Sumailalim kahapon sa Expanded Targeted Testing ng lokal na pamahalaan ang mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) sa Las Piñas City.
Halos 700 TODA members ang sumalang sa COVID rapid at swab testing.
Layunin nitong matiyak ang kalusugan ng mga tricycle driver ngayong panahon ng krisis kasabay ng pagpapahintulot na pumasada ang mga TODA.
Kabilang sa mga sumalang sa testing ay ang mga miyembro ng BFRSSCVTODA (255), BFRV-V TODA (269), SMCTODA (32) at ng PHILAMTODA (80).
Ayon kay Las Piñas City Mayor Imelda "Mel” Aguilar, prayoridad ng lungsod na maisalang sa testing ang mga tricycle driver, bukod sa mga suspected COVID-19 cases, healthcare workers at frontliners.
Sinabi naman ni City Health Office Chief Dr. Ferdinand Eusebio na patuloy ang isinasagawang testing at mas pinaigting pa ang kanilang hakbang sa screening at contact tracing upang tugunan ang COVID-19 cases sa lungsod.