Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | December 10, 2021
Ang pangalang “Emmanuel” ay may kahulugan na “Ang Dios ay sumasaatin”. Sa buwan ng taglamig o Disyembre, nagugunita ang batang si Emmanuel o si “Jesus” na isinilang sa hamak na sabsaban. Ngunit may mga magulang na may mga alaala tungkol sa pumanaw nilang mga anak na habambuhay nang magmamarka sa kanilang isipan. Ang mga gunitang ito ay kaugnay sa higit pang pahirap sa katawan at damdamin na sinapit ng nasabing mga yumao nang ang mga ito ay pilit na inaagaw ang mga sandali upang maidugtong sa kanilang mga buhay. Kabilang sa nasabing mga magulang sina G. Gualberto at Gng. Theresa Lirazan ng Makati City. Anila,
“Isang taon matapos maturukan ng bakuna kontra dengue si Emmanuel o noong Agosto 2018 nang magreklamo siya na palaging mainit ang kanyang nararamdaman kaya madalas gusto niyang maligo. Pitong araw siyang tulog, subalit nakikita lamang naming lumuluha siya habang nakapikit.”
Ang nabanggit na bata ay si Emmanuel Lirazan, 11-anyos na binawian ng buhay noong Setyembre 30, 2018. Siya ang ika-92 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Emmanuel ay naturukan ng Dengvaxia noong Agosto 18, 2017 sa isang health center sa Makati City. Ayon kina G. at Gng. Lirazan si Emmanuel, “Kailanman ay hindi nagkaroon ng malalang karamdaman at naospital maliban na lamang nitong kamakailan. Ngunit matapos siyang mabakunahan ng kontra dengue ay nagbago ang kanyang kalusugan.” Ang detalye nito na nangyari noong Agosto 2018 ay nakasulat sa itaas. Noong Setyembre 10, 2018, nagreklamo ng pananakit ng lalamunan si Emmanuel. Dinala siya ng kanyang mga magulang sa isang health center. Ayon sa doktor, siya ay mayroong tonsillitis kaya niresetahan siya ng Co-Amoxiclav.
Bumili at pinainom siya nito at nadagdagan pa ang mga nararamdaman ni Emmanuel sa mga sumunod na mga araw na ito ng Setyembre 2018:
Setyembre 11 - Alas-4:00 ng madaling-araw, nagreklamo siya ng paninikip ng dibdib at naulit ito ng alas-8:30 ng umaga. May lagnat siya kaya dinala siya sa isang ospital sa Makati City. Siya ay pinakalma ng doktor at binigyan ng gamot na pampahupa ng mabilis na tibok ng puso dahil nakaranas siya ng palpitations. Ayon sa doktor, siya ay may severe tonsillitis. Ginawan sila ng referral para sa isa pang ospital sa Makati City; kapag naulit diumano ang paninikip ng kanyang dibdib ay kinakailangang madala siya sa nasabing ospital.
Setyembre 13 - Alas-3:00 ng hapon, muling nanikip ang kanyang dibdib at dinala siya sa ospital na binanggit sa referral ng naunang ospital na pinagdalhan sa kanya. Sa nasabing ospital, siya ay sinuri at niresetahan ng gamot at pinauwi rin. Bandang alas-10:00 ng gabi, nagsuka si Emmanuel. Isinakay siya ng ambulansiya at pitong beses pa ulit siyang nagsuka ng kulay itim. Nakaramdam din siya ng pananakit ng sikmura.
Setyembre 14 - Na-admit siya sa isang ospital sa Makati. Pagkalipas ng limang oras, pinauwi rin sila; may acid reflux lang diumano siya. Sa kanilang bahay, naramdaman ng kanyang mga magulang na malamig ang kanyang katawan. Siya ay uhaw na uhaw at palaging gustong uminom ng tubig. Hindi rin siya makatulog nang nakahiga na patag sa higaan at siya ay parang nalulunod ang pakiramdam.
Narito ang ilan pa sa mga naranasan ni Emmanuel bago siya iginupo ng kanyang mga naging karamdaman at tuluyang namatay:
Setyembre 15 - Sumakit ang kanyang tiyan. Gusto niyang dumumi, pero wala siyang mailabas. Dalawang araw na siyang hindi makadumi, kaya isinugod muli siya sa isang ospital sa Makati at nabigyan siya ng gamot para rito. Nakadumi naman siya, ngunit kulay itim) at bumagsak ang kanyang blood pressure. Laking-gulat ng kanyang mga magulang nang sabihin ng doktor na kritikal na kanyang lagay dahil may stage 5 dengue infection umano siya. Siya ay in-intubate at dahil hindi siya tumitigil sa pagwawala, tinurukan siya ng pampakalma. Nawalan siya ng malay at nangyari ang nakasulat sa itaas tungkol sa pitong araw niyang pagkakatulog.
Setyembre 21 at 22 - May lumabas na dugo sa kanyang tainga. Kinabukasan na niya muling naidilat ang kanyang mga mata.
Setyembre 25 - Pabalik-balik ang kanyang lagnat. Matapos siyang suriin ng doktor, tumaas naman ang kanyang platelet count. Gayundin, siya ay nakaihi at nakadumi. Natuwa ang kanyang mga magulang dahil tumaas na ang kanyang platelet count. Kinabukasan, laking-gulat nila nang sabihan sila na kritikal na ang kondisyon ni Emmanuel.
Setyembre 29 at 30 - Ayon sa doktor, puno na ng tubig ang kaliwang baga niya. Muling bumagsak ang kanyang platelet count at hindi na siya makaihi. Naging kritikal ang kanyang kalagayan at tuluyan siyang pumanaw noong Setyembre 30, 2018. Anang mag-asawang Lirazan, “Nakapagtataka na matapos niyang maturukan ng Dengvaxia, na dapat ay magbibigay sa kanya ng proteksiyon, bigla na lamang nagbago ang estado ng kanyang kalusugan. Hindi namin akalain na ito rin ang magiging ugat ng kanyang maagang kamatayan.”
“Napakasakit para sa aming mag-asawa ng biglang pagpanaw ng aming anak. Malambing siya at kahit nasa ika-anim na baytang na siya ay nagpapakandong pa sa amin. Pero ngayon, nawala na ang aming bunsong anak,” hinagpis pa nila na ramdam na ramdam namin ang tila sariwa pang mga sugat na iniwan sa kanila ng pagyao ng pinakamamahal nilang si Emmanuel.
Ano nga ba ang maibibigay natin sa mga magulang na sobrang nami-miss at hinahanap ang paglalambing ng kanilang yumaong anak? Wala tayong maaaring maibigay sa kanila kundi ang katarungan na nararapat para sa kanilang yumaong mahal sa buhay. Nawa ay maibsan nito ang pait na dulot ng katotohanan na ang hiling nilang lambing mula mismo kay Emmanuel ay hinding-hindi na magkakaroon ng katuparan sa buhay na ito.