Ikinaalarma ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 ang pagkasabik ng publiko sa pagsisimula ng mas maluwag na quarantine restrictions na nagsimula kahapon.
Sa panayam kay NTF Against COVID-19 Spokesperson retired General Restituto Padilla, pinaalalahanan nito ang publiko na manatiling maingat laban sa posibleng pagkalat ng virus.
“Nababahala po ang NTF sa nangyari kahapon. Naging excited po ang ating mga kababayan. Ito po ay siguro ay kakulangan sa ganap na pagkaintindi sa sakit na nangyayari ngayon,” ani Padilla.
“Kami po ay humihiling sa sambayanan na huminahon po tayo. Huwag tayong ma-excite,” dagdag pa nito.
Nagkaroon ng mabigat na trapiko sa ilang bahagi ng Metro Manila at Luzon nitong Sabado nang magsimula nang lumuwag ang quarantine rules.
Mula enhanced community quarantine (ECQ) ay isinailalim ang Metro Manila, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, kabilang ang Angeles City, Zambales at Laguna sa modified enhanced community quarantine (MECQ).
Nananatili namang nasa ECQ ang Cebu City at Mandaue City habang ang nalalabing bahagi ng bansa ay isinailalim sa general community quarantine (GCQ).
Sa pahayag ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jalad, maraming mga nasirang daan sa Eastern Samar na pinakagrabeng sinalanta ng Bagyong Ambo.