Umaasa ang pamunuan ng Philippine Olympic Committee (POC) na maidedepensa ng Pilipinas ang titulo nito sa 2021 Southeast Asian Games sa Vietnam sakaling matuloy ito sa kabila ng coronavirus disease pandemic.
Inihayag ni POC president Abraham “Bambol” Tolentino na malaki ang tsansa na matuloy ang biennial meet sa susunod na taon dahil sa maayos na paghawak ng pamahalaan ng Vietnam sa kaso ng COVID-19 sa kanilang bansa, kung saan sinabi ni Tolentino na na-blangko na nila ang bilang na ito sa ngayon.
Gayunman, inamin din ng pinuno ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling) na pinangangambahang mabawasan ang mga sports event sa susunod na stage na hindi pa rin napag-uusapan dahil hindi pa naite-turnover ng opisyal sa Vietnam ang SEA Games flag na naudlot nitong Abril o Mayo dahil sa COVID-19.
“Definitely matutuloy iyong (SEAG) sa Vietnam, kase zero ang case nila,” pahayag ni Tolentino. “Na-islash ng 50% ang budget ng Vietnam, so ang epekto nu'n mababawasan 'yung events sa SEAG,” dagdag nito.
Inaasahan na ni Tolentino na pipiliting makuha ng Vietnam ang overall na kampeonato sa kanilang muhon, lalo pa’t karaniwang nagwawagi bilang kampeon ang host country sa regional meet. Sa kasaysayan ng SEAG simula noong 1959, 13 beses na naagaw ng katunggaling bansa sa host country ang titulo, kung saan 13 ulit na nagkampeon ang powerhouse na Thailand na sinundan ng Indonesia sa top 10.
Idinagdag pa niya na marami ang mawawala sa mga events na malakas ang Pilipinas hindi tulad sa nagdaang 30th edisyon na may 56 sports events na ginanap noong Nobyembre-Disyembre sa iba’t ibang parte ng Luzon.
Noong 2003 Vietnam Games ay napagwagian ng host country ang biennial games sa pamamagitan ng kabuuang 346 medalya sa 158 golds, 97 silvers at 91 bronze medals, na may 442 events sa 32 sports na nagawang hatiin ang mga laro sa Hanoi at Ho Chi Minh City.
Sa pagkakataong ito ay malaki ang posibilidad na ilagay ng Vietnam ang mga paborito nitong sports na Shuttlecock at Martial Arts na Vovinam, habang, nanganganib ang bansa na maisama ang mga pampalakasan na walang nakuhang ginto ang Pilipinas sa badminton, bowling, chess, football, handbell, netball, table tennis at volleyball.
“Lalaban tayo siyempre, pero panigurado hindi papayag ang Vietnam na matalo,” aniya, na nangakong gagawin niya ang lahat para mai-lobby ang Dancesports, Arnis, Kickboxing at Obstacle course kung saan humakot ang Pilipinas ng sangkaterbang gintong medalya para makuha ang ikalawang overall title nito sa kabuuang 149 gold, 117 silver at 121 bronze medals.
“Basta kung kaya nating ipadala, susubukan kong i-lobby ‘yung mga malakas tayo o 'di kaya ay hanggang kaya natin salihan, salihan natin lahat, kahit pa 'di natin masyadong nilalaro,” dagdag nito.