pursigidong panagutin ang mga nagbakuna
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | May 13, 2022
May mga relasyong nagbibigay-kahulugan at kulay sa ating buhay. Ang mga relasyong ito, lalo na kung “dugo” at pinagsasaluhang pangalan ang ugat o pundasyon ay nasusubukan ng panahon at mga hamon sa buhay ang katatagan at kadakilaan. Pasado sa pagsubok na ito ang mag-ate na sina Lea at Vea, at ang buong pamilya Mirandilla ng Quezon Province. Gayunman, hindi sila nakaligtas sa trahedya na nag-iwan ng malalim at mahapding mga latay sa kanilang damdamin. Ito ang idinulot sa kanila ng maagang pagkawala sa mundo ng isa sa mga miyembro ng kanilang pamilya na si Vea.
Si Vea, 12, namatay noong Setyembre 19, 2017, ang ika-109 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Bagama’t ang mga magulang nina Lea at Vea na sina G. Rolando at Gng. Letty Mirandilla ay taga-Catanauan, Quezon, si Vea ay pumasok sa isang eskuwelahan sa Candelaria, Quezon noong siya ay nasa Grade 5, sapagkat du’n niya gustong mag-aral kasama ng kanyang Ate Lea at pamilya nito. Subalit bago siya nailipat ng eskuwelahan ay nabakunahan siya ng Dengvaxia sa dati niyang paaralan sa Catanauan. Ito ay binanggit ni Vea sa kanyang mga magulang nang magsimula siyang makaramdam ng pananakit ng ulo, tiyan at pagdurugo ng ilong noong Hunyo 2017. Nagkaroon din siya ng lagnat, kulani at rashes.
Pagkaraan nito, ayon kay G. Mirandilla,“Noong Setyembre 10, 2017, habang ako ay nasa Catanauan, Quezon, kami ay nakatanggap ng tawag mula kay Lea na si Vea ay nilalagnat, nagsusuka, dumudugo ang ilong at nagkaka-rashes. Dahil dito, inutusan namin si Lea na dalhin siya sa ospital upang masuri ng doktor.
“Sa kabila ng aming utos, ayaw magpadala ni Vea at mas ginusto niyang manatili sa bahay ng anak kong si Lea at uminom na lamang ng gamot. Ako naman ay tinatawagan ni Lea at iniuulat na umaayos naman ang pakiramdam ng bata.”
Gayunman, noong Setyembre 19, 2017, dumating sa bahay nila sa Catanauan, Quezon si Vea kasama ang kanyang Ate Lea. Pagdating pa lang nila, nakita na agad ng kanilang mga magulang na nangingitim na ang mga kuko ni Vea at siya ay nanghihina na. Tinanong nila si Lea kung bakit ganu’n ang lagay ni Vea, sinabi ni Lea na hindi niya alam dahil malakas pa ito nang umalis sila ng Candelaria at nagsimula itong maghina nang nasa tricycle na sila sa Catanauan.
Nang tanungin ng mag-asawa si Vea kung paano siya nagkasakit at kung ano ang kanyang nararamdaman at gaano na niya ito katagal nararamdaman, sinabi niyang nagsimula siyang makaramdam nito nang siya ay naturukan ng Dengvaxia. Dahil dito, agad na ipinag-utos ni G. Mirandilla na isugod na siya sa isang ospital sa Catanauan, ngunit hindi na siya umabot nang buhay sa nasabing ospital. Siya ay namatay habang nasa biyahe.
Isinalaysay ng mag-asawang Mirandilla, “Labis ang aming pagdadalamhati, hinagpis, lungkot at sama ng loob sa sinapit ni Vea. Malakas at masigla siya bago pa maturukan ng nasabing bakuna. Hindi rin siya kailanman dinapuan ng malubhang sakit, kaya sobrang sakit at sama ng aming kalooban dahil sa kapabayaan ng mga taong nasa likod ng pagbabakuna sa aming anak na hindi naman namin pinahintulutan.”
Buo ang loob ng pamilya Mirandilla na panagutin ang mga responsable sa pagkamatay ni Vea. Lumapit sila sa aming tanggapan upang mabigyan ng katarungan ang kanyang pagkamatay. Hiniling ng mag-asawang Mirandilla na hukayin ang bangkay ni Vea upang isailalim sa forensic examination upang malaman ng kanilang pamilya ang naging sanhi ng kanyang pagkamatay. Partikular din nilang hiniling ang pagsasampa ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo sa mga taong responsable sa pagkamatay ni Vea. Kaya tumalima ang inyong lingkod, kasamang public attorneys at forensic doctors sa kanilang hiling.
Sa pagpapatuloy ng aming laban sa ngalan ng mga biktima ng Dengvaxia, kung saan kabilang na ang kaso ni Vea, nagiging matatag ang aming relasyon sa kanila. Hindi man ito nakaugat sa parehong “dugo” at pangalan, ito naman ay may matatag nang pundasyon — ang aming dedikasyon na sila ay tunay na mapagsilbihan sa ngalan ng katotohanan at katarungan. Ang dedikasyon ding ito ang nagbibigay sa amin ng inspirasyon at lakas sa patuloy naming pagsagupa sa mga dambuhalang personalidad na nasa likuran ng mga kasong ito.