ni Lolet Abania | April 22, 2022
Nakatakda ang pagbabakuna ng second COVID-19 booster para sa immunocompromised na mga indibidwal sa Abril 25 sa buong bansa, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ginanap na media forum ngayong Biyernes, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na mga immunocompromised individuals lamang na edad 18 pataas ang papayagan na makatanggap lang ng kanilang second booster shot nang maaga sa tatlong buwan matapos ang kanilang first booster.
“Magtuturok na po tayo ng second booster shots para sa mga 18 years old and above na immunocompromised. Nationwide po ang ating rollout na nakadepende sa kahandaan ng kani-kanilang lokal na pamahalaan,” saad ni Vergeire.
Ang mga brands na gagamitin sa second booster shot ay AstraZeneca, Moderna, Pfizer, Sinopharm, at Sinovac.
Una nang sinabi ni DOH Secretary Francisco Duque III na inaprubahan na niya ang pagbabakuna ng second COVID-19 booster para sa mga immunocompromised na mga indibidwal.
Ayon kay Duque, kabilang sa mga nasabing pasyente ay 'yung may cancer, recipients ng organ transplants, at HIV/AIDS patients, at iba pa.
Giit naman ni Duque na ang mga frontline healthcare workers at senior citizens ay hindi pa covered ng inaasahang rollout ng second booster shots sa susunod na linggo.