top of page
Search

ni Lolet Abania | August 11, 2021



Inihayag ni Department of Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. na ang vaccination cards na inisyu ng gobyerno ng Pilipinas ay hindi tinanggap sa Hong Kong.


Ayon kay Locsin, hindi ini-honor ang vaccination cards dahil sa hindi ito konektado sa isang single source. “Our vaccination cards are not accepted in Hong Kong because they are not connected to a single source. Poor OFWs (overseas Filipino workers) going to their jobs in Hong Kong even if jabbed,” ani Locsin sa isang tweet kahapon.


Matatandaang sinabi ni Department of Health Undersecretary Myrna Cabotaje na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang Bureau of Quarantine ay nagtulong para makagawa ng isang digitized vaccination card. Ayon pa kay Cabotaje posibleng matapos ito at maipamahagi sa katapusan ng Agosto o sa Setyembre.


Gayundin, nakipag-ugnayan na ang gobyerno ng Pilipinas sa World Health Organization (WHO) upang humingi ng guidelines para sa international verification system ng COVID-19 vaccinations. Ang nasabing guidelines ay kinakailangan sa deployment ng mga OFWs.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 16, 2021




Hindi sang-ayon ang Department of Trade and Industry (DTI) na gawing mandatory requirement ang COVID-19 ‘vaccine pass’ bago makapasok sa isang establisimyento ang mga konsumer, ayon sa pahayag ni DTI Secretary Ramon Lopez ngayong araw, May 16.


Paliwanag niya, "Kami ho, hindi ho kami sang-ayon sa vaccine pass na gagawing mandatory... Hindi po siguro talaga puwede ‘yun. May issue sa discrimination, pangalawa napakababa pa ng ating percentage na na-vaccinate na population."


Dagdag pa niya, "Siguro, 2% pa lang kasi over 2 million pa lang tayo ng nabakunahan... Kailangan pag-aralan ‘yan ‘pag medyo mataas na ang porsiyento."


Matatandaan namang inihirit kamakailan ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang pagkakaroon ng standard vaccine pass na maaaring i-require ng mga establisimyento para maengganyo ang publiko na magpabakuna.


Kumbaga, tatanggapin lamang ng mga restaurants ang customer na may vaccine pass o ‘yung mga nabakunahan na kontra COVID-19.


Sa ngayon ay tinatayang 2,623,093 indibidwal pa lamang ang mga nabakunahan laban sa virus, kabilang ang 565,816 na mga nakakumpleto sa dalawang dose ng bakuna, habang 2,057,277 naman sa unang dose.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page