top of page
Search

Isa si dating PBA superstar Paul “Bong” Alvarez sa mga nagsisilbing frontliner sa laban ngayon kontra COVID-19. Imbes na manatili sa loob ng kanyang tahanan, sumasama si Mr. Excitement sa paghatid ng tulong sa mga apektado ng krisis sa kalusugan.

Kamakailan ay sinamahan niya ang Talino at Galing ng Pinoy ni Jose “Bong” Teves Jr. upang maghatid ng pagkain at relief goods sa mga residente ng Brgy. Bagong Silangan at Brgy. Holy Spirit sa Quezon City. “Ang TGP ay isa sa mga aktibong partido at ang daming natulungan at tutulungan,” wika ni Alvarez. “Masasabi ko na tinupad namin ang aming mga pangako."

Maliban sa Quezon City, aktibo rin si Alvarez sa Pasig City at San Pedro, Laguna. Bago pa.man ang pandemya, ang 51-anyos na si Alvarez kasama ang mga kapwa alamat ng PBA ay naglalaro sa mga exhibition game kung kaya nananatiling kondisyon ang kanyang pangangatawan, isang mabuting paraan upang makaiwas sa mga sakit.

Kung siya ang tatanungin, mahirap at hindi pa panahon para buksan ulit ang PBA at ang palakasan kahit hinahanap ito ng mga tagahanga. “Magtiis muna tayo at magkaisa, lalampasan natin ang pagsubok na ito at makakapanood ulit tayo ng laro baka sa 2021 na,” ani Alvarez.

Naglaro si Alvarez sa PBA mula 1989 hanggang 1998 para sa Alaska, Santa Lucia, Formula Shell, San Miguel Beer at Barangay Ginebra. Lumipat siya sa Metropolitan Basketball Association (MBA) mula 1999 hanggang 2001 at naglaro sa Pampanga Dragons, Pasig-Rizal Pirates at Socsargen Marlins bago bumalik sa PBA at wakasan ang kanyang karera sa FedEx, Talk ‘N Text at Red Bull noong 2004-2005.

 
 

Magbabalik aksyon ang Philippine Azkals ngayong Oktubre. Iniutos kahapon ng Asian Football Confederation (AFC) na itutuloy na ang qualification para sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 Asian Cup sa Tsina matapos itong ipatigil noong Marso dahil sa krisis ng COVID-19.

Unang haharapin ng Azkals ang mga bisita mula sa Guam sa Oktubre 8. Tinalo ng Pilipinas ang Guam, 4-1, noong una nilang pagharap noong Setyembre 10, 2019 sa Dededo, Guam.

Susundan ito ng rebanse kontra Tsina sa Nobyembre 12. Nagtapos sa 0-0 na tabla ang una nilang pagkikita noong Oktubre 15, 2019 sa Panaad Stadium ng Bacolod City.

Ang Maldives ang huling makakalaro ng Azkals sa Nobyembre 17. Paborito ang mga Pinoy na ulitin sa sariling tahanan ang kanilang 2-1 na tagumpay noong Nobyembre 14, 2019 sa Male, Maldives.

Wala pang katiyakan kung saan gaganapin ang mga laro kontra Guam at Maldives dahil ang Rizal Memorial Stadium at Ninoy Aquino Stadium ay parehong ginawang pansamantalang quarantine facility habang inaayos naman ang Panaad para sa 2021 Palarong Pambansa. Ang laro laban sa Tsina ay unang itinakda na gawin sa Thailand pero titingnan kung babaguhin ito at ibabalik sa Tsina mismo.

Sa hiwalay na pahayag, kung papayag ang AFC ay isusulong ng Philippine Football Federation (PFF) na gawin ang mga laro sa PFF National Training Center sa Carmona, Cavite.

Kasalukuyang patas ang Pilipinas at Tsina para sa ikalawang puwesto ng Grupo A na parehong may pitong puntos. Numero uno ang Syria na may malinis na 15 puntos buhat sa limang panalo, kasama ang dalawa kontra sa Azkals.

Patuloy pa ring pag-aaralan ng AFC at FIFA ang sitwasyon para sa kalusugan at kaligtasan ng lahat. Malaking bagay din ang magiging patakaran ng mga pamahalaan ng mga kalahok na bansa tungkol sa paglakbay at malakihang pagtitipon.

 
 

Tatlong pagamutan sa bansa ang napili ng Department of Health (DOH) para doon isagawa ang clinical testing ng Japanese-made drug na Avigan na posibleng gamot para sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga pagamutan na ito ay kinabibilangan ng Sta. Ana Hospital, Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital at Quirino Memorial Center sa Metro Manila.

Sisimulan ang nasabing clinical trial kapag walang naging problema sa protocols sa ethics review.

Naglaan ang gobyerno ng P18 milyong pondo para sa clinical trials ng gamot na Avigan.

Mayroong 100 pasyente ang kukunin ng DOH para isagawa ang nasabing trial.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page