top of page
Search

Nagsimula nang umarangkada ang enrollment sa mga pampublikong paaralan sa bansa simula kahapon, Hunyo 1, sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng covid-19.

Gayunman, ayon kay Education Usec. Diosdado San Antonio, online muna at wala munang physical enrollment sa unang dalawang linggo ng enrollment period.

Mula Hunyo 1 hanggang 15, maaari aniyang gawin ang enrollment sa pamamagitan ng internet, texting o tawag sa telepono.

Maaari lamang aniyang magtungo ang mga magulang sa mga paaralan matapos ang Hunyo 15 para sa iba pang katanungan o paglilinaw hinggil sa enrollment.

Pero paaala ni San Antonio, dapat sundin ang mga pinaiiral na health protocols, gaya ng physical distancing at pagsusuot ng face masks.

Kaugnay nito, sinabi ng opisyal na kasabay ng enrollment ay pasasagutin din ang mga magulang sa survey hinggil sa mode of learning na nais nila para sa kanilang mga anak sa panahon ng new normal.

Ang enrollment period ay tatagal hanggang sa Hunyo 30. Habang ang klase ay magbubukas naman sa Agosto 24.

Una nang nilinaw ng DepEd na kahit magsimula na ang klase ay hindi pa rin sila magsasagawa ng 'face-to-face classes' hangga’t wala pang bakuna sa covid-19.

 
 
  • Madel Moratillo
  • Jun 2, 2020

Umakyat na sa 18,638 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitala sa bansa.

Batay sa datos ng Department of Health, ito ay matapos silang may maitalang 552 na karagdagan pang kaso.

Pero sa bilang na ito ay 119 lamang ang fresh cases habang 433 naman ang late cases.

Sa mga fresh cases na ito, 94 ang mula sa National Capital Region, 1 sa Region 7, ang 20 naman ay mula sa iba pang lugar sa bansa habang ang 4 ay mula sa hanay ng mga repatriate.

Sa mga late cases naman, ang 137 ay mula sa NCR, 98 naman sa Region 7, 182 naman sa iba pang lugar sa bansa habang 16 naman ay mula sa hanay ng mga repatriate.

May 70 namang naitala na bagong nakarekober mula sa COVID-19.

Kaugnay nito, umakyat na sa 3,979 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa virus.

Habang may 3 namang naiulat pang nasawi dahil sa COVID-19.

Sa kabuuan ay nasa 960 na ang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa COVID-19.

 
 

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang isang panukalang batas na bibigyan ang Pangulo ng awtorisasyon na ipagpaliban ang pagbubukas ng klase sa Agosto sa panahon ng pandemya. Sinabi ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian, chairman ng Committee on Basic Education, Arts and Culture na inaprubahan ng 23 senador ang Senate Bill No. 1541, walang negatibong boto at abstention.

Pinasalamatan ni Gatchalian ang bumoto sa panukala dahil kinikilala nila ang kahalagahan nito at maaprubahan bago mag-sine die adjournment.

Sa sandaling maisabatas ang panukala bago magbukas ang klase, giit ni Gatchalian na magkakaroon ng flexibility ang Pangulo at Department of Education (DepEd) na kung bubuksan ang klase kapag patuloy ang banta ng virus at nalalagay sa panganib ang kaligtasan ng mag-aaral, titser at mga non-teaching personnel.

Inaamiyendahan ng panukala ang Section 3 ng Republic Act (RA) 7797 or “An Act to Lengthen the School Calendar from Two Hundred (200) Days to Not More Than Two Hundred Twenty (220) Class Days."

“Senate Bill No. 1541 authorizes the President, upon the recommendation of the Secretary of Education, to move the start of the school year during a state of emergency or calamity. SBN 1541 covers all basic education institutions, including foreign or international schools,” ayon pa kay Gatchalian. Nabatid na orihinal na inaatasan ng RA 7797 na magbukas ang klase sa unang Lunes ng Hunyo at huling araw ng Agosto.

“The immediate effect of this legislation would be to empower the President to move the start of the School Year 2020-2021 to September or even later in the event that public health authorities would recommend the postponement of the school year in order to contain the spread of COVID-19,” ani Gatchalian, “Natutuwa po ako at nakapasa na sa Senado ang panukalang batas na ito. Mahalaga ang pagpasok sa eskuwelahan ng mga bata, pero higit na mahalaga ang kanilang kaligtasan at kalusugan. Kaya bigyan po natin ng pagpapasya ang Pangulo ng Pilipinas at ang Kalihim ng Edukasyon upang baguhin ang petsa ng pasukan sa panahon ng pandemya habang walang kasiguraduhan sa kaligtasan at kalusugan ng kabataang Pilipino,” dagdag pa ni Gatchalian.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page