top of page
Search

ni Lolet Abania | April 25, 2022



Tinututukan ng Department of Health (DOH) ngayon ang 13 lugar sa bansa na nakapag-record ng pagtaas ng bilang ng COVID-19 cases.


Gayunman, ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 ay hindi nakababahala.


“We are not seeing significant increases as of this time. And most specifically, mas importante po, doon po sa mga pagtaas ng kaso na nakikita natin na bahagya, ay hindi po natin nakikitang napupuno ang mga ospital,” saad ni Vergeire sa isang interview ngayong Lunes.


Binanggit naman ni Vergeire na kabilang sa binabantayang lugar ang Pateros, Malabon at Navotas sa Metro Manila dahil sa naitatalang bilang ng kanilang mga kaso at hospital occupancy.


“May positive growth rate po ang Pateros. Meron din po sa ibang area na napupuno po ang kanilang (intensive care unit) katulad sa Malabon. Pero nu’ng pinag-aralan naman po natin, tatatlo lang po ang ICU beds nila. And ngayon po, puno na ang kanilang 3 ICU beds,” sabi ng opisyal.


“Sa Navotas naman po, meron lang ho tayo diyan 46 beds for COVID ward. At ngayon po, medyo may pagtaas. Pero it’s still less than 60 percent. Pero kakaunti po kasi kaya madaling mapuno,” dagdag niya, subalit hindi na siya nagbanggit pa ng ibang lugar.


Ayon kay Vergeire, ang bahagyang pagtaas ng mga COVID-19 cases ay maiuugnay sa pagpapabaya ng marami sa pagsunod sa minimum public health standards, isinasagawang mga gatherings sa mga campaign sorties, at mga indibidwal na nagsipagbakasyon noong Semana Santa.


Paalala ni Vergeire sa publiko na patuloy na sumunod sa mga health protocols para maiwasan ang pagtaas ulit ng mga kaso ng COVID-19.


Una nang nagbabala ang DOH na ang pagpapabaya sa pagsunod sa mga ipinatutupad na pandemic guidelines ay posibleng magdulot ng active coronavirus infections ng tinatayang kalahating milyon sa kalagitnaan ng Mayo.



 
 

ni Ronalyn Seminiano Reonico | July 10, 2021



Umakyat na sa 1,467,119 ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong araw matapos makapagtala ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 5,675 new cases.


Ayon sa DOH, 49,968 pa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan 89% ang mild cases, 5.4% ang asymptomatic, 2.4% ang severe, at 1.5% ang nasa kritikal na kondisyon.


Tumaas naman sa 1,391,335 ang kabuuang bilang ng mga gumaling na matapos makapagtala ang DOH ng 7,552 new recoveries.


Samantala, umakyat naman sa 25,816 ang mga nasawi dahil sa COVID-19 matapos maitala ang karagdagang 96 na mga pumanaw.


 
 

ni Lolet Abania | June 12, 2021




Itinuturong dahilan ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ng Northern Samar ang naganap kamakailan na konsiyerto sa simbahan sa isa sa mga munisipalidad nito, ayon sa gobernador ng probinsiya.


Sa Laging Handa briefing ngayong Sabado, ayon kay Northern Samar Governor Edwin Ongchuan, nakapagtala ang lalawigan ng pagtaas ng COVID-19 cases noong June 10 na may 123 active cases sa loob lamang ng isang araw sa munisipalidad ng Victoria, kung saan umabot sa kabuuang 218 ang mga aktibong kaso.


Agad isinailalim ang mga bayan sa granular lockdowns, kabilang ang kabisera ng lalawigan na Catarman. Ayon kay Ongchuan, batay sa isinasagawang contact tracing, lumalabas na ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ay dahil sa isang church concert kamakailan.


“May iba pong mga kababayan natin mula sa ibang bayan, dito po nagsipunta sa Victoria at sa kasamaang palad, may naitala pong dalawang nasawi sa COVID,” ani Ongchuan.


Gayunman, inatasan na ni Ongchuan ang mga mayors ng buong lalawigan na ipatigil ang pagsasagawa ng mga mass gatherings, partikular na ang church gatherings.


 
 
RECOMMENDED
bottom of page