ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Nov. 2, 2024
ISSUE #330
“Paano nga ba namatay ang baby? Minaltrato o aksidente nga bang nalunod?” Iyan ang mga katanungan kaugnay sa malagim na kamatayan na sinapit ni Baby Kyra, hindi niya tunay na pangalan, 1 year and 4 months pa lamang ang bata nang matagpuan siyang palutang-lutang at wala ng buhay sa isang ilog sa probinsya, bandang timog ng Luzon.
Sa araw na ito, ating ibabahagi ang isa sa mga kasong nahawakan ng ating tanggapan, sa pamamagitan ni Atty. Margot Sampaga.
Ating suriin ang mga aral at paalala mula sa daing na dulot sa nangyari kay Kyra, at ng isa sa ating mga kliyente na itago na lamang natin sa pangalang Myrna.
Sa kasong People v. Maglinay (G.R. No. 255) na isinulat ni Honorable Chief Justice Alexander G. Gesmundo, na may petsang Agosto 10, 2022. Ating tingnan kung ano ang naging pinal na pasya ng Korte Suprema ukol sa mga katanungan tungkol sa naging kamatayan ni Kyra.
Ayon sa bersyon ng tagausig, noong Mayo 15, 2015, bandang alas-9:30 ng umaga, dumaan si Eula, hindi niya tunay na pangalan sa bahay ni Myrna. Halos isa’t kalahating metro na ang layo niya mula sa bahay ni Myrna nang marinig niya ang isang umiiyak na bata at ang boses ni Myrna na sumisigaw ng,“Tigil! Tigil!”
Pagkatapos nu’n ay narinig ni Eula ang limang beses na tunog ng paghampas o pagsampal na lalo pang nagpaiyak sa bata.
Alam ni Eula na ang umiiyak na bata ay si Kyra dahil wala naman umanong ibang bata ang nakatira ru’n kundi ito lamang. Gayunman, akala ni Eula walang kakaiba sa pag-iyak ni Kyra, kaya naman nagpatuloy lamang siya sa paglalakad at agad na umuwi.
Bandang alas-3:00 ng hapon nu’ng araw na iyon, patungo sana sa ilog sina Emman, Jom, at Ervin, hindi nila tunay na mga pangalan, nang makasalubong nila si Boy, anak ni Myrna.
Humingi ng tulong si Boy sa grupo ni Emman upang hanapin si Kyra dahil nawawala umano ito. Direktang tumuloy si Boy sa ilog na humigit-kumulang isang daang metro ang layo mula sa bahay ni Myrna, habang sina Emman at Jom ay pumunta naman sa likod ng bahay ni Myrna.
Hindi rin nagtagal, nakabalik na si Boy sa bahay at ipinaalam sa lahat na natagpuan niya na si Kyra na nakayuko at nakalutang sa ilog.
Pagkatapos nu’n, agad na sinundan nina Emman at Jom si Boy upang kunin ang katawan ni Kyra.
Matapos kunin ni Boy ang bangkay ni Kyra sa ilog, sumigaw si Jom ng, “Tiya Myrna, naheling namo,” na ang ibig sabihin ay natagpuan na ng grupo si Kyra.
Lumabas ng bahay si Myrna at dumeretso sa ilog, agad niyang kinuha ang walang buhay na katawan ni Kyra mula kay Boy.
Ayon kay Emman, wala pang kapasidad makapaglakad si Kyra nang mag-isa patungo sa ilog, lalo na’t bata pa ito.
Agad namang dumating ang isang kamag-anak ni Myrna na siyang nagsabi na dalhin ang bangkay sa Rural Health Unit upang mabigyan ng death certificate. Kaya agad naman nilang dinala si Kyra sa nasabing health unit.
Si Dr. Blanco, hindi niya tunay na pangalan at noon ay Municipal Health Officer ng Rural Health Unit, ang nagbigay ng death certificate na nagsasaad ng sanhi ng kamatayan bilang “Drowning, Freshwater, Accidental,” dahil ito ang impormasyong ipinadala sa kanya ng mga kamag-anak ni Kyra.
Bukod dito, ayon sa pagsusuri sa post-mortem, sinabi ni Dr. Blanco na meron umanong dalawang paltos sa kanang kamay at isang maliit na gasgas sa sulok ng kanang mata ni Kyra.
Sa kabilang banda, itinanggi ng akusadong si Myrna ang mga akusasyon laban sa kanya.
Aniya, noong Abril 22, 2015, si Jenny at ang kanyang anak na si Kyra, ay nanatili sa kanyang bahay. Gayunman, noong Mayo 13, 2015, iniwan ni Jenny si Kyra sa kanyang kustodiya upang maghanap ng trabaho sa kabilang bayan.
Ayon kay Myrna, isang manikurista, noong Mayo 15, 2015, bandang alas-7:00 ng umaga ay inasikaso niya ang isang kustomer sa kanilang bahay habang inaalagaan si Kyra.
Pag-alis ng kanyang kustomer, nagluto siya ng kanilang tanghalian, at agad na pinakain ang beybi.
Bandang alas-12 ng tanghali, habang natutulog si Kyra, pumunta ang akusado sa tindahan ni Amy para bumili ng pagkain para sa kanilang hapunan.
Sa pagbabalik ni Myrna sa kanyang bahay, bandang alas-2:14 ng hapon, napansin niyang nakabukas na ang pinto at wala na si Kyra sa lugar kung saan niya iyon iniwan.
Hinanap ni Myrna si Kyra maging sa lugar ng trabaho ng kanyang asawa upang suriin kung hiniram ba ang bata, at du’n niya na rin sinabi sa kanyang asawa na nawawala si Kyra.
Habang naghahanap si Myrna, narinig niya si Boy, kaya nagpatulong na rin siya rito para hanapin ang beybi.
Agad na dumiretso si Boy sa ilog, kung saan natagpuan ang lumulutang na bangkay ni Kyra.
Matapos ang paglilitis, nahatulan si Myrna sa kasong murder o pagpaslang na ipinaratang sa kanya. Kinatigan ng hukuman para sa mga apela ang nasabing desisyon kaya umabot sa Korte Suprema ang isyu patungkol sa pagkamatay ni Kyra at kung si Myrna nga talaga ang may kagagawan nito.
Tulad ng ating naunang nabanggit, binaligtad ang naunang hatol kay Myrna at tuluyang napawalang-sala sa naging pinal na desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.
Bilang paliwanag ng Korte Suprema, sa mga kasong kriminal, ang pinakamahalagang isaalang-alang ay hindi ang pagdududa ng korte sa kawalang kasalanan ng akusado, bagkus kung ito ba ay nagbibigay ng makatwirang pagdududa sa kanyang pagkakasala.
Kung merong isang maliit na bahagi ng pagdududa, ang Korte ay dapat mapasailalim sa legal na utos upang lutasin ang pagdududa na pabor sa akusado.
Sa kasong ito, base sa teorya ng tagausig, patuloy na sinasaktan at sinasampal ni Mryna si Kyra dahil sa kanyang walang humpay na pag-iyak, na maaaring humantong sa kanyang kamatayan, at inilagay na lamang ni Myrna ang katawan ni Kyra sa ilog upang ipakita na siya ay nalunod.
Batay sa isang solong pangyayaring ebidensiya, habang dumadaan si Eula sa bahay ni Myrna, narinig niya ang pag-iyak ni Kyra at ang malakas na sampal o latigo na nagmula sa bahay ni Myrna. Gayunman, ang mga panuntunan ng Hukuman o Rules of Court ay tahasang nagsasaad na bago ang circumstantial na ebidensiya ay maaaring magpanatili ng isang paghatol, – dapat binubuo ito nang higit sa isa pang pangyayari.
Higit sa lahat, kinakailangan pagsama-samahin ang lahat ng pangyayari upang makabuo ng isang paniniwala na lagpas sa makatwirang pagdududa. Gayunman, tulad ng itinuro kanina, pinabulaanan ng mga medikal na ebidensiya na si Kyra ay talagang paulit-ulit na sinaktan at sinampal ng ibang tao, at ito ay malabong dumanas ng alinman sa panlabas o panloob na pinsala na magiging sanhi ng kanyang kamatayan.
Dagdag pa, ipinakita ng tagausig na posibleng may ibang tao pa, bukod sa akusadong si Myrna sa ilog.
Kaya ang kasuklam-suklam na pagpatay kay Kyra ay hindi lamang maiuugnay kay Myrna bilang pinaghihinalaang may-akda.
Ang hatol ng mababang hukuman na naglitis na hinagupit o sinampal ni Myrna si Kyra nang ilang beses, dahil lamang sa narinig ni Eula, na maaaring nagresulta sa pagkamatay ni Kyra ay hindi maaaring mapanatili.
Kapag nakikitungo sa circumstantial na ebidensiya, ang isang hinuha ay hindi maaaring batay sa isa pang hinuha.
Dagdag pa rito, ang paghihinuha na si Myrna ang nagkasala nang walang sapat na patunay ay dapat pa ring ipagpalagay na inosente.
Sa kasong ito, bagama't mariing kinundena ng Korte at ng ating tanggapan ang walang kabuluhan at malagim na krimen at taos-pusong pakikiramay sa pagdurusa at emosyonal na bigat na dinaranas ng naulilang pamilya ni Kyra, – hindi pa rin sapat ang mga pirasong ebidensiya upang patunayan ang pagkakasala ni Myrna nang higit sa makatwirang pagdududa.
Ang ebidensiya na ipinakita ay hindi pumasa sa kinakailangang moral na katiyakan.
Daing natin ang kalunus-lunos na nangyari sa bata. Walang anumang dahilan ang makakapagbigay ng katwiran sa kanyang pagkamatay. Ngunit ang kanyang pagkamatay ay hindi ginagarantiyahan o isang lisensiya upang basta-basta itapon ang buhay ng iba para lamang masiyahan ang walang kabuluhang pagkamatay ng isang bata.
Hindi ito ang hustisyang pinag-iisipan ng mga hukom at ng ating sistema. Sa katunayan, ang presumption of innocence ng akusado ay eksaktong inilagay sa pangunahing batas bilang isang panangga upang hindi tayo kumilos ng tila ay isang Diyos sa mga tao at walang habas na magkondena sa isang taong may pantay na paghinga at buhay.
Tanging kapag ang moral na katiyakan ng pagkakasala ay natupad saka lamang ang mga batas ng mga mortal ay maaaring magbigay ng kaparusahan sa isang lumabag.
Sa kasong ito, hindi man nasagot kung paano espisipikong namatay si Kyra – aksidente bang nalunod o pinatay? Malinaw naman ang sagot na sa kabuuan ng ebidensiya ay hindi nagampanan ng tagausig ang gampanin nitong idiin ang akusado bilang may akda sa pagpaslang. Dahil dito, nararapat lamang na mapawalang-sala si Myrna.