ni Ronalyn Seminiano Reonico | April 5, 2021
Ubos na ang AstraZeneca COVID-19 vaccines sa bansa, ayon sa Department of Health (DOH) ngayong Lunes.
Kaugnay nito, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, hinihintay na ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga karagdagang dokumento mula sa Sinovac Biotech upang masigurong ligtas gamitin ang kanilang bakuna sa mga nakatatanda.
Aniya, “We have coordinated [with Sinovac] already because we know na kailangan natin sa ating country because naubos na ang AstraZeneca doses natin.
“Gusto nating mabakunahan ang mga matatanda, ang ating mga senior citizens that’s why we are closely coordinating so we can get the evidence, so FDA can amend their EUA for senior citizens if ever the pieces of evidence will come in.”
Ayon sa AstraZeneca, 80% ang efficacy rate ng kanilang COVID-19 vaccine sa mga matatanda. Ang Sinovac naman ay inirerekomenda lamang ng FDA sa mga edad-18 hanggang 59.
Ngunit noong Pebrero, ayon sa opisyal ng Sinovac, maaari ring gamitin ang kanilang bakuna sa mga senior citizens.
Samantala, sa ngayon ay 2.5 million COVID-19 vaccine doses pa lamang ang natatanggap ng Pilipinas kung saan 525,000 lang ang mula sa AstraZeneca at ang iba ay Sinovac.
Sa 2.5 million doses, tinatayang aabot sa 1.5 million ang naipamahagi sa mga inoculation centers at 740,000 ang naiturok na.