Magwawakas na ba ang enhanced community quarantine sa Metro Manila o mae-extend pa?
Ito ngayon ang laman ng usapan at pinagtatalunan ng mga ordinaryong mamamayan na nasa ilalim ng ECQ.
May mga pabor sa posibleng pagwawakas ng ECQ sa Metro Manila dahil anila’y ligtas nga sa virus, gutom naman ang pamilya. Kailangang maghanapbuhay sapagkat napakahirap nang umaasa lang sa gobyerno lalo pa at halos lahat ay ito lamang ang sinasandalan.
Sa kabila nito, meron ding suportado na mapalawig pa ang ECQ. Anila’y masasayang lang ang dalawang buwang sakripisyo dahil malaki ang posibilidad na lumubo ang bilang ng kaso ng COVID-19 ‘pag pinaluwag ang sitwasyon.
Kaugnay nito ay inihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque na habang wala pang pinal na rekomendasyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), posibleng iimplementa ang general community quarantine (GCQ) sa ilang lugar sa Metro Manila na may mababang kaso ng COVID-19.
Ibig sabihin, hindi mananatili sa ECQ ang buong Metro Manila sa May 16 at hindi rin naman magiging GCQ.
Ang mabigat na desisyon ay manggagaling pa rin sa Pangulo kung saan ngayong Lunes ay magkaroon ito ng approval kung anong mangyayari sa Mayo 16.
Batid natin maraming kailangang ikonsidera at isaalang-alang sapagkat hindi biro ang nakasalalay sa anumang desisyon ng Pangulo.
Sa ngayon, ‘wag tayong mawalan ng pag-asa na bubuti rin ang sitwasyon, paghandaan na lamang natin ang mga posibleng mangyari.