ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | January 5, 2024
Ang mga biktima ng panghahalay ay may mga daing na baun-baon sa kanilang mga dibdib. At kapag ang mga taong nangmolestya sa kanila ay napawalang-sala, para na rin silang pinatay. Ngunit may mga pagkakataon na bagama’t nais ng hukuman na ipagkaloob sa kanila ang katarungan, ang mga naakusahan kaugnay sa kanilang mga kaso ay pinakakawalan.
Sa kasong tampok sa artikulo natin ngayon, alamin natin ang mga dahilan ng Court of Appeals sa pagkiling nito sa akusado. Ang kaugnay na kuwento rito ay may batayang kaso na hawak ng aming Tanggapan. Ang People of the Philippines vs. T16179T (CA-G.R. CR-HC No. 16179, Nov 29, 2023, na isinulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Eleuterio L. Bathan [13th Division]).
Noong Nobyembre 2011, 14-anyos pa lamang ang biktimang tawagin na lang natin sa pangalan AAA, nang siya’y molestyahin ng kanyang ama. Ilang ulit diumano siyang sekswal na pinagsamantalahan ng taong dapat sana ay kakalinga sa kanya. Bagaman nagpupuyos ang kanyang kalooban sa kahayupang ginawa sa kanya, hindi diumano nakuhang lumaban o magsumbong agad ni AAA dahil diumano sa takot na baka siya o ang kanyang mga kapatid ay saktan ng kanilang ama.
Ngunit isang araw, nang siya ay sunduin ng kanyang tiyahin at dalhin sa bahay nito, nagkaroon na si AAA ng lakas ng loob na magsumbong ukol sa lahat ng pagpapahirap na dinaranas sa kanyang ama.
Mayo 31, 2012 nang masuri si AAA ni Dr. Alcantara ng National Bureau of Investigation, Bicol Regional Office, at doon nakumpirma na siya umano ay sekswal na naabuso. Ito ang naging susi upang siya ay makapaghain ng reklamong qualified rape laban sa kanyang ama.
Matapos ang paglilitis sa Regional Trial Court, binabaan ng hatol na conviction ang akusado at pinatawan ng parusang reclusion perpetua at pagbabayad ng danyos sa naturang biktima. Mariin namang iginiit ng ama ni AAA na siya ay inosente umano sa reklamo na ipinukol laban sa kanya, kung kaya’t agad itong naghain ng kanyang apela.
Ayon sa ama ni AAA, nararapat diumano siyang ipawalang-sala, sapagkat hindi umano lubos na napatunayan ng taga-usig ang mga alegasyon kaugnay sa kanyang kriminal na responsibilidad, partikular na ang pagkakakilanlan ng salarin.
Sa pagsusuri ng Court of Appeals (CA) sa naturang apela, ipinaalala ng nasabing hukuman ang prinsipyo na nakasaad mismo sa ating Saligang Batas – na ang bawat akusado ay ipinagpapalagay na inosente hanggang sa ang kanyang pagkakasala ay lubos na mapatunayan ng hukuman sa pamamagitan ng proof beyond reasonable doubt.
Ipinaalala rin ng nasabing appellate court ang kahalagahan ng sapat na pagpapatunay hindi lamang na naganap ang krimen, bagkus pati ang pagkakakilanlan ng inaakusahang kriminal:
“In every criminal prosecution, the prosecution must prove two things: (1) the commission of the crime and (2) the identification of the accused as the perpetrator of the crime. Cursory identification does not suffice to convict the accused. What is needed is positive identification made with moral certainty as to the person of the offender. Verily, the critical consideration in this appeal is whether the prosecution sufficiently established the assailant's identity.
It is settled that the identity of the offender is indispensably entwined to the commission of the crime. The first duty of the prosecution is not to prove the crime but to establish the criminal's identity, for even if the commission of the crime can be proven, there can be no conviction without proof of identity of the criminal.”
Para sa CA, mayroon diumanong makatwirang pag-aalinlangan na ang ama nga ni AAA ang gumawa ng mga ibinibintang na panghahalay. Napuna kasi ng CA na iniasa ng taga-usig ang pagtataguyod sa pagkakakilanlan ng akusado batay sa impormasyong nakalap umano sa pre-trial conference. Gayunman, ang pre-trial order kaugnay sa nasabing pagpupulong ay hindi umano pinirmahan ng akusado at abogado nito.
Nakadagdag pa umano, ayon sa CA, ang pagkukulang ng taga-usig nang tanungin at alamin mula mismo sa biktima na si AAA ang pagkakakilanlan ng umabuso sa kanya. Ang mga pagkukulang at pagkabigong nabanggit sa panig ng taga-usig ay lubos na nakaapekto sa isinusulong na kaso ng biktima.
Sapagkat, hindi lubos na napatunayan nang mayroong moral na katiyakan ang positibong pagkakakilanlan ng salarin, minarapat ng CA na ipawalang-sala ang ama ni AAA.
Maaaring ihalintulad sa hukay ang lagim na pinagdaanan ni AAA. Subalit naisin man ng CA na bigyan siya ng hustisya para sa sinapit niya, hindi umano maaaring ipagkait ang hustisya naman para sa naakusahan kung sadyang ang kanyang kasalanan ay hindi napatunayan. Tungkulin ng panig ng taga-usig na patunayan nang walang pag-aalinlangan ang pagkakakilanlan ng akusado na siya talaga ang gumawa ng krimeng ibinibintang sa kanya. Ito ay bahagi rin ng hustisya bagama’t makasasakit ito sa damdamin ng isang biktima dahil mananatiling laya ang taong sa kanya ay lumapastangan dahil sa kakulangan ng ebidensya.