Isiniwalat kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG) na may nagpositibo sa tumakas na mga overseas Filipino workers (OFWs) mula sa mga hotel na nagsisilbing quarantine facilities.
Sinabi ni Commodore Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG ma kumikilos ngayon ang Intelligence Division ng PCG para matunton ang nakatakas na OFWs mula sa hotel sa Metro Manila.
Nangangamba ang PCG na makahawa pa at lalong kumalat ang COVID-19 dahil sa pagtakas ng mga OFWs, na hindi naman niya matukoy pa kung ilan.
Nabatid na ang nakatakas na mga OFWs ay saka lamang umano dumating ang resulta na may nagpositibo sa COVID-19 kaya hindi umano alam ng mga ito na may dala na silang panganib sa kanilang mga pamilya, kaibigan at kung sinu-sino pa ang makakahalubilo sa kanilang pinuntahang komunidad.
Kaugnay nito, iniutos na ni PCG Commandant Admiral Joel Garcia ang pagtugis at contact tracing sa mga nakatakas para kunin at muling i-hold sa quarantine facility.
Nagbabala na rin ang PCG sa OFWs na nananatili pa sa quarantine facilities na huwag umalis at sa halip ay sumunod sa mga ipinatutupad na proseso kahit nahihirapan at naiinip na sila dahil kung hindi ay mahaharap sila sa kaso dahil sa paglabag sa quarantine protocol.
Marami na rin ang naisailalim sa polymerase chain reaction (PCR) testing ng Philippine Red Cross at hinihintay na lang ang resulta.
Ang PCG ay kabilang sa Sub Task Force Group for the Repatriation of OFWs na naatasang mangasiwa at magpatupad ng mandatory 14-day quarantine period ng lahat ng repatriated land-bases at sea-based OFWs.
Batay sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) Resolution No. 23 Series of 2020 na inisyu noong Abril 13, 2020, ang Sub-Task Group ay pamumunuan ng Department of Transportation (DOTr) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Bahagi ng Sub Task Force Group, na nasa ilalim ng National Task Force-Task Group on Response Operations, ang PCG, Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Health (DOH), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT), Bureau of Quarantine (BOQ) at ang Philippine National Police (PNP).