ni Zel Fernandez | April 20, 2022
Sampung kahon ng smuggled na carrots ang nasabat sa pag-iinspeksiyon ng mga operatiba sa Divisoria, kagabi.
Tinatayang aabot sa halagang ₱8,000 ang mga smuggled carrots na nakumpiska ng Bureau of Customs, kasunod ng isinagawa nitong joint operations kasama ang Department of Agriculture at Department of Trade and Industry sa mga natitinda ng agricultural products sa Divisoria.
Sa mas pinaigting pang kampanya laban sa smuggling, ipinaliwanag ng DA na matagal na nilang tinututukan ang mga nagpupuslit ng mga imported agricultural products upang matulungan ang mga lokal na magsasakang nahihirapang makapagbenta ng kanilang mga aning gulay dahil sa matinding kumpetensiya sa merkado dulot ng mga imported goods.
“Marami na kaming nahuli sa pantalan hanggang dito sa second border. ‘Pag sinabi nating second border, du’n na sa mga cold storage mismo, sinusuyod natin ang mga cold storage,” pahayag ni Serapio Garabiles, Jr., inspection officer ng Department of Agriculture.
Ayon sa BOC, ipinupuslit umano ang mga imported na gulay kasama ng mga aprubadong produkto kaya minsan ay nakalulusot ito sa inspeksiyon sa mga pantalan.
Babala pa ng DA at BOC, hindi sila titigil sa pagsawata sa mga iligal na nagpupuslit ng mga gulay sa bansa upang higit pang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka at mga mamimili, “tandaan ninyo ‘yan pati ang mga smuggler inaalam na namin. Dalawang beses na kaming nag-operate sa palengke, pagbibigay ‘to ng warning na hindi kami titigil. Ang pangatlong operation namin may kulong na”, ani Garabiles.
Dagdag naman ni Chief Alvin Enciso, MICP Customs Intelligence and Investigation Service, “pwede ho kayong tumakbo pero hahabulin at hahabulin po namin kayo. Sayang lang ho ‘yung gagastusin n’yo para mailabas. Pagdating mo sa mga palengke, sa mga warehouses, hahabulin pa rin ho namin ‘yon”.
Sasampahan sana ng kaso ang mga mahuhuling may-ari ng mga kumpiskadong produkto ngunit wala nang umangkin sa mga ito.