ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | February 17, 2023
Si Lennon Carl Agno Ribo ay mahilig maglaro ng basketball at tumugtog ng gitara. May matayog din siyang pangarap at gusto niyang pumasok sa Philippine National Police Academy (PNPA) upang maging pulis.
Ang kanyang mga kakayahan na maisagawa ang kanyang mga kinahiligan at ang kanyang sigasig na maabot ang kanyang mga pangarap ay palatandaan ng magandang kinabukasan. Sa kasamaang-palad, hindi na nakita pa ni Lennon Carl ang magandang bukas na naghihintay sa kanya. Ito ay ninakaw sa kanya ng nakakalason at eksperimentong bakuna kontra dengue— ang Dengvaxia.
Si Lennon Carl, 12, ay namatay noong Setyembre 9, 2019. Siya ang ika-147 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki at pagdurugo ng laman-loob), neurotropism (pamamaga at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015} - na sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, pagkatapos hilingin ng kanilang mga pamilya.
Ayon sa kanyang Certificate of Death, si Lennon Carl ay namatay dahil sa Dengue, Severe (Immediate Cause), Dengue Encephalopathy (Other Significant Conditions Contributing to Death). Ayon kina G. Bienvenido Montibor (kinikilalang ama) at Gng. Jacklyn Agno (nanay) ng Taguig City, si Lennon Carl ay naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan. Una, noong Marso 18, 2016; Pangalawa, noong Nobyembre 16, 2016; at Pangatlo, noong Hunyo 29, 2017.
Noong Abril 2016, matapos ang unang bakuna ni Lennon Carl ng Dengvaxia, siya ay nag-umpisang magkaubo at magkasipon. Naging pabalik-balik ito sa mga sumunod na mga buwan.
Nang turukan siya ng nasabing bakuna sa pangalawang pagkakataon, siya ay may ubo at sipon, gayundin noong pangatlong pagtuturok sa kanya. Hindi na nawala ang kanyang sipon at ubo hanggang sa siya ay pumanaw noong Setyembre 9, 2019.
Narito ang kanyang pinagdaanang mga sakit bago siya namatay:
Hunyo - Nagreklamo siya ng pananakit ng dibdib at hirap huminga. Sinuri ang kanyang dibdib, gayundin ang kanyang blood sugar. Ayon sa doktor, normal ang kalagayan niya
Setyembre 10 - Sa burol ni Lennon Carl, base sa kuwento ng kanilang kapitbahay na si Mommy Balbin, kina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, nagsabi si Lennon Carl sa kanya na namamanhid ang kamay at hita nito.
Setyembre 6 at 7 - Nagkalagnat siya, bandang alas-8:00 ng umaga. Sabi nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Sa labis naming pag-aalala, lalo pa’t naturukan siya ng Dengvaxia at usong-uso ang dengue, dinala namin siya sa isang ospital sa Pasig City gamit ang ambulansya ng aming barangay.” Nahihilo at nagsusuka rin siya. Gayundin, siya ay isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta ng mga ito, positibo siya sa Dengue. Labis ang pag-iyak ni Gng. Jacklyn sa pag-aalala sa kalagayan ni Lennon Carl. Nakiusap siya sa doktor na i-admit siya sa ospital. Tinanong si Gng. Jacklyn ng doktor kung bakit siya umiiyak, sumagot ito na may dengue ang kanyang anak at siya ay naturukan ng Dengvaxia. Sinagot siya ng doktor na sa ibang bansa ay natutuwa sila dahil naturukan sila o ang mga anak nila ng Dengvaxia. Kaugnay nito, pinauwi sila dahil kailangan diumano munang may pagdurugo sa ilong at bibig bago i-confine si Lennon Carl.
Bandang alas-5:00 ng hapon, dahil wala silang nagawa sa kagustuhan ng doktor, inilabas nila sa ospital si Lennon Carl upang iuwi. Habang binabagtas nila ang overpass malapit sa ospital, siya ay bumagsak dahil sa pagkahilo. Agad siyang ibinalik sa ospital at isinailalim sa iba’t ibang pagsusuri at base sa resulta, na inilabas nang alas-3:00 ng madaling-araw ng Setyembre 7, 2019, mataas pa diumano ang platelet count niya, kaya hindi pa siya kailangang i-confine sa ospital at inuwi naman siya. Pagdating ng alas-10:00 ng umaga nang araw na ‘yun, bigla siya nagdeliryo. Kung anu-ano ang kanyang sinasabi at nakikita. Dahil dito, agad siyang dinala sa isang ospital sa Muntinlupa sa paghahangad na siya ay ma-confine ru’n. Bandang alas-3:00 ng hapon, nawalan siya ng malay. Umabot pa sila ng hanggang gabi dahil sa haba ng prosesong pinagdaanan niya.
Saad nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Sa buong araw na naroon ang aming anak, hindi man lang siya nilagyan ng suwero. Iminungkahi ng doktor na kailangan namin siyang dalhin sa iba upang i-CT scan. Sinabi namin na sa isang ospital namin siya ipapa-CT scan, pero sa sa kanila pa rin namin siya ipapa-confine, subalit sinabihan kami ng doktor na huwag na kaming bumalik kung sa iba pa kami magpa-CT scan. Dumating kami sa isang ospital sa Muntilupa at dahil walang available na neurologist at kuwarto ang nasabing ospital, inilipat namin siya sa isang ospital sa Taguig City. Bandang alas-8:00 ng gabi nang makarating kami sa isang ospital sa Taguig. Wala ring nangyari dahil walang bakanteng kuwarto, kaya kami ay nagpasya na dalhin siya sa pribadong ospital at du’n na-confine ang aming anak.”
Setyembre 8 - Mga alas-2:30 ng madaling-araw, inilipat siya sa ICU. Galaw lang siya nang galaw habang nakapikit. Pagdating ng alas-9:00 ng umaga, nagsisigaw siya sa sakit. Hindi na nawala noon ang kanyang lagnat na nag-umpisa noong Setyembre 6, 2019.
Setyembre 9 - Bandang alas-12:00 ng tanghali, nabisita pa ng mag-asawa sa ICU si Lennon Carl. Maayos pa naman ang kalagayan niya, kaya laking-gulat ng pamilya niya nang bandang alas-2:00 ng hapon ay nagtakbuhan ang mga doktor at nurse ng ospital upang saklolohan si Lennon Carl. Nag-agaw buhay siya at pagsapit ng alas-6:00 ng gabi ay tuluyan nang pumanaw si Lennon Carl.
Salaysay nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn, “Hindi makatarungan na ang aming anak ay namatay nang napakaaga, samantalang wala naman siyang idinadaing na karamdaman sa amin at ni hindi pa siya naoospital bago maturukan. Dahil dito, aming hinihiling na masampahan ng kaukulang kasong sibil, kriminal at administratibo ang mga taong responsable sa pagkamatay ni Lennon Carl.”
Ang ‘kawalan ng katarungan’ na ipinaglalaban ng pamilya ni Lennon Carl ay inilapit sa aming tanggapan. Mailap man sa pagkakataong ito, umaasa sila na makakamit nila ang minimithing katarungan para sa maagang pagkamatay ng nag-iisa nilang anak. Gustuhin man ni G. Bienvenido na daanin na lamang sana sa dahas ang paghingi ng kabayaran sa kamatayan ng kanilang nag-iisang anak, nanaig pa rin sa kanya ang umasa at magtiwala sa timbangan ng katarungan. Kasama kami (PAO at PAO Forensic Team) ngayon nina G. Bienvenido at Gng. Jacklyn sa mithiin nilang makamit ang hustisya para kay Lennon Carl.
Ang kanilang dedikasyon sa paglaban sa legal na pamamaraan ay pinaghuhugutan din namin ng inspirasyon sa tuwina.