top of page
Search

Hinimok ang publiko na i-report ang anumang anomalya o korupsiyon partikular sa pagbili at pagbebenta ng mga medical supplies at equipment sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa pagdinig sa Senado, hinikayat ni Sen. Bong Go ang taumbayan na ipaalam sa mga awtoridad ang anumang matutuklasang korupsiyon sa kanilang mga lugar.

Hindi umano papayagan ng administrasyong Duterte ang anumang iregularidad lalo na sa pagbili at pagbebenta ng mga medical equipment at supplies.

“Kung makikita nating may korupsiyon na nangyari, dapat papanagutin natin ang mga ahensiya at lalong-lalo na ang mga opisyal nito. Wala tayong palalampasin at wala tayong pipiliin. Pera ng bayan po ito. Gamitin natin sa tama at wasto lalo na’t nakakatakot ang kinakaharap natin,” dagdag ng senador.

Nanawagan din sa mga pribadong kumpanya partikular sa mga business group na tulungan ang pamahalaan na masawata ang korupsiyon lalo na ngayong panahon ng COVID-19.

 
 

Maaaring mapaaga ang pagpayag sa mga jeepney at UV Express units na makabalik sa kanilang biyahe bago ang pagtatapos ng Phase 1 ng resumption ng public transportation sa darating na Hunyo 21.

Ayon kay Transportation Asec. Mark De Leon, bagama’t kinukonsidera bilang “high-risk” public utility vehicles (PUVs) ang mga jeep at UV Express, maaari aniyang payagan nilang makabalik sa kanilang operasyon nang mas maaga sakaling hindi sapat ang bilang ng mga PUVs na unang papayagang makabiyahe mula Hunyo 1 hanggang 21.

“Kung hindi sufficient ang bus na ‘yan, ang next na titignan natin ay ‘yung mga modern jeepneys.

Kapag hindi pa rin available ‘yang mga modern jeepneys na ‘yan, saka na lang tayo titingin kung may available na UV Express at lumang jeepneys,” ani De Leon sa isang panayam.

Sa ilalim ng Phase 1, na magsisimula ngayong araw, Hunyo 1 hanggang 21, papayagan nang makapag-operate ulit pero sa limitadong passenger capacity ang mga tren at bus augmentation, taxi, TNVS, shuttle services, point-to-point buses at bisikleta.

Papayagan na ring makabiyahe ang mga tricycle, pero subject ito sa approval ng mga local government units.

Bawal namang makapasok sa Metro Manila mula Hunyo 1 hanggang 21 ang mga provincial buses.

Sa Phase 2, na magsisimula ng Hunyo 22 hanggang 30, puwede nang makapag-operate ang mga public utility buses, modern PUVs o jeepneys at UV Express pero sa limitado ring passenger capacity.

 
 

Huli ang dalawang babaeng pulis na nag-iinuman sa labas ng bahay sa kabila ng umiiral na liquor ban sa Taguig City, kahapon ng madaling-araw.

Sa paglabag sa Section 5555 Revised Ordinance o drinking liquor in public place, (in relation to RA 11332 (modified enhanced community quarantine), nahaharap din sa reklamong paglabag sa Article 151 ng Revised Penal Code (Disobedience and Resistance to an Agent of a Person of Authority) in relation to RA 11332 (MECQ) at Article 155 (Alarms and Scandal) ang dalawang pulis na sina P/Corporal Jocelyn Posadas Y Aqim, 32, nakatalaga sa Regional Mobile Force battalion (RMFB), pansamantalang tumutuloy sa 9FC Barracks, Camp Bagong Diwa, Taguig City at P/Cpl. Juliet Naboye y Datung, nakatalaga sa Manila Police District (MPD) ng Fernandez St., Bgy. Central Bicutan, Taguig City.

Base sa ulat ng Taguig Police Community Precinct (PCP-2), rumesponde sa tawag ang dalawang tauhan ng PCP-2 sa reklamong pag-iinuman sa pampublikong lugar ng dalawa sa Fernandez St., alas 12:30 ng hatinggabi.

Nadatnan pa ng mga pulis ang nag-iiuman at sinabihan sila na labag sa batas ang ginagawa pero, pumalag pa umano ang dalawa na nauwi sa hindi maganda.

Marahil sa dami ng nainom ay nagsalita pa umano si Cpl. Naboye na, “walang pulis pulis sa amin!

"You cannot arrest me over my dead body!” kaya sapilitang binitbit ang dalawa na natuklasang mga kabaro din pala nila.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page