ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Daing mula sa hukay | Abril 19, 2024
Pagpapalaya ang nakamit ng naakusahan nang walang balidong search warrant.
Ang kaso na aming ibabahagi sa araw na ito ay ang People of the Philippines vs. Marlon Ramos y Hernandez (CA G.R. CR-HC No. 16148, August 29, 2023) na kung saan tayo ay mapapaalalahanan na sadyang batas ang pinapairal ng ating hukuman. Bagaman nahatulan sa mababang hukuman, hindi nawalan ng pag-asa at patuloy pa ring nagtiwala sa tulong ng aming opisina, kung kaya’t kalayaan ng maling naakusahan ay natamasa.
Si Marlon ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act (R.A.) No. 9165 o mas kilala bilang "Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002".
Ang pagkakaaresto sa kanya ay bunsod ng naganap na pagsasaliksik sa kanyang bahay sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng hukuman.
Ayon sa bersyon ng tagausig, nagtungo ang mga operatiba, si PO2 Ramil, ang naatasang magpatupad ng naturang warrant, sa bahay ni Marlon noong ika-10 ng Oktubre 2018. Matapos na kumatok sa pintuan si PO2 Ramil at nagpakilala bilang pulis, lumabas umano ng bahay si Marlon at ang kanyang mga kasamahan. Ipinakita umano sa kanya ang nasabing warrant at ipinaliwanag ang magaganap na pagsasaliksik.
Ipinaliwanag din diumano kay Marlon na sasaksihan niya ang gagawing pananaliksik.
Nang dumating umano si Brgy. Councilor Romeo, ipinakita ni PO2 Ramil na walang laman ang kanyang mga bulsa, na blangko ang mga forms na gagamitin sa naturang operasyon. Ipinakita rin nito na walang laman ang mga plastic sachet na maaaring gamitin kung sakaling mayroon silang makalap na ebidensya. Matapos iyon, pumasok sa nasabing bahay si PO2 Ramil, kasama sina Brgy. Councilor Romeo at ang kinatawan mula sa media. Wala silang nakita sa sala at likod-bahay, subalit sa silid umano ni Marlon ay mayroon silang nakita na pitaka ng barya na naglalaman ng 7 plastic sachets na may hinihinalang shabu, isang plastic sachet at isang glass tube na may hinihinalang pinatuyong marijuana. Kinumpiska ang mga ito at nang ipasuri, kinumpirma ni PMAJ Herminia, isang forensic chemist, na ang 7 sachets ay naglalaman ng methamphetamine hydrochloride o shabu at ang isa pang plastic sachet at isang glass tube na nagpositibo naman sa marijuana.
Mariing pagtanggi ang iginiit ni Marlon. Ayon sa salaysay ng kanyang stepdaughter na si Mabelle, nagising sila sa ingay na tila sinusuntok ang kanilang pintuan. Sa kanilang sala ay nakita umano ni Mabelle ang 5 pulis, at ang ilan ay may dalang armas. Lumabas umano sila ng bahay sa utos ng mga nasabing pulis, subalit nakita umano ni Mabelle na mayroong 2 pulis na nanatili sa loob ng kanilang bahay. Si Marlon, ang konsehal ng barangay at ang operatiba ay dumiretso sa silid ni Marlon, kung saan ginawa ang pananaliksik nang mahigit 20 minuto. Sa loob umano ng panahong iyon ay may ilang mga pulis na naglabas-masok sa kanilang bahay, hanggang sa ipinaalam ng isang pulis na mayroong nakitang itim na lalagyan o pouch sa loob ng naturang silid.
Ayon kay Mabelle, siya umano ang naglilinis ng silid at kailanman ay hindi niya nakita ang sinasabing lalagyan.
Pinabulaanan din ni Mabelle ang alegasyon ng tagausig na ipinakita ng mga pulis ang naturang warrant. Iginiit din niyang dumating ang mga pulis sa kanilang bahay nang hindi kasama ang sinasabing konsehal.
Batay naman sa testimonya ni Marlon, galing siya sa palikuran alas-3:50 ng madaling araw nang makarinig siya ng mga sasakyan. Nang sumilip umano siya sa bintana, nakita niya ang isang multi-purpose utility vehicle at sasakyan ng pulis. Makalipas ang ilang minuto, mayroon na sumipa sa kanilang pintuan, dahilan upang ito ay mabuksan.
Pumasok umano ang mga armadong lalaki sa kanilang bahay, tinutukan sila ng baril at sila ay pinahiga habang nakaharap sa sahig.
Matapos noon ay inutusan din silang lumabas ng bahay na agad naman nilang sinunod, habang nasa labas ng bahay, naghalughog ang mga pulis ngunit wala umano silang nakitang ilegal.
Samantala, alas-6:20 ng umaga dumating ang opisyal ng barangay. Pumunta sila sa silid ni Marlon, ngunit wala rin umanong nakitang ilegal doon. Lumabas na sila mula sa naturang silid, ngunit naiwan doon ang imbestigador at isa pang pulis na noon ay kumukuha ng mga litrato.
Bumalik sila Marlon sa kanyang silid at sa puntong ito na umano mayroong nakita na isang itim na pitaka na naglalaman ng mga hinihinalang ipinagbabawal na gamot.
Iginiit din ni Marlon na ipinakita lamang umano sa kanya ang warrant noong minamarkahan na ang sinasabing nakumpiskang ebidensya.
Taliwas sa inaasahan ni Marlon, binabaan siya ng hatol na conviction ng Regional Trial Court (RTC). Agad naman siyang umapela sa Court of Appeals (CA), at sa tulong ng Special and Appealed Cases Service ng aming Tanggapan.
Ang isa sa mga kinuwestyon ni Marlon, sa pamamagitan ng kanyang apela, ay ang kawalan ng ipinatupad na search warrant laban sa kanya. Iginiit ni Marlon na wala umanong ebidensya na sumusuporta sa pagpapalabas ng naturang warrant, alinsunod sa itinakda ng ating Saligang Batas. Bilang suporta sa kanyang posisyon, iginiit ni Marlon ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kasong Ogayon vs. People of the Philippines (G.R. No. 188794, Setyembre 2, 2015, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Arturo D. Brion) na kung saan binigyang-diin ng pinakamataas na hukuman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng ebidensya na magtataguyod ng probable cause sa pagpapalabas ng isang warrant.
Matapos ang masinsinang pag-aaral na isinagawa ng CA, ginawaran ng hatol na pagpapawalang-sala si Marlon. Batay sa ipinalabas na desisyon ng appellate court, wala umanong mga partikular na sirkumstansya na nakasaad sa tala ng hukuman na sumusuporta sa pagkakaroon ng probable cause para maipalabas ang nasabing warrant. Kung kaya’t ito ay depektibo at walang bisa.
Bagaman hindi umano agarang nakuwestyon ni Marlon ang validity ng ipinatupad na search warrant laban sa kanya, hindi maisasantabi ng appellate court ang likas na depekto na napuna nila ukol dito.
Ayon sa CA, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Germano Francisco D. Legaspi ng 3rd Division:
“Indeed, as accused-appellant pointed out, the records do not contain the application of the search warrant and the affidavits in support thereof. In addition, the testimonies of the prosecution witnesses were limited to the implementation of the search warrant. In other words, the substantial basis upon which the search warrant is issued could not be ascertained from the records of this case.While a judge’s determination of probable cause in issuing a search warrant will generally be upheld if supported by substantial basis, the existence of such a basis requires proof on record that the issuing judge personally and thoroughly examined the applicant and his witnesses.”
Dahil wala umanong bisa ang naturang warrant, hindi umano maaaring tanggapin ng hukuman ang mga nakumpiskang ebidensya laban kay Marlon. Dahil wala nang ebidensya na maaaring sumuporta sa paghahatol kay Marlon, at wala na rin umanong dahilan upang talakayin pa ang ibang aspeto ng kanyang apela.
Naging final and executory ang nasabing desisyon ng CA, batay na rin sa Entry of Judgment na kanilang ipinalabas. Naglabas din ang CA ng Order of Release para sa pagpapalaya kay Marlon, maliban na lamang kung mayroon pang ibang legal na dahilan upang siya ay patuloy na manatili sa kulungan.
Maraming lumipas na taon at nasayang na mga pagkakataon para kay Marlon. Mga panahon na hindi niya nakasama ang kanyang pamilya at mga mahal sa buhay, mga araw at okasyon na hinarap at idinaos na sila ay hiwa-hiwalay nang dahil sa naisampang kaso laban sa kanya. Ang mga panahong ito ay sadyang hindi na maibabalik, ngunit sa pagkakabasura ng kanyang kaso amin na lamang tinitingnan bilang biyaya pa rin at mabuting kapalaran. Dulot nito ay panibagong pag-asa at pagkakataon ng panibagong yugto sa kanya at kanyang pamilya.
Bagaman hindi namin hawak ang kapalaran ng bawat kliyente na lalapit sa aming Tanggapan, pangako naman namin na patuloy kaming magkakaloob ng legal na paglilingkod upang aming maihatid sa kanila sa abot ng aming makakaya, ang katarungan at hustisy