ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 3, 2022
“Bilog ang bola,” ito ay kasabihang madalas naririnig tungkol sa mga laro, lalo na sa basketball at volleyball. Dahil bilog at umiikot ang bola, may mga pagkakataon na ang pinangarap o abot-kamay nang sandali na magwagi ay nauuwi pa sa pagiging sawi.
Gayunman, may mga sitwasyon na kabaligtaran ang nangyayari sa isang laro; kung alin pa ang hindi kinakitaan ng pag-asa na mananalo, siya pa ang nakapag-uuwi ng tropeo. Bukod sa pananalig sa Maykapal, maaaring naghatid din ng pag-asa ang talinghaga tungkol sa “bilog na bola” sa mag-asawang G. Raul at Gng. Jelanie ng Real, Quezon kaugnay sa nangyari sa kanilang anak na si Jericho Azogue na nagkaroon ng matinding karamdaman. Subalit, hindi panalo ang natamo ng pamilya Azogue — binawi sa kanila ng mapait na trahedya ang pinakamamahal nilang si Jericho.
Si Jericho, 13, mahilig mag-aral at maglaro ng volleyball, ay namatay noong Enero 18, 2019. Siya ang ika-112 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} — na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya. Si Jericho ay tatlong beses naturukan ng Dengvaxia; una, noong Hunyo 21, 2016; pangalawa, noong Marso 2, 2017; at pangatlo, noong Setyembre 26, 2017. Ang nasabing pagtuturok ay nangyari sa kanilang paaralan. Ayon sa kanyang mga magulang, siya ay “Masayahin, masigla, aktibo at malusog na bata. Kailanman ay hindi pa siya nagkaroon ng malubhang karamdaman na nangangailangang siya ay madala sa ospital, bukod nitong kamakailan nang siya ay dapuan ng malubhang sakit na naging sanhi ng kanyang pagpanaw.”
Marso 2018 nang mag-umpisang magreklamo ng pananakit ng tiyan si Jericho. Nawalan din siya ng ganang kumain, kaya siya ay dinala sa isang ospital sa Maynila. Isinailalim siya sa iba’t ibang pagsusuri at ayon sa mga doktor, maayos naman ang kalagayan niya. Upang makasigurado na maayos ang estado ng kalusugan niya, sumunod siyang dinala sa isang ospital sa Quezon City upang patingnan sa espesyalista sa buto. Base sa resulta ng pagsusuri, normal naman ang kanyang kalusugan. Pagdating ng taong 2018, narito ang ilang mga detalye sa nangyari kay Jericho:
Abril hanggang Agosto 2018 - Nagpatuloy ang pananakit ng kanyang tiyan at kawalan ng ganang kumain, kaya siya ay patuloy na nangayayat. Muli siyang dinala sa nasabing ospital sa QC noong katapusan ng Agosto 2018 at nalaman na namamaga ang kanyang kidney at pantog. Isinailalim siya sa Voiding Cystourethrogram (VCUG) upang malaman ang sanhi ng nasabing pamamaga, normal naman ang resulta ng VCUG. Ngunit patuloy ang reklamo niya hinggil sa pananakit ng kanyang tiyan.
Ikalawang linggo ng Disyembre 2018 - Muling isinailalim sa ultrasound si Jericho. Base sa resulta, may problema at namamaga ang atay niya. Namanas din ang mukha at mga paa niya at lumaki ang kanyang bayag.
Disyembre 27 - Dinala siya sa ibang ospital sa Maynila at du’n nakitaan ng lymphoma at may tuberculosis ang bituka niya. Anang kanyang mga magulang, “Kaya pala sinasabi niya na parang butas ang kanyang bituka.” Dumudumi rin siya ng itim na dugo.
Disyembre 31- Inilipat siya sa intensive care unit at kinabitan siya ng nasogastric tube at in-intubate.
Sa mga petsa sa ibaba ng Enero 2019 ang pinaka-kritikal na sandali sa nalalabing mga araw ni Jericho:
Enero 5 - Sinalinan siya ng dugo. Lalong namanas ang katawan niya at hindi nawala ang pananakit ng kanyang tiyan at ito ay lumalaki.
Enero 14 - Nangati ang katawan niya matapos siyang masalinan ng dugo at masakit pa rin ang tiyan niya.
Enero 18 - Muli siyang sinalinan ng dugo. Bahagyang tumaas ang kanyang platelet count pero bumagsak din ito matapos niyang dumumi ng dugo. Siya ay nahirapang huminga at nag-agaw buhay. Pagsapit ng alas-7:30 ng gabi, tuluyan na siyang pumanaw.
Anila G. at Gng. Azogue, “Napakasakit ng biglaang pagpanaw ni Jericho. Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna sa kanya. Noong una pa lamang ay hindi na kami pumayag na maturukan siya ng bakuna kontra dengue. Ipinabalik namin sa kanya ang consent form dahil hindi kami pumayag na siya ay maturukan. Ngunit nagulat na lamang kami na sa kabila ng aming pagtanggi ay nabakunahan pa rin siya.
“Sa ikalawang pagtuturok sa kanya ng Dengvaxia, pinapunta kami sa paaralan upang samahan siya. Ayon sa nagturok, dapat ay matapos ang tatlong dose ng bakuna dahil minsan na siyang naturukan nito at upang matapos ang pagbabakuna. Dahil dito, wala na rin kaming nagawa upang pigilan ito.”
Hiniling ng mag-asawang Azogue sa aming tanggapan, sa inyong lingkod, at PAO Forensic Team ang aming tulong upang mabigyan ng katarungan ang sinapit na trahedya ng kanilang anak. Hindi madali ang makipaglaban sa malalaking tao na may kaugnayan sa kaso ni Jericho, ngunit “Bilog ang bola”—umiikot tulad ng gulong ng hustisya.
Habang ito ay umiikot, may pag-asa. Ang PAO ay patuloy na kumikilos ayon sa aming mandato at hindi kailanman mapaparalisa dahil lamang sa higanteng mga katunggali sa labanang panghustisya. Ito ang tungkuling sinumpaan ng inyong lingkod bilang inyong Punong Manananggol Pambayan nang tanggapin ko ang responsibilidad na katumbas ng aking posisyon. Ang maging matatag sa lahat ng oras, sinuman ang maging katunggali sa pagtupad ng aming tungkulin ayon sa mandato ng Tanggapang aking pinamumunuan. Tamang hustisya para sa lahat.