Umabot sa 7.3 milyong Pinoy o katumbas ng 17.7% ang naitalang nawalan ng trabaho dahil sa covid-19 hanggang nitong Abril ng taong ito.
Batay ito sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon sa National Statistician na si Dennis Mapa, ito na ang pinakamataas na unemployment rate na naitala sa bansa.
Noon aniyang Enero, ang unemployment rate ay 5.3% lamang o katumbas ng 2.4 milyon. Nabatid na noong Abril 2019, ay nasa 5.1% lamang ang unemployment rate o katumbas ng 2.3 milyon katao.
Ang datos na ito ng PSA ay mas mataas kaysa pagtaya ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maaaring umabot sa 5 milyon ang mawalan ng trabaho dahil sa covid-19.
Sinabi ni Mapa na 38.4% ng mga employed workers ang nagsabing hindi sila makapagtrabaho dahil sa lockdown na ipinatutupad dahil sa covid-19.
Noong Abril ay mas mataas din ang underemployment o mga may trabaho pero naghahanap pa ng karagdagan upang makaagapay sa pangangailangan na umabot ng 18.9% o katumbas ng 6.4 milyong katao.
Kabilang sa mga apektadong sektor dahil sa covid-19 ay nasa art, entertainment at recreation sector kung saan nasa 54% ang nawalan ng trabaho.