ni Lolet Abania | October 20, 2021
Naglabas ng direktiba si Pangulong Rodrigo Duterte na i-shuffle o balasahin ang pamamahagi ng COVID-19 vaccines sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Sa isang public address, muling nagbabala si Pangulong Duterte sa mga opisyal ng gobyerno na namimili umano ng ibibigay na bakuna kontra-COVID-19.
“Huwag kayong mamili. Sabi ko kay Secretary [Carlito] Galvez… ibabalasa ninyo. Iyong isang karton, itapon mo sa isa dito… So ang magdating sa inyo, halo,” pahayag ni P-Duterte.
Ayon sa Pangulo, kahit na mas pinapaboran ng karamihan ang COVID-19 vaccines na nagmula sa Western countries aniya, lahat ng mga bakuna ay ginawa at dinibelop ng mga taong may kakayahan at husay sa paggawa nito.
“If they are not effective and if they are not good, eh bakit ngayon halos wala nang patay?” saad ng Pangulo. Sa ngayon, nasa pitong brands ng COVID-19 vaccine ang ginagamit na sa bansa. Ito ay Pfizer, Moderna, Sinovac, AstraZeneca, Johnson & Johnson, Sinopharm at Gamaleya Institute.
Samantala, hanggang nitong Oktubre 18, nasa tinatayang 24.5 milyong Pilipino na ang fully vaccinated, kung saan higit 31 porsiyento sa year-end target ng gobyerno na mabakunahan.
Sinimulan ang pagbabakuna kontra-COVID-19 noong Marso 1. Aabot naman sa 53,315,069 ang kabuuang vaccine doses na na-administer ng pamahalaan. Halos 17 milyon dito ay sa Metro Manila, kasunod ang Calabarzon na nakapagbakuna na ng halos 8 milyong doses ng COVID-19 vaccines.
Ayon naman kay vaccine czar Carlito Galvez Jr., dapat ay nasa 50 milyon na ang nabakunahan upang makamit na ng bansa ang herd immunity at para magkaroon na rin ng ligtas na pagdiriwang ng Kapaskuhan.