Nasa 1,200 hanggang 1,500 overseas Filipino workers (OFWs) na lamang ang papayagan ng gobyerno na makabalik sa bansa bawat araw upang hindi na maulit ang naging kalbaryo ng mga stranded na OFWs sa harap ng COVID-19 pandemic.
Partikular na tinukoy ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang insidente na lagpas-lagpas na sa 14-day quarantine ang mga OFWs sa kanilang quarantine facilities dahil sa kahihintay ng paglabas ng resulta ng COVID-19 test.
"Pinagtutuunan namin ng napansin ngayon ‘yung repatriation pa rin ng mga OFWs at saka seafarers dahil ayaw nating maulit ‘yung nangyari noong nakaraang buwan na naipon sila sa Manila at may umabot pa ng isang buwan," ani Lorenzana.
"’Pag dumating ‘yung OFW, maximum araw na manatili siya sa Manila ay limang araw lang. It could be less, but the maximum is five days," sabi ng Kalihim.
"Kaya iyong darating na 42,000 na OFWs, ang gagawin namin, 1,200 a day [lang ang papasok ng bansa]. Kung medyo lumuwag luwag pa, 1,500 or 2,000 and then para mabilis ‘yung ating processing."
Gayunman, nilinaw ni Lorenzana na babayaran lamang ng gobyerno ang RT-PCR COVID-19 test ng mga OFWs kabilang ang mga seafarers.
"Maliban sa OFWs at saka seafarers, mayroon din — marami din tayong mga Pilipino na nasa abroad. Hindi sila workers, mga returning Filipinos na naipit, mga turista na naipit doon sa iba-ibang bansa, estudyante at saka ‘yung mga permanent resident ng Pilipinas na mga dayuhan but they have their homes there," pahayag ng opisyal.
"Kasama na ho ‘yon sa ating ipa-process. So pero separate sila doon sa OFW dahil ‘yung OFW at saka seafarers tayo ang sasagot sa kanilang mga testing. Iyong ano ‘yung overseas Filipinos na babalik ay sa kanilang gastos po ‘yon," paliwanag pa ng Kalihim.
Kaugnay nito, tiniyak ni Lorenzana na kayang-kaya umano ang mga darating na OFWs dahil may sapat na bilang na ng mga testing facilities sa buong Metro Manila.