top of page
Search
  • V. Reyes
  • Jun 1, 2020

Magiging mahirap umano para sa gobyerno kung pagbibigyan ang hirit na mapayagan ang pag-angkas sa motorsiklo ng asawa o kamag-anak sa panahon ng pag-iral ng general community quarantine (GCQ).

Ayon kay Department of Transportation Assistant Secretary Goddes Libiran, napakarami ng mga nagmomotorsiklo sa bansa at hindi magiging madali ang pagsusuri sa bawat may angkas kung sila ay magkamag-anak o hindi.

“Hindi kakayanin ng enforcers natin na mano-mano at isa-isang i-check ang mga naka-motor para lang mapatunayan kung magkasama ba sa bahay o magkamag-anak ‘yung magka-back ride,” ayon kay Libiran. “Mahirap din i-distinguish kung habal-habal ‘yan o nagpapanggap lang na mag-asawa o magkasama sa bahay,” dagdag nito.

Kasabay nito, ikinatwiran ni Libiran na ang polisiya ng gobyerno ay dapat ipatupad para sa lahat at hindi kailangan na magbigay ng exemptions lalo na kung nakasalalay ang kalusugan at kaligtasan.

Hindi rin aniya malayo na humirit din ang ibang sektor ng transportasyon.

“Kung papayagan natin ‘yung back ride, manganganak ‘yan ng ibang requests for exemptions at katanungan. Kasi sasabihin ng mga sumasakay sa jeep, bakit pagbabawalan silang magkakatabi eh pinapayagan naman ang magkakatabi sa motor? Ganun din sa private vehicles pati sa mga bus o sa mga tren,” paliwanag pa ni Libiran. “Sasabihin nila, ‘Puwede naman pa lang magkatabi sa sasakyan kasi magkasama naman sila sa bahay.’ Ano pang dahilan kung bakit tayo nag-impose ng reduced capacity sa mga bus, sa mga jeepneys, sa mga tricycle o kahit sa mga tren?” ayon sa opisyal.

 
 

Umakyat na sa 18,086 ang kabuuang bilang ng naitalang COVID-19 sa bansa.

Ito ay matapos makapagtala ang Department of Health ng karagdagang 862 na bagong kaso. Pero, ayon sa DOH, 16 lang dito ang bago o fresh cases o nailabas ang test result sa loob ng tatlong araw.

Ang 6 sa bagong kaso na ito ay mula sa National Capital Region habang ang 10 ay mula sa iba pang lugar sa bansa.

Ayon sa DOH, mababa ang bilang ng naitalang fresh cases dahil ibinatay ito sa daily accomplishment report na isinumite ng 15 lamang na laboratoryo.

Ang kabuuang bilang ng mga laboratoryo na binigyang lisensiya ng DOH para magsagawa ng COVID test ay 44 na, pero 42 lamang dito ang operational sa ngayon.

Habang ang 846 naman na bagong naitalang kaso ay mga late cases o iyong nailabas ang test result sa loob ng apat na araw o higit pa.

Sa bilang na ito, 238 ang mula sa NCR, 81 mula sa Region 7, 292 ay mula sa iba pang lugar sa bansa, at ang 235 ay mula naman sa hanay ng mga repatriate o mga OFWs na iniuwi ng gobyerno sa bansa.

May 101 namang karagdagang pasyente ang naitala na nakarekober mula sa virus.

Kaya naman ang kabuuang bilang ng nakarekober mula sa COVID-19 sa bansa ay 3,909 na. May 7 namang naiulat na nasawi dahil sa sakit, kaya naman umakyat na sa 957 ang kabuuang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.

 
 

Kasabay ng unang araw ng pagpapairal ng general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila, inaasahan na umano ang pagdagsa ng mga tao at sasakyan.

Hindi tuloy maiwasan ng mga netizens na magbigay ng reaksiyon at sinabing tila ‘Survivor Philippines’ o matira-matibay ang mangyayari.

Anila, kung limitado ang sasakyan at kapasidad ng mga ito, hindi imposible na malabag din ang mga health protocols tulad ng physical distancing.

Tiyak umanong hahaba ang pila sa mga kalsada at mag-uunahan ang mga commuters na balik-trabaho.

Gayunman, nakahanda na umano ang National Capital Region (NCR) na luwagan ang health at safety protocols kontra Coronavirus Disease 2019 at ipatupad ang GCQ ngayong raw. Iiral ng dalawang linggo o hanggang Hunyo 15 ang GCQ matapos ang dalawang buwan na isinailalim ang Metro Manila sa enhanced community quarantine at modified enhanced community quarantine.

Ayon kay Joint Task Force COVID Shield Commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar, sa gitna ng kahandaan ay magiging hamon din sa pulisya ngayon ang pagdagsa ng mga tao na lalabas ng bahay at ang pagdami ng mga sasakyan sa lansangan. Simula ngayong araw ay mapapayagan na rin ang operasyon ng mga tren, bus augmentation, taxi, TNVS (transport network vehicle service), shuttle services, point-to-point buses, bicycles, tricycles.

Gayunman, hindi pa puwede ang public utility buses, UV Express units at jeepneys.

Tiniyak ng JTF CV Shield commander na magsasagawa sila ng random checking sa mga motorista upang alamin kung sila ay authorized persons outside residence (APOR) o empleyado ng industriyang pinapayagan nang mag-operate sa ilalim ng GCQ. Tiniyak din ni Metro Manila Council chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na handa na ang mga lokal na pamahalaan sa NCR para sa GCQ.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page