ni Lolet Abania | October 22, 2021
Mahigit sa 5,000 kabataan edad 15 hanggang 17-anyos na may comorbidities ang nabakunahan na laban sa COVID-19, ayon kay vaccine czar Carlito Galvez Jr. ngayong Biyernes.
Sa isang mensahe, sinabi ni Galvez na nasa kabuuang 5,781 menor-de-edad ang naturukan kontra-COVID sa inisyal na itinalagang walong ospital para sa programang pediatric vaccination ng bansa.
“Masaya kami dahil sa datos ng Department of Health (DOH), as of October 21... they have already vaccinated 5,781 ang mga kabataang may edad 15 hanggang 17 ang ating nabakunahan,” ani Galvez.
Sinabi rin ni Galvez na may karagdagang 13 ospital ang magsasagawa pa ng pediatric vaccination.
“Simula ngayong araw na ito, 13 na ospital pa ang papayagan magpabakuna sa may edad na 15 hanggang 17 na mayroong may comorbidities,” sabi ng opisyal.
“Gusto naming bigyan-diin ang importansya ng pagbabakuna sa mga kabataan. Ito ang magbibigay daan upang makabalik sila sa mga eskuwelahan at mas mabilis na mabuksan ang ating ekonomiya,” dagdag pa ni Galvez.
Sa taya ng DOH nasa 1.2 milyong kabataan na may comorbidities edad 12 hanggang 17-anyos sa buong bnasa.
Sinabi rin ng ahensiya na ang mga menor-de-edad na magpapabakuna ay kinakailangang kumuha ng clearance mula sa kanilang mga doktor at dapat ding magbigay ng kanilang consent at pagsang-ayon.
Samantala, ayon sa DOH ang mga eligible para sa pagbabakuna laban sa COVID-19 na mga kabataan na may comorbidities ay may medical conditions gaya ng medical complexity, genetic condition, neurologic conditions, metabolic o endocrine diseases, cardiovascular diseases, obesity, HIV Infection, tuberculosis, chronic respiratory disease, renal disorders, at hepatobiliary disease, at iyong mga immunocompromised dahil sa sakit o treatment.