ni Lolet Abania | March 29, 2021
Dumating na ang isang milyong doses ng COVID-19 vaccine ng Sinovac na gawa ng China ngayong Lunes ng hapon, kung saan unang supply ito ng bakuna na binayaran ng pamahalaan na nai-deliver sa bansa.
Bandang alas-5:00 ng hapon dumating ang isang milyong doses sa Villamor Air Base sa Pasay City na first batch para sa kabuuang 25 milyong doses ng CoronaVac na kinukuha ng gobyerno.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, ang isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine ay nagkakahalaga ng P700 milyon.
Base sa evaluation ng Food and Drug Administration (FDA), ang Sinovac ay may efficacy rate na 65.3% hanggang 91.2% sa mga malulusog na indibidwal na nasa edad 18 hanggang 59.
Gayunman, ang efficacy rate ng Sinovac ay umabot lamang sa 50.4% para sa healthcare workers na may exposure sa COVID-19, kaya hindi ito inirerekomenda ng FDA sa kanila.
Subalit para sa National Immunization Technical Advisory Group (NITAG), sumasang-ayon silang maaaring i-administer ang Sinovac sa mga health workers dahil anila, 100% epektibo ito upang mapigilan ang severe COVID-19 symptoms.
Inaprubahan naman ni Pangulong Rodrigo Duterte ang paggamit sa isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccines na binili ng pamahalaan para mabakunahan ang mga health workers sa mga lugar na mataas ang bilang ng COVID-19 cases gaya ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Cebu City at Davao City.
Bago nai-deliver ang isang milyong doses ng CoronaVac ngayong Lunes, nakatanggap na ang bansa ng isang milyong doses ng Sinovac COVID-19 vaccine na donasyon ng gobyerno ng China habang 525,600 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine mula naman sa global aid ng COVAX facility.
Tinatayang mahigit sa 600,000 health workers na ang naturukan ng COVID-19 vaccines sa bansa.