‘di makalakad bago namatay sa Dengvaxia
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | April 8, 2022
Tila may mahika ang luto ng isang ina. Hindi lamang sustansiya at masarap na lasa ang taglay nito kundi pati pagmamahal. Kaya may mga pagkakataon na inilalambing ng mga anak na iluto ng kanilang ina ang mga paboritong pagkain, lalo na kung sila ay may nararamdamang hindi kaaya-aya. Isa sa mga nasabing anak si Mary Grace Ela Peña. Galing siya sa Kabikulan at umuwi sa Cubao nang maibigan niyang kumain ng luto ng kanyang ina na si Aling Gemma E. Marquez.
Aniya, “Pagdating namin sa bahay, gusto niyang kumain ng aking mga luto. Masaya pa kaming nagkuwentuhan at sinabihan ko siya na magpagaling. Sumang-ayon naman siya dahil sabik siyang pumasok sa eskuwelahan. Natapos ang aming usapan nang makatulog siya, alas-2:00 ng madaling-araw nang ika-13 ng Hunyo 2017.”
Masayang natulog ang mag-ina, ngunit pagdating ng umaga, binawian ng saya si Aling Gemma dahil hindi na nagising si Mary Grace— siya ay sumakabilang buhay na. Si Mary Grace, 12, namatay noong Hunyo 13, 2017, ang ika-105 sa mga naturukan ng Dengvaxia at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Siya ay isang beses naturukan ng Dengvaxia noong Hunyo 17, 2016 sa kanilang paaralan. Sinabi rin ni Aling Gemma na si Mary Grace ay masayahin, masigla at malusog na bata. Dagdag pa niya, “Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman at hindi pa naospital, bukod lamang nitong kamakailan kung saan siya ay malubhang nagkasakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”
Pagdating ng Agosto at sumunod na mga buwan noong 2016, nag-umpisang magkaroon ng pabalik-balik na lagnat, pananakit ng ulo at tiyan si Mary Grace. Taong 2017, nadagdagan ang kanyang mga nararamdaman, lumubha ang kanyang kalagayan at humantong sa maaga niyang kamatayan:
Enero 16 at 19, 2017- Labis ang pananakit ng kanyang ulo, kasabay nito ay nanlalabo ang kanyang paningin. Dinala siya sa ospital noong Enero 19, 2017. Ayon sa doktor, kailangang magpasalamin sa mata si Mary Grace dahil maaaring may kaugnayan dito ang idinadaing niyang pananakit ng ulo.
Marso 2017 - Masakit ang kanyang kasukasuan at hindi niya maigalaw ang kanyang paa.
Abril 16, 2017 - Nagbakasyon siya sa Camarines Sur sa Bicol, kung saan nakatira ang kanyang ama. Ayon sa isa pang anak ni Aling Gemma na si Rosegem na nasa Bicol, nagsusuka si Mary Grace.
Mayo 2017 - Pabalik-balik ang pananakit ng kanyang ulo at tiyan, at madalas siyang nagsusuka. Muli siyang pinatingnan sa doktor. Nabigyan ng salamin sa mata si Mary Grace, ngunit hindi pa rin nawala ang pananakit ng kanyang ulo. Pagkatapos ng isang linggo, isinugod siya sa isang ospital sa Camarines Sur. Dahil walang nakitang kakaiba sa resulta ng pagsusuri sa kanya, na-discharge siya pagkatapos ng limang araw.
Pagkalipas ng ilang araw - Muli siyang nakaranas ng labis na pananakit ng ulo. Siya rin ay nagsusuka, ipina-admit siya sa nasabing ospital sa loob ng dalawa o tatlong araw. Hindi na siya makatayo nang mag-isa at palagi siyang nakahiga. Masakit pa rin ang ulo niya, siya ay nangayayat dahil sa kawalan ng ganang kumain. Malabo pa rin ang kanyang paningin.
Huling linggo ng Mayo 2017 - Lagi siyang humihiyaw dahil sa pananakit ng ulo. Madalas din siyang magsuka, hindi makatayo at hirap makatulog.
Hunyo 12, 2017 - Mula sa Bicol, pinauwi siya ng kanyang ina dahil sa labis nitong pag-aalala sa mga nangyayari sa kanya. Sinabi ni Aling Gemma sa ama ni Mary Grace na ipahatid na siya at patitingnan ito sa espesyalista, gayundin, magpapasukan na sa eskuwela. Muling nanakit nang labis ang ulo ni Mary Grace matapos siyang sunduin ng kanyang ina sa Cubao, Quezon City. Gayunman, naganap ang masayang tagpo sa bahay ni Aling Gemma na nabanggit sa itaas.
Hunyo 13, 2017 (alas-5:45 ng madaling-araw) - Naramdaman ni Rosegem na malamig ang katawan ni Mary Grace at hindi na rin siya magising. Agad siyang isinugod sa ospital, subalit tuluyan siyang pumanaw nang araw na ‘yun. Ayon sa kanyang Certificate of Death, ang sanhi ng kanyang kamatayan ay “T/C Intracranial Pathology” (Immediate).
Ayon kay Aling Gemma, “Napakasakit ng pagpanaw ni Mary Grace. Hindi nila ipinaalam sa akin na tuturukan siya ng Dengvaxia, kaya malinaw na hindi ako nagbigay ng pahintulot sa pagbabakuna sa kanya. Nalaman ko lamang na siya ay nabakunahan nang sabihin ito ng kanyang kamag-aral at matalik na kaibigan.
“Nais ko ring linawin na hindi pa nagkakaroon ng dengue ang aking anak bago siya maturukan ng Dengvaxia. Gayundin, walang ibinigay na immunization record ang mga taong nagbakuna sa kanya.”
Baon ni Mary Grace ang pagmamahal ng kanyang pamilya sa kabilang buhay, ngunit ganundin ang sakit at lupit ng epekto ng bakunang pinaniniwalaang may kinalaman sa biglaan niyang pagpanaw. Isa na namang buhay ang nawala dahil sa kapabayaan ng ilang mga personalidad na sana’y nangangalaga sa kalusugan ng mga kabataang naturukan ng eksperimentong bakuna.
Lubhang nakapanghihinayang ang ganitong uri ng pagkamatay ng isang bata. Tinurukan ng bakuna para sa kanyang proteksiyon, subalit naging dahilan naman ng kanyang maagang paglisan. Ito ang patuloy na idinadaing ng pamilya ni Aling Gemma na inilapit nila sa inyong lingkod at sa PAO Forensic Team na aming tinutugunan, ayon sa mandato ng aming tanggapan.