bago namatay sa bakuna
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 19, 2021
Ipinagmamalaki ng pamilya Sanchez ng Navotas ang pagiging ulira ng miyembro ng kanilang pamilya na si Gianne Marie Sanchez na maagang pumanaw. Sabi ng kanyang ina na si Gng. Mercedita Sanchez, si Gianne Marie ay masipag sa kanilang bahay at “Sa kabila ng kanyang murang edad, nakakatulong siya sa pang-araw-araw na gawain kaya nakakalungkot para sa amin na siya ay nawala na lamang bigla.”
Si Gianne Marie, 17, ay binawian ng buhay noong Agosto 4, 2018. Siya ang ika-89 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos na hilingin ng kanilang mga pamilya.
Siya ay naturukan ng Dengvaxia noong Nobyembre 29, 2017 sa kanilang paaralan. Siya ay aktibo, masayahin, masigla at malusog bago siya naturukan ng nasabing bakuna.
Mahilig siyang sumayaw at maglaro ng volleyball, ngunit pagkaraan lamang ng ilang buwan matapos siyang mabakunahan ay nagbago ang kanyang nararamdaman.
Noong Marso 2018, nag-umpisa siyang magreklamo ng pananakit ng ulo at pagkahilo.
Nawalan siya ng ganang kumain at unti-unti siyang nangangayayat. May mga pagkakataon ding sabay-sabay ang pananakit ng kanyang ulo at tiyan, pagsusuka at pagkahilo. Sa tuwing nakararanas siya ng mataas na lagnat, isinusugod siya ng kanyang pamilya sa isang ospital sa Maynila. Pagdating ng Abril hanggang Mayo 2018, narito ang ilan sa mga naramdaman ni Gianne Marie:
Abril 2018 - Halos araw-araw ang pagdurugo ng kanyang ilong. Nagkaubo at may mataas siyang lagnat, nawalan din ng ganang kumain. Siya ay dinala sa isang ospital sa Manila at napag-alamang siya ay may tuberculosis (TB). Siya ay binigyan ng mga gamot para sa TB, subalit pabalik-balik pa rin ang kanyang lagnat at pananakit ng tiyan.
Mayo, Hunyo 2018 - Dinala siya sa isang ospital sa Navotas City. Hindi nawala ang pabalik-balik na pananakit ng tiyan, lagnat at pagdurugo ng ilong hanggang Hunyo 2018.
Pagdating ng Hulyo hanggang Agosto 2018, nadagdagan ang kanyang mga sintomas, lumubha siya at tuluyang pumanaw.
Hulyo 2018 - Nagka-rashes siya at ayon sa doktor, sanhi ito ng kagat ng insekto. Hindi kumbinsido ang kanyang pamilya dahil kalat din sa likod niya ang rashes na makapal at kulay pula. Labis din ang pananakit ng kanyang tiyan at siya ay nagsusuka.
Hulyo 14, 2018 - Muli siyang isinugod sa nabanggit na ospital sa Manila.
Hulyo 16, 21, 23, 2018 - Namanas ang kanyang mukha. Dahil bahagyang bumaba ang kanyang lagnat, inilabas siya sa ospital noong Hulyo 21. Subalit noong Hulyo 23, nanilaw ang kanyang mga mata at namaga ang kanyang paa. Masakit din ang kanyang tiyan.
Hulyo 30, 2018 - Umiyak si Gianne Marie sa labis na pananakit ng kanyang ulo. Siya ay nagwawala at walang ganang kumain at hirap makatulog.
Hulyo 31, 2018 - Ginising siya ng kanyang ina sa pagkakatulog, ngunit hindi na siya magising. Dinala siya sa nabanggit na ospital at na-comatose siya. Ani Aling Mercedita, hindi na niya naimulat ang kanyang mga mata sa mga sumunod na araw.
Agosto 1 at 2, 2018 - Nag-seizure siya. Kinabukasan, ayon sa doktor ay brain-dead na siya.
Agosto 4, 2018 - Hindi na bumuti ang kanyang kalagayan at siya ay tuluyan nang pumanaw. Ani Aling Mercedita,
“Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aking anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil sa kanyang buhay. Noong gabi ng ika-28 ng Nobyembre 2017, lumapit sa aming mag-asawa si Gianne Marie at pinapapirmahan sa amin ang isang consent form kung saan ang nilalaman nito ay nakasulat kamay upang payagan ang pagtuturok ng bakuna kontra dengue sa aming anak. Ito ay pinirmahan ng aking mister matapos kong sabihan ang aking anak na sa kanya siya magpapirma. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia vaccine sa aking anak at iba pang mga bata. Hindi nila ipinaliwanag kung ano ang maaaring maging epekto ng nasabing bakuna sa kalusugan ng aking anak. Kung nalaman namin na ganito ang epekto ng bakuna, hindi kami papayag na mabakunahan ang dalawa naming anak. Isa sa kanila ay patay na at ‘yung isa ay kinakailangan naming bantayan upang hindi matulad sa kanyang kapatid.”
Ang kaso ni Gianne Marie ay isa sa mga Dengvaxia cases, na nauwi sa trahedya dahil sa kawalan ng informed consent. Maliban dito, nakaranas pa ang pamilyang naiwan ng matinding sama ng loob dahil sa halip na bigyan ng agarang medical assistance ay hinanapan pa ng dokumento na diumano ay hindi naman nila natanggap, sapagkat hindi naman ito ibinigay sa kanilang anak nang siya ay bakunahan. Ani Aling Mercedita:
“Nakakasama rin ng loob na noong may sakit na ang aking anak ay hinahanapan pa kami ng kanyang Immunization Card para mabigyan ng libreng gamot, samantalang wala naman silang ibinigay na card maliban sa kapirasong papel. Noon namang nakahingi na kami ng listahan mula sa kanilang eskuwelahan ay hindi pa rin nila ito kinilala bilang pruweba na siya ay nabakunahan ng Dengvaxia. Ilang beses ko itong idinulog sa DOH, pero lagi nilang sinasabing wala siyang card at wala siya sa listahan.”
Ang mga salitang nabanggit ay nagsisilbing hamon sa inyong lingkod, mga kasamahang public attorneys, at sa PAO Forensic Team na kanilang hiningan ng tulong. Patuloy naming ipaglalaban ang katarungan at karapatan sa kagyat, mapagmalasakit at wastong medical care at attention, lalo na sa mga napinsala ng mga kinauukulan na dapat ay kumilos sa unang hakbang pa lamang nang may buong pag-iingat at pagpapahalaga sa buhay.