top of page
Search

ni Lolet Abania | August 29, 2020




Inaprubahan na ng Food and Drug Administration (FDA) ng Pilipinas, ang clinical trials ng Lagundi bilang supplemental treatment para sa bawat indibidwal na infected ng coronavirus o COVID-19, ayon kay Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña.


"'Yun pong sa lagundi, ang good news po ay naaprubahan na ng FDA ang clinical trials. Ito lang early this week naaprubahan," sabi ni Dela Peña sa public briefing ng Laging Handa.


Isasagawa ang clinical trials ng lagundi ng mga Philippine General Hospital (PGH) personnel, sa quarantine center ng Quezon Institute sa Santa Ana Hospital, at sa Philippine National Police-NCR community quarantine center.


Ayon kay Dela Peña, ang trials ay ia-administer sa mga pasyenteng may mild cases.


"Ang hangad natin diyan ay ma-address 'yung symptoms na katulad ng ubo, lagnat at mga sore throat. Kasi malaking bagay kung giginhawa ang ating pasyente na may cases diyan sa symptoms na 'yan," sabi ni Dela Peña.


"At titingnan din natin kung bababa ba 'yung probability na mag-progress sila into moderate and severe cases kung bibigyan ng gamot na lagundi," dagdag pa niya.


Samantala, naghihintay rin ng approval para sa clinical trials ang tawa-tawa mula sa FDA.


Gayundin, ayon kay Dela Peña, ang in vitro trials ng bansa na lauric acid, kung saan nagmula sa virgin coconut oil at iba pang katulad nito, gaya ng Monolaurin, ay sinusuri na sa abroad.


"So far po ang finding, merong modest, shall we say reduction ng infectivity ng ating SARS-CoV-2 with the use of lauric acid and Monolaurin," ani Dela Peña.


"Dahil po doon, kahit modest lang 'yung reduction, it still justifies our experiments or clinical trials involving VCO against COVID-19. Kasi kahit na modest, nakaka-reduce pa rin sila ng infectivity," ayon kay Dela Peña.

 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2020




Mawawalan ng permanenteng trabaho ang 18,000 empleyado ng hotel and casino na MGM Resorts sa United States sa kabila ng pakikipaglaban ng hospitality industry sa pandemya ng coronavirus o COVID-19.


“Federal law requires companies to provide a date of separation for furloughed employees who are not recalled within 6 months,” ayon kay chief executive officer Bill Hornbuckle sa kanyang sulat sa Agence France-Presse.


“Regrettably, August 31 marks the date of separation for thousands of MGM Resorts employees whom we have not yet been able to bring back.”


Nakapagtala ang Amerika, ng daang milyong layoffs ng mga empleyado magmula nang kumalat ang sakit na COVID-19 noong March at nagpapatuloy pa hanggang sa ngayon.


Sa pinakahuling report noong August 22 ng Labor Department ng naturang bansa, tinatayang isang milyon ang nagpa-file ng claims para sa kanilang unemployment benefits.


Gayundin, ang mga hardest hit o matinding tinamaang establisimyento ay mga bars, restoran at hotels, kung saan ipinatutupad ang pagsasara ng mga ito upang mapigilan ang pagkalat ng virus. Isinara ng MGM ang lahat ng US properties noong March 17, at nagbawas ng 62,000 sa 70,000 mga empleyado nito.


Gayunman, nang ni-lift ang restriksyon sa ilang bahagi sa Amerika, nakabalik sa trabaho ang ibang MGM workers dahil sa muling nagbukas ang casinos at hotels, subalit sa sulat ni Hornbuckle, “our industry – and country – continues to be impacted by the pandemic, and we have not returned to full operating capacity.”


Ayon pa kay Hornbuckle, nag-offer ang MGM ng health benefits hanggang katapusan ng September at ang mga laid-off workers ay posibleng mag-reapply ng kanilang trabaho sakaling maging available na ito ulit.

 
 

ni Lolet Abania | August 29, 2020




Nakatakdang isailalim sa 14-day lockdown ang OB-Gyne department ng Quezon Medical Center (QMC) sa Lucena City, simula sa Lunes, August 31 hanggang September 14.


Sa memorandum na ipinalabas ng chief OB-Gyne section ng QMC na si Dr. Belen T. Garana, tumaas ang bilang ng mga kaso ng nagpositibong buntis sa coronavirus o COVID-19 ng ospital nitong nakalipas na dalawang linggo kaya ipapatupad ang total lockdown.

Gayunman, marami sa mga ito ay asymptomatic at inilagay na sa non-COVID section ng ospital.


Gayundin, dalawa sa mga doktor ng OB-Gyne department ang nagpositibo sa test sa COVID-19 at tatlong doktor ang na-expose o naging closed contact ng mga ito, na nakatalaga sa OB emergency room at delivery room. Naka-quarantine na ang mga na-expose sa virus.


Samantala, isasara ang OB Emergency Room at magsasagawa rin ng disinfection. Patuloy naman ang operasyon sa OB Ward at testing para sa COVID-19, kung saan magpapatupad lamang ng skeletal force na magseserbisyo sa delivery room ng ospital.


Nakapagtala ng 223 kumpirmadong kaso ng coronavirus ang Lucena. Sa buong probinsiya ng Quezon, mayroong 1,005 cases, umabot sa 389 ang gumaling at 34 ang namatay.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page