Isasailalim sa 14-day ‘special concern lockdown’ ang 20 parte ng limang barangay sa Quezon City simula Miyerkules, Mayo 13.
Ayon sa Quezon City government, ito ay dahil sa mataas na kaso ng COVID-19.
Sisimulan ang pagsailalim sa ‘special concern lockdown’ bandang alas-5:00 ng madaling-araw sa mga sumusunod na barangay:
– Bahay Toro
– Culiat
– Sauyo
– Batasan Hills
– Tatalon
Ayon kay Assistant City Administrator for Operations Alberto Kimpo, pinili ng City Health Department (CHD) ang mga lugar base sa resulta ng isinagawang community-based testing sa pamamagitan ng Epidemiology and Surveillance Unit (ESU).
Sa halip na magpatupad ng total lockdown sa buong barangay, pagtutuunan aniya ng pansin ang mga partikular na lugar sa loob ng barangay na may clustering ng mga kaso ng COVID-19.
Tiniyak naman na magbibigay ang LGU ng Quezon City ng pagkain at iba pang tulong sa mga residenteng maaapektuhan.
Kaugnay nito, sinabi naman ni QC-ESU head Dr. Rolly Cruz na magsasagawa ng intensified testing at monitoring sa mga lugar para matiyak na maging COVID-free pagkatapos ng 14-day quarantine period.
Sa huling datos hanggang Mayo 11, nasa 21 ang aktibong kaso sa Barangay Bahay Toro; 37 active cases sa Barangay Culiat; 19 sa Barangay Sauyo; 29 sa Barangay Batasan Hills; at 17 naman sa Barangay Tatalon.