top of page
Search

ni Mai Ancheta | June 17, 2023



Nahukay ang bangkay ng isang 21-anyos na babae sa isang bakanteng lote sa Caloocan matapos umanong patayin at ibaon ng kanyang kasintahan sa Bagumbong, North Caloocan.


Batay sa imbestigasyon ng Caloocan Police, pinatay ng suspek na si Jeffrey Montales, 21, ang kanyang kasintahang si Argee Cabangunay, 21, dahil umano sa selos at pakikipag-chat sa isang lalaki.


Unang naiulat na nawawala ang biktima noong araw ng Linggo at sinamahan pa umano ng suspek ang kaanak ng kanyang kasintahan para i-report sa police station ang pagkawala nito.


Pero may nakapagsabi na si Montales ang nakitang huling kasama ni Cabangunay kaya itinuring itong "person of interest" ng mga otoridad.


Sa ginawang imbestigasyon ng Caloocan Police ay umamin si Montales na pinatay niya ang kasintahan matapos nilang magtalo na nauwi sa pananakal.


"Allegedly itong babae ay gusto nang humiwalay sa lalaki, nagkaroon ng pagtatalo hanggang sa masakal niya itong victim," ani Pol. Major Jose Hizon.


Araw ng linggo umano napatay ni Montales ang nobya pero Martes na ito ibinaon at siya na rin ang nagturo sa mga otoridad kung saan niya inilibing ang kasintahan.


Nahaharap sa kasong murder ang suspek na si Montales.


 
 

ni V. Reyes | May 9, 2023




Todas ang dalawang paslit habang kritikal ang isa pa makaraang pagsasaksakin ng kanilang amain habang natutulog sa kanilang bahay sa Bgy. San Jose, Caraga, Davao Oriental, Miyerkules ng madaling-araw.


Batay sa paunang ulat ng pulisya, may edad na sampu, pito at lima ang mga biktima.


Ayon kay Police Maj. Marcille Manzano, gumamit umano ang suspek ng kutsilyo nang atakihin ang mga bata sa gitna ng kanilang pagtulog.


Agad na namatay sa pananaksak ang 10-taong gulang na biktima habang sa ospital na pumanaw ang limang taong biktima. Patuloy pang inoobserbahan ang pitong taong gulang na biktima na nasa kritikal na kondisyon.


Matapos ang krimen ay nagsaksak din umano ng amain at ngayo’y naka-hospital arrest.


Sinasabing nasa labas ng kanilang bahay ang ina ng mga bata nang mangyari ang pananaksak.


Iniimbestigahan ng mga awtoridad ang anggulong selos sa nangyaring krimen.


 
 

ni V. Reyes | April 23, 2023




Todas makaraang tambangan ng hinihinalang riding-in-tandem ang district supervisor ng Department of Education (DepEd) sa Inabanga, Bohol.


Tinukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng biktimang si Noel Duavis, 51-anyos, residente ng bayan ng Buenavista.


Batay sa paunang imbestigasyon, lulan ng kanyang kotse si Duavis na pauwi na sana nang harangin at pagbabarilin ng mga suspek na nakamotorsiklo.


Mabilis na tumakas ang mga suspek habang isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi na umabot ng buhay.


Inaalam na ng mga awtoridad ang motibo at nasa likod ng pamamaslang sa biktima.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page