalim ng Saligang Batas.
Ang mga police backup naman ang umaresto kina Rimando, Dagul at Aye.
Kinuha mula kay Ben ang kanyang pouch na naglalaman ng apat na sachet na pinaghihinalaang shabu, buy-bust money, isang cellular phone at isang digital na timbangan.
Sina Barangay Kagawad Gabito at Ginoong Tobia, na kinatawan mula sa media, ang sumaksi sa pagmamarka, pag-iimbentaryo at pagkuha ng mga larawan na agad naman umanong pinadala sa PNP National Headquarters Crime Laboratory para sa kaukulang pagsusuri na kalaunan ay nagpositibo sa methamphetamine hydrochloride.
Ang mga naaresto ay sumailalim sa pisikal na pagsusuri. Si Ben at Rimando ay nagpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Para naman sa depensa, tanging ang inakusahan na si Ben lamang ang tumayong saksi, at mariing pagtanggi ang iginiit niya.
Batay sa kanyang testimonya, alas-10:00 ng gabi, noong Marso 30, 2020, nagpapahinga umano siya sa kanyang bahay nang mayroong kumatok sa kanilang pintuan. Nang buksan niya ito, bigla na lamang umano siyang hinawakan ng apat na lalaki habang pinagsusuntok sa tiyan at inutusan na dumapa sa sahig.
Hinahanap umano ng mga naturang lalaki ang isang nagngangalang “Noli”. Matapos galugarin ang kanyang bahay, pinalabas umano si Ben at isinakay sa isang sasakyan at pilit ipinatuturo kung saan naroon si Noli.
Matapos nu’n ay dinala umano siya sa isang bahay kung saan mayroong inilatag na mga gamit.
Kasama niya sa nasabing bahay ang ilang tao na tila naaresto at doon diumano sila ay kinuhaan ng mga larawan, matapos nu’n ay sumailalim umano siya sa pagsusuri at inquest proceedings.
Nagbaba ng hatol ang Regional Trial Court (RTC) na may sala umano si Ben sa paglabag sa Section 5 at Section 11, R.A. No. 9165.
Hindi sang-ayon si Ben sa nasabing desisyon, kaya agad na naghain si Ben ng apela sa Court of Appeals (CA).
Iginiit niya na hindi balido ang ginawang pag-aresto sa kanya at hindi rin umano napanatili ng mga umarestong pulis ang integridad at evidentiary value ng mga ebidensya na ginamit laban sa kanya.
Sa muling pag-aaral ng CA sa kaso ni Ben, ipinahayag ng appellate court na balido ang naging pag-aresto sa kanya. Gayunman, napuna ng CA na hindi umano sumunod ang kapulisan sa itinakda ng batas.
Ipinaalala ng CA na dahil Marso 31, 2020, naganap ang ibinibintang na krimen laban kay Ben, R.A. No. 10640, ang batas na nag-amyenda sa Section 21 ng R.A. No. 9165 mula Agosto 7, 2014, ang dapat ipinatupad.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng CA na sa paglilitis ng kaso patungkol sa iligal na bentahan ng ipinagbabawal na gamot, kinakailangan na mayroong katibayan ng naganap na transaksyon, at pagpepresenta sa hukuman ng nakalap na ipinagbabawal na gamot.
Sa paglilitis naman ng kaso patungkol sa iligal na pagkakaroon o possession ng ipinagbabawal na gamot, kinakailangan umanong mapatunayan na ang ipinagbabawal na gamot ay nasa possession ng akusado, ang naturang possession ay hindi pinahihintulutan ng batas. Panghuli, malaya at kusang alam ng akusado na mayroon siyang ipinagbabawal na gamot.
Sa mga ganitong uri ng kaso, napakahalaga ang pagtalima sa tuntunin ng unbroken chain of custody na nakasaad sa Section 21 ng R.A. No. 9165.
Kinakailangan na walang-patid ang pagsasalin ng kustodiya ng nakalap na ebidensya, mula sa punto na makumpiska ang mga ito, sa pagdala sa laboratoryo, hanggang sa maipresenta ang mga ito sa hukuman.
Napuna umano ng CA sa kaso ni Ben na bagaman sumaksi sa pagmamarka, pag-iimbentaryo at pagkuha ng mga larawan ang kagawad ng barangay at kinatawan ng media, dumating lamang umano sila matapos nang maaresto si Ben; wala umano ang mga ito sa lugar o malapit sa pinangyarihan ng operasyon noong ginaganap ito.
Sa testimonya ni PCpl. Nuñez, nabanggit nito na walang naging paunang koordinasyon sa barangay ang kanilang pangkat. Hindi umano lubos na maisip ng appellate court kung bakit nagkaroon ng pagkukulang ang mga pulis gayung alam nila na mahalaga ang presensya ng mga pangunahing saksi habang nagaganap ang operasyon.
Dagdag pa rito, wala rin umanong ibinigay na makatuwirang dahilan ang umarestong pulis kaugnay sa kanilang naging pagkukulang.
Ang mga kapansin-pansing butas na nabanggit ang nagdulot ng makatuwirang pagdududa sa isip ng CA ukol sa integridad ng ebidensya na ginamit laban sa inakusahan. Dahil dito, nagbaba ng desisyon ang CA na ipinapawalang-sala si Ben.
Muling ipinaalala ng CA, sa pamamagitan ni Honorable Associate Justice De Leon, ang bahagi ng ipinahayag ng Korte Suprema sa kasong Michael Tañamor y Acibo v. People of the Philippines (G.R. No. 228132, Marso 11, 2020, sa panulat ni Honorable Associate Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa):
“[T]he vigor of the campaign against illegal drugs is perhaps rivaled only by the number of allegations of illegal seizures and baseless arrests, with the situation reduced to a zero-sum game. At this point, perhaps the Court may well begin to take due notice of the fact that the idea of ‘substantial compliance’ in drug enforcement may be a spectrum of degrees of conformities that have, in far too many instances, negated the general rule of compliance, so that in the end, for purposes of protecting the rights of the accused and the trustworthiness of the prosecution, no degree is ‘compliant enough’ until it is only but full adherence to the letter and spirit of the law.”
Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Oktubre 19, 2023.
Tunay ngang ang batas ay walang kinikilingan. Nangangailangan ng sapat na ebidensya upang mapatunayan ang pagkakasala ng isang nasasakdal. Maaaring ang isang krimen ay nangyari subalit dapat sapat ang pruweba ng prosekusyon upang patunayan ang pagkakasala ng nasasakdal dahil sa ating batas may karapatan din ang nasasakdal na mapawalang-sala lalo na kung hindi sapat ang ebidensyang nailatag laban sa kanya.
Bagaman tungkulin ng hukuman na magbaba ng hatol at magpataw ng parusa sa sinumang lalabag sa ating batas, patuloy nilang kikilalanin at pahalagahan ang karapatan ng bawat akusado na maipagpalagay na inosente sa krimen hanggang ang pagkakasala ng mga ito ay mapatunayan ng higit sa makatuwirang pagdududa. Kahit katiting na pagdududa sa isang akusado ay maaaring magpawalang-sala sa kanya sapagkat higit na mamarapatin ng hukuman na ipawalang-sala ang isang tao na napagbintangan kaysa siya ay hatulan kung ang kanyang pagkakasala ay hindi naman lubos na napatunayan.
Sa biglang tingin, ang katiting na pagdududang ito ay maliit na bagay, ngunit ang maliit na bagay na ito ay makapagliligtas sa isang akusado sa pagdaing nang tila wala nang katapusan sa madilim na piitan.