ni Angela Fernando - Trainee @News | January 24, 2024
Inaresto ang tatlong lalaki matapos na mangholdap ng isang rider sa agaw-parcel modus sa Quezon City.
Nag-order ang isa sa mga itinuturong suspek ng pabango at inagaw sa rider ang parcel at hinoldap ito.
Makikita sa kuha ng CCTV na may kausap sa cellphone ang isang naglalakad na lalaki sa Brgy. UP Campus at maya-maya pa ay nakitang tumatakbo ito paalis sa nasabing lugar.
Umangkas ang suspek sa isang motorsiklong may sakay pang dalawang lalaki at makikitang may hawak ito sa kanyang kaliwang kamay.
Saad ng mga pulisya, nang-agaw ang mga lalaki ng parcel sa delivery rider.
Pagkukwento ng hepe ng Anonas Police Station na si Police Lieutenant Colonel Ferdinand Casiano, nag-book daw ang mga ito ng umaabok sa P3 K na pabango na agad na dineliver ng rider sa lugar at doon na siya biniktima ng holdap ng grupo.
Kalaunan ay naaresto ang tatlo sa apat na suspek na dati nang sangkot sa snatching.
Ayon sa imbestigasyon, tatlong beses na raw nasangkot sa agaw-parcel modus ang mga suspek.
Hindi naman na nabawi ang parcel pero nakuha sa mga suspek ang dalawang motorsiklong ginagamit nila sa modus.
Nakulong na dati ang dalawa sa mga suspek dahil sa droga at nakasuhan naman ang isa dahil sa pagnanakaw.
Patuloy pa rin ang paghahanap sa isang suspek habang mahaharap sa kasong Robbery in Robbery in Relation to Motorcycle Crime Prevention Act ang tatlo.