ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 07, 2022
Hindi malaman ng mag-asawang G. Rod at Gng. Pamela Jane Miranda ng Caloocan City kung kailan magwawakas ang kalbaryo sa kanilang buhay. Kasabay ng pagluluksa nila sa pagkamatay ng anak na si Baron Rock Jayson Miranda ang matinding pag-aalala sa isa pang anak. Kambal na trahedya ang hinaharap nila sa sinapit ng mga anak na sina Baron Rock at Heaven Jane.
Si Baron Rock, 15, ay binawian ng buhay noong Oktubre 14, 2018. Siya ang ika-95 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Baron Rock ay nabakunahan ng Dengvaxia noong Agosto 14, 2017 sa isang health center sa Caloocan City. Ani G. at Gng. Miranda sa nasabing pagkakabakuna,
“Kasama ring nabakunahan ang isa pa naming anak (Heaven Jane). Ngayon ay kinakabahan kami dahil madalas siyang magreklamo ng pananakit ng tiyan. May rashes sa kanyang katawan. Natatakot at nababahala kaming sapitin din niya ang nangyari sa kanyang kapatid.”
Ayon pa sa kanyang mga magulang, si Baron Rock ay masayahin, masigla, mataba at malusog na bata. Maliban sa kanyang asthma, hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa siya naospital maliban na lamang noong nagkaroon siya ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang kamatayan pagkatapos maturukan ng bakuna kontra dengue.
Noong Nobyembre taong 2017, nagsimulang kumirot ang kanang hita niya at nahihirapan siyang maglakad. Hindi naman siya agad nadala sa ospital upang ipasuri dahil sa kakapusan sa pera. Noong Enero 5, 2018, nakaramdam ulit siya ng grabeng sakit sa kanyang kanang hita at nagsabi siya na hindi na niya makayanan ang matinding kirot. Dahil dito, dinala siya sa ospital at isinailalim sa x-ray at nakakita ang mga doktor ng giant cell tumor sa kanyang kanang hita. Binigyan siya ng mga gamot katulad ng Co-Amoxiclav, ngunit nagkaroon siya ng allergies sa nasabing gamot kaya itinigil ang pagpapainom sa kanya nito. Dahil patuloy ang pagsakit ng kanyang hita, pina-check-up siya muli. Dinala siya sa isang ospital sa Quezon City at nakita na mayroon siyang right knee mass na itinuring nilang malignant primary bone tumor. Dahil dito, itinuring na mayroong orthopedic disability si Baron Rock. Matapos ang kanyang check-up noong Pebrero 2018, pinayuhan ang kanyang mga magulang na ipasailalim siya sa Magnetic Resonance Imaging (MRI). Isinagawa ang MRI niya noong Marso 9, 2018 at na-admit siya sa ospital at isinailalim sa biopsy ang bukol na nakuha sa kanya. Matapos ang nasabing procedure, lumabas ang resulta na mayroon siyang Osteobastic Osteosarcoma Grade 4. Sinabihan ang mga magulang ni Baron Rock na kailangan nitong sumailalim sa chemotherapy. Anila G. at Gng. Miranda:
“Sobra kaming nag-alala na sasailalim si Baron Rock sa nasabing uri ng gamot dahil mahirap lamang kami at napakamahal ng gamutan. Subalit buong tapang naming isinagawa ‘yun bagama’t hindi ‘yun nasusunod sa takdang araw.”
Pagdating ng Abril, Agosto, Setyembre hanggang Oktubre 2018, lumala ang kanyang kondisyon hanggang sa siya ay bawian na ng buhay. Narito ang mga kaugnay na detalye:
Abril 25 - Nagsimula siyang sumailalim sa chemotherapy. Tuwing siya ay isinasailalim sa chemotherapy inoobserbahan kung ano ang epekto ng gamot sa katawan niya. Kung mayroong epekto ang gamot, nagtatagal sila sa ospital dahil ginagamot siya. Kung wala naman, nakalalabas sila ng ospital sa loob ng apat hanggang limang araw. Natapos ni Baron Rock ang buong cycle ng chemotherapy, subalit hindi ito nakabuti sa kanya dahil lalong bumilis ang pagkalat ng cancer cells. Ang sabi ng mga doktor ay isang “very rare case” ang kanyang kaso.
Agosto 3 - Inoperahan si Baron Rock kung saan pinutol ang kanyang kanang hita. Palaki kasi nang palaki ang bukol sa kanyang kanang hita kaya kinailangan nila itong putulin.
Setyembre 14 - Isinailalim muli sa biopsy ang bukol na nakuha sa kanya at ayon sa mga doktor, hindi maganda ang resulta, sapagkat sa halip na mamatay ang cancer cells ay lalong naging mabilis sa pagkalat kaya lalong lumala ang sakit niya.
Nakita sa resulta na mayroong Chondroblastic Osteosarcoma Grade 4 si Baron Rock. Anang kanyang mga magulang, “Kawawa ang aming anak sa sumunod na mga araw.” Patuloy ang paghihirap ni Baron Rock dahil lumala ang kanyang sakit at tuluyan siyang nawalan ng sigla at ganang kumain. Nangayayat siya nang husto at naging madalas ang pagreklamo niya ng pananakit ng katawan. Hanggang sa nagkaroon na ng tubig ang kanyang baga. May mga tumubo ring rashes sa kanyang tiyan. May napansin din silang lumalabas na dugo mula sa kanyang bibig.
Oktubre 14 - Makalipas ng ilang araw na paghihirap niya, tuluyan nang bumigay ang kanyang katawan. Sa haba ng paghihirap niya, sumuko na ang mura niyang katawan. Binawian siya ng buhay noong Oktubre 14, 2018. Anila G. at Gng. Miranda:
“Napakasakit para sa amin ng biglang pagpanaw ni Baron Rock. Wala namang ibang gamot na pumasok sa kanyang katawan bago ang kanyang pagkakaroon ng cancer kung hindi Dengvaxia.”
Sa pamilya ng mga nasawing biktima ng nasabing bakuna tulad ng mga Miranda, handog namin ang pagtalima sa kanilang mga hiling para sa libreng serbisyo-legal at forensic services, kasabay ang masigasig na paghawak ng mga kaso nila hanggang sa makamit ang hustisya.