ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 12, 2024
ISSUE #327
Ayon kay Dr. José P. Rizal, “Kabataan ang pag-asa ng bayan.”
Daang taon na rin ang nakalilipas, at ito ay nananatili pa ring popular na aporismo o kasabihan sa ating lipunan. Gayunman, paano na nga ba ito mapapatotohanan kung ang siyang mga naturingang pag-asa ng bayan pa ang sangkot sa isang krimen o masamang gawain?
Child in Conflict with the Law (CICL) ang tumutukoy o tawag sa batang may edad na mas mababa sa 18 taong gulang na pinaghihinalaan, inakusahan, o hinatulang nakagawa ng isang pagkakasala sa ilalim ng mga batas.
Sa araw na ito, ating suriin kung paano itinuturing ng ating batas ang mga batang tinaguriang CICL sa pamamagitan ng pagbabahagi ng isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan.
Sa kasong People v. CICL (CA-G.R. CR No. 42), na sinulat ni Honorable Justice Bonifacio S. Pascua, na may petsang ika-27 ng Mayo 2022, napawalang-sala si CICL Ponga, hindi niya tunay na pangalan, mula sa akusasyon at kasong pagpaslang o homicide na isinampa sa kanya ng mga kamag-anak ni “AAA,” hindi niya tunay na pangalan. Ang naturang biktima ay nasawi umano dahil sa pamamaril ni CICL Ponga.
Ayon sa bersyon ng panig ng tagausig, noong ika-5 ng Hunyo 2006, bandang ala-1 ng hating gabi, isa sa mga istasyon ng mga tricycle sa kalakhang Maynila, nilapitan ni CICL Ponga, 16-anyos, si Ogie, hindi niya rin tunay na pangalan. Dito ay bigla na lamang sinuntok ni CICL Ponga si Ogie na siya ring gumanti ng suntok. Inawat ng mga tricycle driver ang dalawa at pansamantala umalis si CICL Ponga.
Ilang sandali ang nakalipas ay bumalik si CICL Ponga sa istasyon ng tricycle at sa panahon na ito ay may dala na siyang maliit na baril. Walang habas na nagpaputok ng baril si CICL Ponga, kung saan natamaan nito si AAA – kapwa menor-de-edad bilang 15 taong gulang pa lamang.
Sa pamamaril na ito ni CICL Ponga, tinamaan si AAA sa kanyang tiyan. Naitakbo pa sa ospital si AAA, ngunit idineklara din itong patay dahil sa tama ng baril.
Itinanggi ng akusado na si CICL Ponga ang akusasyon laban sa kanya.
Aniya, noong panahon ng mga naturang pangyayari ay siya ay 16 na taong gulang pa lamang. Matapos niyang dumalo sa isang pagsasalo o pistahan ng barangay at habang pauwi kasama ang kanyang kasintahan na si Leni, hindi nito tunay na pangalan, ay nakasalubong nila si Ogie na nakaupo sa kanyang tricycle. Sumipol umano si Ogie at binastos si Leni.
Aniya ay nabanggit pa ni Ogie ang mga salitang “Do, okey lang ba pahiram (tumutukoy kay Leni) muna sandali.” Dahil dito ay nagkaroon na ng alterkasyon na nauwi sa suntukan.
Pansamantalang naawat ang naging suntukan ni CICL Ponga at Ogie. Umuwi si CICL Ponga, pero nagpatuloy ang paghabol ni Ogie sa kanila, kung saan pinagbabato ang kanilang tahanan.
Dahil dito, napilitan si CICL Ponga na makitulog muna sa tahanan ng isa sa kanyang mga kaibigan. Kinabukasan ay nabigla na lamang si CICL Ponga na isa na siyang suspek o pinaghihinalaan sa pagkamatay ng nagngangalang AAA.
Matapos ang paglilitis, hinatulan si CICL Ponga sa kasong homicide o pagpaslang. Kaugnay nito, inapela ni CICL Ponga ang naunang hatol sa hukuman para sa mga apela o Court of Appeals at hiniling na siya ay mapawalang- sala.
Tulad ng ating naunang nabanggit, binaliktad ang naunang hatol kay CICL Ponga at tuluyan siyang napawalang-sala.
Ayon sa hukuman para sa mga apela na binanggit ang kasong Dorado v. People, kapag ang isang menor-de-edad na higit sa labing-lima, pero wala pang labing-walong taong gulang ay kinasuhan ng isang krimen, hindi ito maaaring ipalagay na siya ay kumilos nang may pag-unawa o discernment.
Sa panahon ng paglilitis, nararapat na patunayan ng prosekyusyon bilang isang hiwalay na pangyayari na ginawa ng CICL ang diumano ay krimen nang may pag-unawa o discernment.
Ayon sa hukuman para sa mga apela – ang pag-unawa o discernment ay tumutukoy sa kakayahang pangkaisipan na maunawaan ang pagkakaiba ng tama o mali. Gaya ng naunang sinabi, ang prosekyusyon ay binibigyang pasanin na patunayan na ang akusado ay kumilos nang may pag-unawa sa pamamagitan ng ebidensiya ng pisikal na anyo, saloobin, o pag-uugali hindi lamang bago o sa panahon ng paggawa ng kilos, kundi pati na rin pagkatapos at sa panahon ng paglilitis.
Katulad ng nabanggit na kaso, ang mababang hukuman na duminig sa kaso ni CICL Ponga ay hindi hinawakan ang mahalagang isyu kung ang akusado na hindi mapag-aalinlanganang 16 taong gulang sa panahon ng paggawa ng diumano ay krimen, ay kumilos nang may pag-unawa o discernment.
Ang masama pa, lumalabas na ganap na inalis ng mababang hukuman ang katotohanan ng minorya ni CICL Ponga.
Dahil dito, at alinsunod sa Artikulo 12 ng Revised Penal Code na may kaugnayan sa Seksyon 6 ng Republic Act No. 9344, o mas kilala sa tawag na “Juvenile Justice and Welfare Act” – ang isang bata na higit sa 15 taong gulang, ngunit wala pang 18 taong gulang ay dapat ding maging exempt sa kriminal na pananagutan at sasailalim sa isang programa ng intervention, maliban kung siya ay kumilos nang may pag-unawa.
Samakatuwid, obligasyon ng prosekyusyon na mapatunayan na ang naging aksyon ni CICL Ponga ay ginawa nang may pag-unawa o discernment, sapagkat hindi ito maaaring ipagpalagay lamang. Dahil sa kabiguan na ito, at bilang konsiderasyon sa edad ni CICL Ponga na isang 16 na taong gulang, siya ay pinapawalang-sala ng hukuman para sa apela sa kasong pagpaslang na inihain laban sa kanya.
Sa kuwentong ating ibinahagi na hango mula sa tunay na pangyayari, daing pa rin ng pamilya ni AAA – kapwa isang kabataan ang malagim at walang katuturan na kamatayang sinapit nito mula sa isang hindi inaasahang alterkasyon na nauwi sa pamamaril.
Gayunman, mahalaga na sa sistema ng paghahanap at pagbibigay ng hustisya na ang ating mga batas ay patuloy na maipatupad lalo ang mga batas na nagbibigay-proteksyon at tulong sa kabataan — biktima man o isang CICL tulad ni Ponga.
Mabigat man kung iisipin sapagkat sa kasong ating nabanggit, dalawang kabataan na siyang dapat ay ang pag-asa ng bayan pa ang naging sanhi ng malagim na katotohanan.
Marami pa ang nararapat gawin upang maiwasan ang katulad na pangyayari. Gayunman, ang patuloy na daing na maaaring maidulot maging sa buhay ni Ponga ay naiwasan sa pagpapatupad ng ating batas at mga legal na proseso.
Sa puntong ito, ang bukas ay maaari pa ring magbigay ng panibagong pag-asa dahil sa oportunidad na magbago at maituwid ang kanilang pagkakamali na nararapat na ipatupad sa mga CICL tulad ni Ponga.
Pakatandaan lamang na kaisa ang aming tanggapan hindi lamang sa pagbibigay-proteksyon sa mga kabataan, bagkus maging sa pagpapatupad ng kanilang mga karapatan sa mga sitwasyon na sila ay itinuturing na Child in Conflict with the Law o CICL.