ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | Oct. 25, 2024
ISSUE #329
Merong mga pagkakataon na hindi natin mawari kung bakit nangyayari ang mga hindi magagandang bagay, ano ang nasa isipan ng mga taong nakapaligid sa atin at ano ang mangyayari sa bawat bukas ng ating buhay?
Kung alam lang sana natin, marahil ay marami na tayong iniwasan at marahil ay nag-ingat pa tayo nang lubusan. Ngunit tila sadyang ganyan ang buhay. Gayunman, ang pinakamahirap ay ang hindi natin alam kung kailan tayo mawawalay sa ating mga mahal sa buhay.
Sa isang malagim na krimen, nagwakas ang pagsasama ng mag-asawang Eduardo at Eva. Tunghayan natin ang kanilang naging kapalaran at ang naging kapalaran ni Alexander, ang taong inakusahan sa krimen.
Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Alexander Nuevo, Sr. y Casinillo (CA-G.R. CR-HC No. 16387). Ang kasong ito ay inilaban ng aming Special and Appealed Cases Service (SACS) sa pamamagitan ni Atty. C. G. Diolola.
Si Alexander ay naharap sa kasong murder na inihain sa Regional Trial Court (RTC) kaugnay ng pamamaslang sa biktima na si Eduardo.
Naganap diumano ang naturang pamamaslang bandang alas-3 ng hapon, noong ika-8 ng Nobyembre 2020, sa isang Barangay sa Monreal, Masbate.
Batay sa paratang laban sa kanya, sa pamamagitan ng pagtataksil o treachery ay sinaksak ni Alexander si Eduardo sa tiyan gamit ang isang kutsilyo, na siyang naging sanhi ng dagliang pagpanaw ng biktima.
“Not Guilty,” ang naging pagsamo ni Alexander sa hukuman.
Batay sa testimonya ni Eva, asawa ng biktima at isa sa mga tumayong saksi para sa tagausig, alas-10:00 ng umaga, noong araw ng insidente ay nakikipag-inuman diumano si Eduardo sa bahay ni Kagawad Gernale.
Ang nasabing bahay ay 25 hanggang 30 metro ang layo mula sa kanilang bahay. Nakita umano ni Eva na pumasok ang kanyang asawa sa nasabing bahay at narinig pa umano niya ang boses nito, bagaman hindi niya umano kilala kung sino ang kainuman ng kanyang esposo. Bandang alas-3:00 ng hapon, umuwi na umano sa kanilang bahay si Eduardo. Nagpaalam diumano si Eva kay Eduardo na pupunta lamang siya sa palikuran ng kabilang bahay. Ngunit, nasa walong metrong layo pa lamang si Eva mula sa kanilang bahay nang makita niya na binuksan ni Alexander ang gate ng kanilang bakod at nilapitan si Eduardo na noon ay nakatayo sa kanilang bakuran.
Bigla na lamang umanong sinaksak ni Alexander si Eduardo sa tiyan gamit ang isang kutsilyo na may haba na halos 40 pulgada. Napahiga umano si Eduardo at agad naman umanong tumakas si Alexander. Naiwan pa umano nito malapit sa katawan ng biktima ang kutsilyo na kanyang ginamit. Agad na humingi ng saklolo si Eva, subalit binawian din ng buhay ang kanyang asawa.
Batay sa testimonya ni Dr. Nuevo na sumuri sa bangkay ng biktima, nagtamo diumano si Eduardo ng isang saksak sa pagitan ng dibdib at tadyang nito na nagdulot ng matinding pagdurugo .
Tumestigo rin para sa tagausig si Police Officer (PO) Bartolay na siyang nag-imbestiga sa insidente. Napag-alaman umano ni PO Bartolay na bago ang malagim na insidente ay nag-inuman umano sina Alexander at Eduardo sa bahay ni Kagawad Gernale at nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng dalawa.
Matapos ang insidente ay kusa umanong sumuko si Alexander sa kapitan ng kanilang barangay, na siyang nagdala sa inakusahan sa istasyon ng pulis.
Si Alexander lamang ang tumayong testigo para sa depensa. Magkaibigan umano sila ni Eduardo. Nagpunta umano siya sa bahay ni Kagawad Gernale, bandang alas-3:00 ng hapon, noong araw ng insidente, upang manghiram ng bigas. Ngunit nakita niya diumano na umiinom mag-isa si Eduardo at inaya umano siya nito na uminom, pero tumanggi siya sapagkat siya ay mangingisda pa at nagpunta lamang doon upang humiram ng bigas.
Hindi umano siya pinakinggan ni Eduardo. Bagkus, siya ay pinagsusuntok diumano nito. Sinubukan niya umanong umalis, ngunit patuloy siyang sinusuntok ni Eduardo. Noong napansin niya umano na malapit na sila sa bahay ni Eduardo ay nagdesisyon na siyang lumaban. Kung kaya’t nasaksak niya umano si Eduardo. Pagtapos nu’n ay umuwi na umano siya sa kanilang bahay at ipinaalam sa kanyang mga anak na wala silang bigas para sa gabing iyon. Sinabi niya rin na meron siyang nasaksak at kinakailangan niyang sumuko. Pumunta diumano sa kanya ang kapitan ng kanilang barangay at ipinaalam na pumanaw na ang biktima.
Sa puntong iyon, sinabi niya na siya ay susuko na. Iginiit ni Alexander sa kanyang cross-examination na pinagsusuntok diumano siya ni Eduardo, subalit wala siyang katibayan na nagtamo siya ng mga pasa. Dala rin umano niya ang kanyang bolo at isang timba noong oras ng insidente, sapagkat siya ay mangingisda.
Sa desisyon ng RTC, hinatulan na may sala para sa krimen na murder si Alexander. Reclusion perpetua, ang parusa na ipinataw sa kanya, kabilang na ang pagbabayad ng sibil na pinsala at danyos para sa mga naulila ng biktima.
Sa pagnanais na siya ay mapawalang-sala, humingi ng tulong sa aming tanggapan si Alexander.
Siya ay nirepresenta ni Manananggol Pambayan C.G. Diolola sa kanyang apela sa Court of Appeals (CA).
Iginiit ni Alexander sa kanyang apela na siya ay dumepensa lamang umano para sa kanyang sarili. Hindi rin umano napatunayan ng tagausig ang qualifying circumstance na treachery, at mali umano ang RTC na hindi nito kinonsidera kanyang kusang pagsuko.
Matapos ang masusing muling pag-aaral sa kaso ni Alexander, mula sa hatol para sa krimen na murder, ibinaba ng appellate court ang hatol para na lamang sa krimen na homicide.
Ipinaliwanag ng CA na sa paggiit ng justifying circumstances na self-defense, inaamin ng inakusahan na ginawa niya ang krimen ngunit mabibigyan katwiran ang kanyang ginawa kung mapapatunayan ang mga sumusunod na rekisito:
(1) Merong unlawful aggression sa parte ng biktima, (2) merong reasonable necessity o makatwirang pangangailangan sa ginamit na pamamaraan ng inakusahan upang salagin ang naturang unlawful aggression, at (3) walang probokasyon o panggagalit na ginawa ang inakusahan. Sa paggiit din ng self-defense, nababaling ang pasanin ng pagpapatunay sa depensa. Dahil dito, kinakailangan umano na umasa ang inakusahan sa tibay ng kanyang ebidensiya at hindi sa kahinaan ng ebidensiya ng tagausig.
Para sa CA, hindi umano nabigyan ng katwiran ang ginawang pananaksak ni Alexander sa biktima. Ito ay sa kadahilanan na hindi umano niya napatunayan na merong unlawful aggression sa parte ng biktima. Maliban umano sa kanyang solong alegasyon na siya ay pinagsusuntok ng biktima, hindi na umano nakapagpresenta si Alexander ng iba pang testigo na magpapatotoo sa naturang alegasyon. Hindi rin umano nakapagpresenta si Alexander ng katibayan na nagtamo nga siya ng mga pasa mula sa naturang panununtok ng biktima.
Idinagdag pa ng CA, hindi umano napatunayan ni Alexander na mayroong makatwirang pangangailangan upang saksakin niya ang biktima. Naging kapuna-puna para sa CA na wala umanong armas ang biktima. Sinuntok na lamang sana raw niya ang biktima kung nais niyang lumaban. Lumalabas din umano na nakainom ang biktima.
Sa sitwasyon na iyon, maaari na lamang sana na umalis si Alexander, sa halip na gumanti pa. Higit lalo, ang saksakin pa ang biktima.
Magkagayunman, sumang-ayon ang CA na hindi umano napatunayan ng tagausig nang higit sa makatwirang pagdududa ang qualifying circumstance na treachery o merong pagtataksil ang pagpatay sa biktima.
Wala umanong pagpapatunay na sadyang pinili ni Alexander ang pamamaraan ng kanyang ginawa upang masiguro na walang panganib sa kanyang sarili. Dahil dito, hindi umano maaaring sentensyahan si Alexander para sa krimen na murder.
Sumang-ayon din ang CA na dapat ay kinonsidera umano ng RTC ang boluntaryo na pagsuko ni Alexander upang mapababa ang parusa niya. Napatunayan diumano hindi lamang ng kanyang testimonya na siya ay kusang sumuko, kundi pati na rin ni PO Bartolay na saksi ng tagausig.
Kung kaya’t ang naging hatol ng appellate court kay Alexander ay pangungulungan sa loob ng walong taon na prision mayor bilang minimum, hanggang 12 taon at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum. Ipinag-utos din ng CA na siya ay magbayad sa naulila ng biktima ng P50,000.00 bilang civil indemnity, P50,000.00 bilang moral damages at P50,000.00 bilang temperate damages.
Ang sibil na aspeto ng parusa sa kanya ay mapapatawan ng anim na 6% interes bawat taon, mula sa araw na maibaba ang nasabing desisyon hanggang sa mabayaran ang kabuuan na halaga ng mga ito.
Ang nasabing desisyon ng CA ay naging final and executory noong Hulyo 27, 2023.
Maaari lamang natin isapantaha ang hirap na pinagdaanan ni Eva sa pagpanaw ng kanyang asawa, ngunit hindi natin malalaman kung gaano kalalim ang sugat na iniwan ng pangyayaring ito sa kanya.
Nawa ay makabangon siyang muli mula sa dagok at pighati na iniwan sa kanya ng tadhana at makapagsimulang muli sa buhay kahit wala na ang kanyang katuwang na asawa.