ni Jeff Tumbado / Mai Ancheta @News | October 4, 2023
Dagdag na piso sa pasahe sa mga pampasaherong jeep o Public Utility Jeepney (PUJ) ang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Kasunod ito ng isinagawang pagdinig sa kahilingan ng ilang malalaking grupo sa transportasyon kahapon sa central office ng ahensya sa Quezon City.
Sa ibinabang resolusyon, pinagtibay ng LTFRB ang dagdag na P1 provisional increase sa minimum fare sa parehong traditional at modern jeepneys.
Nangangahulugan na sa mga traditional public utility jeepney (TPUJ) ay magiging P13 na ang minimum na pasahe habang sa modern public utility jeepneys (MPUJ) ay nasa P15.
Ang epektibo sa P1.00 dagdag singil ay sa darating na Linggo, Oktubre 8, ganap na ala-1 ng madaling-araw.
"Effective ng October 8 at 1 in the morning, effective ang increase na provisional remedy. Piso lang po. Ibig sabihin ng provisional, temporary lang ito hanggang hindi pa nag-i-improve and price ng gasolina,” pahayag ni LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III.
Kabilang sa mga transport groups na humiling sa dagdag-pasahe ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO), Alliance of Transport Operators and Drivers' Association of the Philippines (ALTODAP) at Pasang Masda.
Ang kahilingan ng tatlong grupo na dagdag-pasahe ay base sa sunud-sunod na pagsirit ng taas-singil sa pangunahing krudo.
Nabigo naman ang grupo sa kanilang kahilingan na dagdag-piso pa sa kada kilometro mula sa unang apat na kilometrong biyahe. Sa November 7 ang susunod na pagdinig para sa P5 fare increase petition.