BAGO NAMATAY SA DENGVAXIA.
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | June 10, 2023
Sa tinaguriang Dengvaxia cases na hawak ng aming tanggapan, maraming mga bata ang pinaniniwalaang biktima ng nasabing bakuna ang nagkaroon ng pagbabago sa ugali at may pagkakataon na sila ay tila ibang tao na. Isa sa mga ito si Crisa Mae Porcia, anak nina G. Bartolome at Gng. Annabelle Porcia ng Antipolo City.
Si Crisa Mae, 15, ay namatay noong Disyembre 8, 2020. Siya ang ika-160 sa mga naturukan ng Dengvaxia na under Clinical Trial Phase 3 (WHO, Peter Smith) at nakaranas ng sintomas na kasama sa common pattern of four serious adverse effects (anaphylactic allergic reaction, viscerotropism (pamamaga, paglaki, at pagdurugo ng lamang-loob), neurotropism (pamamaga, at pagdurugo ng utak), and increase in severity of dengue disease) na sumasang-ayon sa Sanofi Declaration of Four (4) Identified and Expected Risks in its Submission for Authorization sa Food and Drug Administration (FDA) {22 Disyembre 2015}. Siya ay sumailalim sa forensic examination ng PAO Forensic Team, matapos na hilingin ito ng kanyang mga magulang. Ayon sa Death Certificate ni Crisa Mae, siya ay namatay dahil sa Acute Respiratory Distress Syndrome (Immediate Cause); Pediatric Community Acquired Pneumonia O (Antecedent Cause); Pulmonary Tuberculosis (Underlying Cause).
Ayon sa mga kaklase ni Crisa Mae na sina Tiffany Joy at Jone Roej, tatlong beses umano itong naturukan ng Dengvaxia sa kanilang paaralan.
Dagdag pa nito, kasabay umano nila si Crisa Mae na naturukan ng nasabing bakuna sa tatlong magkakahiwalay na pagkakataon noong taong 2016 at 2017 sa kanilang nasabing paaralan.
Si Crisa Mae ay isang masayahin, aktibo at malusog na bata. Mahilig siyang sumayaw at aktibo sa mga activities sa kanilang paaralan. Siya ay student council president at consistent honor student magmula noong elementarya hanggang high school.
Noong Pebrero 2018, napansin ng kanyang magulang na siya ay walang gana kumain na nagresulta ng kanyang pangangayayat. Nangalay din ang kanyang parehong binti hanggang sa mababang parte ng kanyang likod. Siya ay dinala ng kanyang mga magulang sa manghihilot at albularyo pero hindi pa rin bumuti ang kanyang kalagayan. Nagpatuloy ito hanggang matapos ang taong 2018.
Pagdating ng taong 2019, narito ang ilan sa mga nangyari kay Crisa Mae:
· Unang bahagi ng taong 2019 – Wala pa rin siyang gana kumain hanggang sa nangayayat at nangalay na rin ang kanyang binti at likod.
· Mayo 2019 - Nagkaroon siya ng lagnat na tumagal ng tatlong araw. Naninikip na rin ang kanyang dibdib, pagkahilo, pagsusuka ng puting likido at pananakit ng kanyang ulo. Siya ay pinainom ng neozep at bahagyang bumuti ang kanyang kalagayan, ngunit hindi nagtagal ay bumalik din ito.
· Agosto 21 – Hindi pa rin bumubuti ang kanyang kalagayan, dinala siya sa isang clinic sa Antipolo, Rizal. Isinailalim siya sa urinalysis at hematology. Doon ay nalaman na may urinary tract infection (UTI). Niresetahan siya ng mga gamot gaya ng Co-amoxiclav at iba pa.
· Agosto 28 - Muli siyang dinala sa nabanggit na clinic para sa kanyang follow-up check-up. Hirap siyang maglakad, pabalik-balik na nilagnat, pananakit ng ulo, pagsusuka, at hirap sa paghinga. Muli siyang dinala sa albularyo subalit hindi pa rin ito bumuti. Sa mga sumunod na linggo ay lalo itong nanghina hanggang sa bumagsak na ang kanyang katawan.
· Oktubre at Nobyembre - Hirap nang maglakad si Crisa Mae. Pagdating ng Nobyembre, nagkaroon ng mga pantal na parang kagat ng lamok ang kanyang mga kamay at paa. Nawala rin naman ito matapos ang dalawang araw, at muling bumalik noong buwan ng Marso 2020.
· Enero, Pebrero, Marso 2020 - Noong Pebrero ay tuluyan na itong‘di makapaglakad. Pabalik-balik rin ang mga sintomas na kanyang nararamdaman, at bagsak na noon ang kanyang katawan.
· Disyembre 5 - Sa tulong ng barangay officials, nadala siya sa isang ospital sa Quezon City, at doon nalaman na may hangin ang kanyang baga.
· Disyembre 8 - Nagreklamo siya ng matinding paninikip ng dibdib. Agad na tumakbo si Gng. Annabelle sa nurse station ngunit pagbalik niya ay nangingitim na ang labi at mga daliri ni Crisa Mae. Kinuhanan siya ng dugo ngunit sa sobrang kalikutan ay halos bumaon at bumaluktot na ang karayom ng kanyang dextrose. Naging kritikal ang kanyang kalagayan, at bandang alas-4:00 ng hapon ay tumirik na ang kanyang mga mata.
Narito ang kaugnay na detalye, hango sa salaysay ng kanyang mga magulang:
“Sinabihan niya kami na alisin ang mga sakit sa kanyang katawan. Pagkatapos no’n ay sinabi niya na ‘Nay, maliwanag, patay na ako!’ Sinabihan ko siya na huwag niyang sabihin 'yun at mahal ko siya. Subalit pagsapit ng bandang alas-5:00 ng hapon, ay tuluyan nang pumanaw ang aming anak.
Palaisipan sa amin ang pagkakaroon niya ng sakit dahil wala naman siyang history ng pagkaka-ospital mula noong siya'y bata pa. Kaya nakapagtataka na nagbago ang kanyang kalusugan. Nangyari ito matapos siyang maturukan ng Dengvaxia.
Naging pabaya ang mga taong gumawa ng pagbabakuna ng Dengvaxia. Binakunahan nila ang aming anak ng wala kaming pahintulot at presensya. Nalaman na lang naming siya ay nabakunahan noong nakaburol na ang aming anak.”
Ang mga ganitong karanasan ang nagtutulak sa mga naiwang mga mahal sa buhay ng mga biktimang katulad ni Crisa Mae na maghanap ng katarungan.
Hindi nila matatanggap na ang karanasang itinuturing nilang panlilinlang ay magtatapos sa pagkawala ng buhay ng kanilang minamahal na anak. Kaya patuloy nating ipinaglalaban ang kamatayan ng mga bata sa ating hukuman. Ang prinsipyo, katatagan ng kalooban, at pagmamahal na nasa likod ng desisyon nilang lumaban sa hukuman ay nagbibigay inspirasyon sa amin bilang kanilang tagapagtanggol na patuloy na magpunyagi sa kanilang mga kaso sa legal na paraan.