ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 14, 2022
Ang Barangay Health Workers (BHW) ay kabilang sa grupo ng mga tao sa komunidad na sadyang pinagkakatiwalaan ng mamamayan.
Subalit dahil sa Dengvaxia, may mga magulang ng mga biktima na may hindi magandang naaalala sa kanila. Kabilang dito sina Mang Raymond Ancheta at Aling Ma. Cecilia Torres ng Mandaluyong City, mga magulang ni King Martin Luther Ancheta. Ani Mang Raymond:
“Sinabi ng health worker ng barangay na ang priority sa pagtuturok ng nasabing bakuna ay ang mga batang hindi pa nadadapuan ng dengue. Ito ay maliwanag na taliwas sa sinasabi ng mga eksperto na ang Dengvaxia vaccine ay para sa mga nadapuan na ng dengue.”
Gayunman, dahil walang naganap na maayos na pagpapaliwanag tungkol sa nasabing bakuna at kung ano ang epekto nito mula sa mga nakatataas na awtoridad, hindi natin tuluyang maipasa ang sisi sa mga BHWs ang naganap na trahedya dahil sila rin ay kulang sa kaalaman at kasanayan.
Si King Martin Luther, 12, ay namatay noong Oktubre 10, 2018. Siya ang ika-96 sa mga naturukan ng Dengvaxia na nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si King Martin Luther ay naturukan ng Dengvaxia noong Nobyembre 30, 2017 sa health center sa kanilang lugar. Sabi ng kanyang mga magulang sa kanilang, “Siya ay aktibo, masayahin, masigla at malusog na bata bago siya mabakunahan ng Dengvaxia. Maganda ang kanyang pangangatawan at may masayang disposisyon. Ngunit noong mga nakaraang buwan matapos siyang mabakunahan kontra-dengue ay nagbago ang kanyang kalusugan.”
Ikalawang linggo ng Disyembre 2017 nang mag-umpisa siyang makaranas ng pagkahilo, pananakit ng ulo tuwing umaga at pananakit ng tiyan. Siya rin ay namumutla at pabalik-balik ang mga nararamdaman niyang ito. Noong ikalawang linggo ng Enero 2018, nag-umpisang maglabasan ang mga pasa sa kanyang katawan. Hindi rin nawala ang pananakit ng kanyang ulo at pagkahilo. Noong Pebrero 2018, napapadalas na ang pananakit ng ulo, batok at mga mata niya, at siya rin ay nagsusuka. Ang mga nararamdaman niyang ito ay nagpatuloy sa mga sumunod na buwan. Inakala ng mga magulang niya na ang nararamdaman niya ay dala lamang ng madalas na paglalaro ng computer at paggamit ng cellphone. Noong ikalawang linggo ng Hulyo 2018, napansin ng kanyang mga magulang na mabilis siyang mapagod. Noong Agosto 2018, nang siya ay ginising ng kanyang kamag-aral mula sa pagkakatulog sa klase, nagsuka si King Martin Luther at nawalan ng malay. Pagdating ng Setyembre at Oktubre 2018, nadagdagan ang mga nararamdaman ni King Martin Luther, lumala ang kanyang kondisyon, at humantong sa kanyang pagpanaw. Narito ang kaugnay na mga detalye:
Unang linggo ng Setyembre 2018 - Nagkasinat muli si King Martin Luther at inubo. Napapadalas na rin ang kanyang pagtulog at nawalan ng ganang kumain. Siya ay nahihirapan ding huminga kaya madalas ay hirap siyang matulog. Mataas na rin ang paggamit niya ng unan at madalas magreklamo na naiinitan. Hirap na hirap siya sa kanyang pag-ubo kaya hindi siya nakakatulog nang maayos. Kapag may panahon na makatulog ay natutulog siya kahit pa sa eskuwelahan.
Oktubre 10, 2018 - Papausukan na sana siya ng doktor para sa ubo, subalit dahil may kakaibang narinig ang doktor sa pagtibok ng puso niya, hindi itinuloy ang pagpapausok.
Sinabihan ng doktor ang kanyang mga magulang na kailangan siyang dalhin agad sa ospital. Ipinakita rin ng doktor ang namamanas niyang mga binti. Base sa resulta ng pagsusuri, lumaki ang kanyang puso. Sinabihan ang kanyang mga magulang na kailangan siyang gamutin dahil baka bumigay ang kanyang puso. Alas-3:00 ng madaling-araw, isinailalim siya sa skin test upang malaman kung may allergic reaction siya sa antibiotic. Pagkatapos nito, kinausap ng mga doktor si King Martin Luther dahil siya ay tuturukan ng unang dose ng gamot para sa puso. Maayos pa siyang sumang-ayon, ngunit pagkatapos maturukan ay nag-seizure siya at ay nag-agaw buhay. Sinubukan siyang i-revive ng mga doktor at tinurukan nang limang beses para sa pagpatibok ng kanyang puso, subalit wala na ring nagawa ito at tuluyan siyang pumanaw, alas-5:00 ng madaling-araw. Anila Mang Raymond at Aling Ma. Cecilia:
“Napakasakit na ang bakunang inakala naming makabubuti sa kanya ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Pumayag kaming mabakunahan siya dahil ito ang representasyon ng mga health workers na nagturok ng Dengvaxia sa aming anak.
Kung nalaman lamang namin na ganito ang sanhi ng bakunang ito ay hindi kami papayag na mabakunahan siya. Dengvaxia vaccine lamang ang kakaibang gamot na itinurok sa aming anak bago siya dapuan ng sakit na kumitil sa kanyang buhay sa murang edad.”
Noong si King Martin Luther ay nabubuhay pa, siya ay isang aktibong bata. Mahilig siyang makipaglaro ng ping pong at basketball. Isang batang may potensiyal na maging atleta sa katauhan ni King Martin Luther ang naisakripisyo dahil sa kapabayaan ng mga awtoridad na dapat nagsagawa ng masusing pag-aaral upang matiyak na ligtas ang ituturok nila sa murang katawan ng mga kabataan. Ang inilapit sa aming tanggapan na kaso ni King Martin Luther ay bahagi na ng Dengvaxia cases na aming ipinaglalaban sa hukuman.