top of page
Search
  • Madel Moratillo
  • Jun 3, 2020

Umakyat na sa 18,997 ang kabuuang bilang ng covid-19 cases na naitala sa bansa.

Batay sa datos ng Department of Health, ito ay matapos silang may maitalang 359 na karagdagan pang kaso.

Pero sa bilang na ito ay 176 lamang ang fresh cases habang 183 naman ang late cases.

Sa mga fresh cases na ito, 33 ang mula sa National Capital Region, 89 sa Region 7, ang 54 naman ay mula sa iba pang lugar sa bansa.

Sa mga late cases naman, ang 39 ay mula sa NCR, 8 naman sa Region 7, 111 naman sa iba pang lugar sa bansa habang 25 naman ay mula sa hanay ng mga repatriate.

May 84 namang naitala na bagong nakarekober mula sa covid-19.

Kaugnay nito, umakyat na sa 4,063 ang bilang ng mga pasyenteng gumaling mula sa virus. Habang may 6 namang naiulat pang nasawi dahil sa coronavirus.

Sa kabuuan ay nasa 966 na ang bilang ng nasawi sa bansa dahil sa covid-19.

 
 

Nanatiling buo ang suporta ng FIFA sa lahat ng 211 kasapi nito, kabilang ang Philippine Football Federation (PFF), sa laban kontra COVID-19. Naglabas kahapon ng bagong dokumento ang FIFA sa tulong ng World Health Organization (WHO) na maaring gamitin bilang gabay sa pagbawas at tuluyang pag-iwas sa pagkalat ng sakit habang naglalaro.

Ang pangunahing layunin ng dokumento ay pangalagaan ang kalusugan ng manlalaro, coach, opisyal, staff, media at lahat ng may kinalaman dito para makabalik ang aksyon. Sakop nito ang lahat ng uri ng Football, propesyonal o hindi, at dapat ito ay sang-ayon sa mga umiiral na patakaran ng pamahalaan ukol sa pampublikong kalusugan at malakihang pagtitipon.

Tugma ang laman ng dokumento sa mga nailabas ng pandaigdigang pamunuan ng ibang larangan ng palakasan gaya ng physical distancing, bawal maghiraman ng gamit, bawal ang kamayan at marami pang iba. Susuriin ang lahat tatlong araw bago ang laro o ensayo at magiging masinsin ang paghanap sa mga nakisalamuha sa mga positibo.

Ang pagbantay sa kalusugan ng lahat ay napakahalaga para sa FIFA. Patuloy nilang isusulong ang pansariling kalinisan, physical distancing, malusog na pamumuhay, pagkain ng wasto at pagbawas sa hindi kailangan na paglakbay.

Kailangang maiplano ng maayos ang pagbabalik ng football dahil sa natatamasang mga benepisyo ng pamayanan nito. Inaatasan ang mga pederasyon tulad ng PFF na mag-ingat ng mabuti sa paglatag ng plano para sa football oras na matapos na ang kasalukuyang krisis.

Hangga't walang natutuklasan na bakuna para sa COVID-19, tanggap ng FIFA na talagang magbabago ang timpla ng panahon. Sa huli, lahat ng mga may kinalaman sa Football ay may responsibilidad na pigilan ang pagkalat ng virus.

Umaasa ang PFF na makakabalik na ang Football oras na paluwagin ang mga patakaran ng quarantine. Lumikha sila ng mga panukala para sa posibleng pagbukas ng 2020 Qatar Airways Philippines Football League (PFL) sa Hulyo at naisumite na ito sa Games and Amusements Board (GAB) upang pag-aralan at ibigay sa Inter-Agency Task Force (IATF) para sa huling desisyon.

 
 

Pinangangambahang magkaroon ng malaking pagbabago sa sports sakaling magtagal pa ang pagkakatigil ng mga pampalakasan sa bansa, lalo na sa professional league.

Dahil sa kabila-kabilang mga pag-iingat at pagpapatupad ng safety protocols para sa lahat ng manlalaro, kakailanganin umano ng malaking gastusin para mapanatili ng isang club o koponan na masubaybayan at matustusan ang pangangailangan ng lahat ng sports nito. “Iyong paglalagay ng safety protocols and guidelines regarding the training and preparation pa lang ng mga teams ay may karagdagang gastos na, paano na lang sa ibang staff nito gaya ng ball boys at iba pang kakailanganin tulad ng simpleng alcohol and sanitations,” pahayag ni Larong Volleyball ng Pilipinas, Inc. (LVPI) president Joey Romasanta sa panayam ng BULGAR sa telepono. “Mahihirapan ang owners lalo na sa pampasuweldo, kapag nag-restart tayo very soon. Of course, hindi priority ng ibang owners na mag-advertise in terms of having a team, siyempre dapat umpisahan muna nila ang negosyo nila,” dagdag ng 75-anyos na sports official.

Aminado ang dating 2016 Rio Olympics Chef-de-Mission na nararapat na tumugon ang bawat pampalakasan sa bansa sa kautusan ng pamahalaan partikular na sa mga kaligtasan at kaayusan ng mga atleta lalo pa’t mas tumataas ang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19 pandemic sa bansa.

Gayunman, ikinalungkot ng kasalukuyang 1st vice president ng Philippine Olympic Committee (POC) na kung aabutin ng isa’t kalahating taon ang paghahanap ng vaccine kontra virus ay tila asahan na ang malaking pagbabago sa bilang ng mga manlalaro ng volleyball sa bansa, gayundin ang pagreretiro ng iba rito. “Malaki talaga ang epekto ng virus na ito sa sports. Alam naman natin na dependent ang volleyball and other ball games sa fans. Marami sa mga athletes natin sa fans kumukuha ng inspirasyon and we have to admit na this fans also produce incomes in watching live ball games sa mga arenas at venues. Siyempre negosyo rin iyan,” eksplika ng dati ring acting POC president. "Kapag nagrestart ang sports, will start for minimum, kung ‘di makukumpleto ang staff, walang pampasweldo,” dagdag nito.

Nakikipagtulungan na ang LVPI sa ilang national sports association (NSAs) para sa pagsasagawa ng mga hakbang para sa kinabukasan ng sports sa bansa, kung saan kamakailan lamang ay kabilang si LVPI vice president at national training director Peter Cayco sa mga lider ng NSAs para magsumite ng mga importanteng papeles sa IATF on Emerging Infectious Disease.

Tinitingnang maaaring manumbalik ang commercial volleyball sa katapusan ng Setyembre na inaasahang walang mga fans at mga taga-subaybay ang manonood sa venues. Ngunit ayon kay Cayco sa magkahiwalay na report ay tinatayang sa Enero 2021 na makababalik ng ensayo at ang pinakaposibleng maisagawa ang mga torneo sa Mayo 2021.

Sa ngayon ay pinapayagan pa lamang na sports ay ang swimming, tennis, table tennis, badminton, golf, cycling, running, equestrian, at skateboarding.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page