ni Lolet Abania | April 19, 2022
Wala pang nade-detect na “Omicron XE” o ang recombinant ng dalawang sub-lineages ng mas nakahahawang Omicron variant, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa isang radio interview ngayong Martes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tuluy-tuloy nilang mino-monitor habang nakatutok sila kung ang Omicron XE ay nakapasok na sa bansa.
“Sa ngayon, wala pa naman tayong nade-detect na XE variant dito sa ating bansa. Itong XE variant naman ay mga tatlo o apat na bansa pa lang ang nakaka-detect ng ganitong klaseng variant,” saad ni Vergeire.
Una nang ipinaliwanag ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvana na ang Omicron XE ay “more concerning” o mas nakaaalarma kumpara sa ibang Omicron sub-variants dahil sa kanilang transmissibility, subalit hindi naman aniya maaaring mas severe o makaaapekto sa efficacy ng mga kasalukuyang vaccines na mayroon sa bansa.
Pinatotohanan naman ito ni Vaccine Expert Panel member Dr. Rontgene Solante na aniya, ang kasalukuyang mga bakuna ay maaaring kakitaan ng paglaban sa BA.1 at BA.2 Omicron sub-variants.
Samantala, unang naipahayag ni Philippine College of Physicians (PCP) resident Dr. Maricar Limpin, ang kanyang pagkaalarma sa posibleng pagpasok sa Pilipinas ng Omicron XE at ang mababang bilang ng pagtanggap ng booster shot ng mga Pilipino ay maaaring magresulta ng surge ng COVID-19 cases sa Mayo.
Pareho namang nagbabala ang DOH at ang World Health Organization (WHO) Philippines na ang bansa ay posibleng makaranas ng isa pang surge ng COVID-19 infections sa mid-May kung ang ipinatutupad na minimum public health standards (MPHS) ay patuloy na babalewalain.