ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | November 17, 2023
Ang pisikal na pananakit at pagbibintang sa isang karelasyon na mayroon siyang iba – sapat bang dahilan para may masawi? Sa iba, maaaring madali lang para sa kanila ang magbigay ng sagot ukol dito. Ngunit upang maging patas, at higit na magkaroon ng makatarungan at makat’wirang opinyon, mas mabuting malaman natin ang kabuuang pangyayari.
Ang insidenteng ito ay naganap sa isang partikular na kaso, ang People of the Philippines vs. Erlen Manzano Cabahog (CA G.R. No. 43759, September 17, 2020, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Pedro B. Corales [5th Division]). Narito ang kaugnay na kuwento sa kasong ito.
Si Nicolas ay binaril sa Lungsod ng Calamba. Ang bala na tumama sa kanyang dibdib ang siyang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Si Erlen, na noon ay kinakasama ni Nicolas, ang siyang inakusahan ng Homicide sa Regional Trial Court (RTC).
Ayon kay Neil, anak ng biktima na tumestigo para sa prosekusyon, alas-6:00 ng umaga noong araw ng insidente, narinig at nakita niyang nagtatalo ang kanyang ama at si Erlen.
Makalipas ang ilang sandali, narinig na lamang ni Neil ang sigaw ng kanilang kasambahay.
Pagkababa niya diumano mula sa kanyang silid, nakita niyang may hawak na baril si Erlen at nakatutok diumano ito kay Nicolas. Nag-agawan diumano sina Erlen at Nicolas sa nasabing baril hanggang sa napunta sila sa silid ni JP, pinsan ni Erlen at du’n na pumutok ang baril.
Agad diumanong humingi sa kanya ng tulong si JP. Nakita na lamang niya na dumadaloy na ang dugo ng kanyang ama. Bagaman, nadala pa sa ospital ang kanyang ama, binawian pa rin ito ng buhay.
Nakita rin diumano nina Errol at Karl, mga anak nina Erlen at Nicolas, ang mga pangyayari.
Subalit, tila sa testimonya ni Errol sa hukuman, nabanggit niya na bagaman nakita niya ang nasabing pag-aaway, nasa ibang bahagi siya ng bahay nang marinig ang putok ng baril. Batay din kina Neil at Errol, nabanggit nilang natulala at iyak nang iyak si Erlen matapos ang insidente.
Kasama si Erlen na nagdala kay Nicolas sa ospital at du’n din siya inaresto ng mga awtoridad.
Para naman sa depensa, si Erlen lamang ang tumayong testigo. Ayon sa kanyang testimonya, kakauwi lang niya, alas-4:00 ng madaling araw, noong Disyembre 25, 2016, mula sa isang Christmas party na kanyang dinaluhan. Mayroon pa diumanong mga bisita si Neil noong oras na iyon at sila ni Nicolas ay nakihalubilo at nakipagkantahan.
Pumasok diumano sa kanilang bahay si Nicolas at naiwan siyang mag-isang kumakanta hanggang ang isa sa mga kaibigan ni Neil ay nakisali sa kanyang pagkanta. Napansin diumano ni Erlen na rito na biglang nagbago ang mood ni Nicolas.
Pumasok na rin ng bahay si Erlen pagkaalis ng mga bisita ni Neil. Bigla na lamang siyang inakusahan na “iniiputan” niya diumano ito. Nang sabihin ni Erlen na huwag nitong sirain ang araw dahil may lakad pa sila, bigla na lamang hinila ni Nicolas ang kanyang buhok at sinabihang hindi siya pupuwedeng makaalis ng bahay. Sinampal niya diumano si Nicolas at sinabing maghiwalay na lamang sila kung sisirain lamang nito ang Pasko.
Kinaladkad siya diumano ni Nicolas, na naging sanhi ng pagkaputol ng kanyang ngipin, at pinagbintangan na siya ay nanlalalaki. Nilabas ni Nicolas ang baril na inisyu sa kanya bilang pulis at itinutok ito sa noo ni Erlen. Hinila diumano muli ni Nicolas ang buhok ni Erlen at sinuntok ang kanyang batok.
Bagaman tumigil si Nicolas noong nanghihina na si Erlen, hawak pa rin nito ang nasabing baril.
Nang makakuha ng pagkakataon si Erlen, kinuha niya ang kanyang bag at pitaka. Ang ginawa niya ay lalong ikinagalit ni Nicolas, sanhi para hilahing muli ang kanyang buhok at pagbawalan siyang umalis. Muli siyang binugbog at nang mapaupo siya, itinutok ni Nicolas ang nasabing baril sa kanyang baba. Sinubukan diumano ni Erlen na ilayo ang nasabing baril nang di-sinasadyang bigla itong pumutok at tinamaan siya sa kanyang clavicle. Sinabi diumano ni Nicolas na tinamaan ng bala ang kanyang puso ngunit hindi agad naniwala si Erlen. Nang tanggalin ni Erlen ang kamay sa pagkakatakip sa kanyang mga mata, nakita niya na lang na dumadaloy na ang dugo ni Nicolas.
Agad na humingi ng saklolo si Erlen.
Batay kay Erlen, wala diumano siyang intensyon na patayin si Nicolas. Ang nais lamang niya ay iwanan ito dahil sa kanilang madalas na pag-aaway na nauuwi sa panunutok ng baril.
Guilty beyond reasonable doubt ang naging hatol ng RTC kay Erlen, na agad naman niyang inapela sa Court of Appeals (CA). Iginiit niyang aksidente ang nangyari. Iginiit din niyang hindi niya kayang kunin ang baril sapagkat ang biktima ay isang sanay at may karanasang pulis. Sinubukan lamang diumano niyang protektahan ang kanyang sarili.
Kinatigan ng CA si Erlen, na ang pagkakabaril kay Nicolas ay isang aksidente. Ayon sa CA, natural impulse ng isang tao ang lumaban o dumepensa. Nakita ng nasabing hukuman, base sa mga testimonya at ebidensya na isinumite, pinoprotektahan lamang ng akusado ang kanyang sarili.
Hindi rin nakumbinsi ang CA sa testimonya ni Errol dahil sa mga inconsistencies sa kanyang mga pahayag. Nagkaroon din ng pag-aalinlangan ang CA dahil hindi isinalang sa witness stand si JP gayung sa pahayag ng ibang testigo ay naru’n siya sa silid kung saan naganap ang naturang pamamaril. Sapagkat, hindi sumapat para sa CA ang mga ebidensya ng prosekusyon, pinili nitong ipawalang-sala ang akusado. Ipinaalala ng CA, sa panulat ni Court of Appeals Associate Justice Pedro B. Corales:
“This Court has always stood by the rule that it is better to acquit a guilty person than to convict an innocent one.”
Sadyang hindi na mababago ang nakaraan at hindi na mabubuo pa ang pamilya nila Erlen.
Gayunman, nawa’y sa nasabing detalyadong paliwanag ng hukuman, makamtan ng kaluluwa ni Nicolas ang katahimikan, at nang matuldukan na ang pagdaing mula sa madilim at malamig niyang libingan.