Aabot sa 183 barangay officials ang iniimbestigahan ngayon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) dahil sa umano'y anomalya sa pamamahagi ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na inaalam na kung may sapat na ebidensiya para makasuhan at mapanagot ang mga idinidiing opisyal ng barangay.
“Sa dami ng ating reklamong natanggap, 183 na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan dahil may posibleng probable cause dito. Hindi titigil ang ating kapulisan sa pagdakip sa mga mandarambong na mga barangay official na siyang talagang virus ng lipunan," ani Año.
“These are the kinds of arrests na kating-kati gawin ng ating PNP dahil talagang gigil din sila sa mga corrupt local officials,” dagdag ng kalihim.
Hindi muna inihayag ni Año ang mga inaakusahang barangay officials habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat.
Sa unang linggo pa lamang ng buwan ng Mayo ay ilang barangay officials na ang dinakip ng pulisya kabilang si Danilo Flores na konsehal sa Hagonoy, Bulacan matapos umanong kupitan ng hanggang P3,500 ang P6,500 cash aid na ipinamamahagi sa mga benepisaryo ng SAP sa kanilang lugar.
Samantala, inihayag naman ng PNP na patuloy din ang kanilang pag-validate sa mga reklamo laban sa halos 200 barangay officials para masigurong walang ibang motibo sa isinumbong sa mga awtoridad.
“Patuloy ang ating ginagawang validation dahil ayaw din naman natin mangyari na ang mga sumbong ay baka naman sanhi lamang ng kanilang hindi pagkakaunawaan, may galit lamang kay kapitan o kaya naman ay gawa lamang ng pulitika. So, ayaw naman natin na madamay pa tayo diyan,” pahayag ni PNP Spokesman Brigadier General Bernard Banac.
Sinabi ni Banac na sakaling matukoy na sangkot sa katiwalian ang mga inireklamong opisyal ng barangay ay tutuluyan nang kasuhan ang mga ito.
“Kapag mayroon talagang sapat na ebidensiya ay kaagad na nagsasampa tayo ng kaso,” ani Banac.
Hinihimok naman ni DILG Spokesman Undersecretary Jonathan Malaya ang publiko na patuloy na magsumbong sa mga nakasasakop sa kanilang opisyal na posibleng nasasangkot sa ilegal na mga aktibidad.
“Magandang simula na may 183 barangay officials na ang iniimbestigahan ng ating kapulisan. This only means that the people are participating and are aware of their responsibility in protecting their rights,” ayon kay Malaya. “Huwag kayong matakot. Tulungan ninyo kami na usigin ang mga tiwaling lider ng mga barangay na ito. Kakampi ninyo ang Pangulong Duterte, ang DILG, at ang kapulisan dito,” dagdag nito.