ni Lolet Abania | October 4, 2021
Naglabas ang Department of Health (DOH) ngayong Lunes ng listahan ng 11 medical conditions para ang mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 ay maging eligible na mabakunahan kontra-COVID-19.
Sa isang mensahe sa mga reporter, ayon sa DOH ang mga bata na eligible para sa vaccination laban sa COVID-19 na may medical conditions ay ang mga sumusunod:
• Medical Complexity
• Genetic conditions
• Neurologic conditions
• Metabolic/endocrine
• Cardiovascular disease
• Obesity
• HIV infection
• Tuberculosis
• Chronic respiratory disease
• Renal disorders
• Hepatobiliary
Sa isang media forum, sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang mga menor-de-edad na babakunahan ay kailangan na mayroong clearance mula sa kanilang mga doktor at dapat ring may consent at kanilang pagsang-ayon.
“Ibig sabihin ang kanilang mga magulang ay kailangan magkaroon ng consent dito, pipirma sa document, at pangalawa ‘yung bata mismo na babakunahan ay may assent dito. Pangatlo, siyempre ‘yung monitoring natin,” paliwanag ni Vergeire.
Payo ni Vergeire sa mga magulang na i-register ang kanilang mga anak sa kanilang local government units.
Una nang sinabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na ipaprayoridad ng national government sa pagbabakuna ang 10% ng kabuuang mga menor-de-edad sa buong bansa sa susunod na dalawa hanggang tatlong buwan.
Ayon pa kay Cabotaje, ang National Children’s Hospital at Philippine Heart Center sa Quezon City gayundin, ang Philippine General Hospital sa Manila ay nag-anunsiyong tutulong sila sa pagbabakuna ng mga kabataan kontra-COVID-19.
Gayunman, hindi naman nagbanggit si Vergeire ng ibang mga ospital na makakabilang sa pagbabakuna sa mga menor-de-edad.
“Antayin lang natin kasi inaayos po. Kailangan kasi mayroon agreement with the hospitals before we can announce,” sabi pa ni Vergeire.