top of page
Search

ni Lolet Abania | June 23, 2021



Papayagan ang mga indibidwal na makatanggap ng COVID-19 vaccine sa ilalim ng walk-in policy subalit kinakailangang sumunod pa rin sa ipinatutupad na minimum public health standards, ayon sa Department of Interior and Local Government (DILG).


Ito ang tugon ni DILG Assistant Secretary Odilon Pasaraba, kaugnay sa isinasagawa ni Manila City Mayor Isko Moreno, ang pahintulutan ang mga walk-ins na makatanggap ng bakuna, matapos na naging matumal ang pagdating ng mga tao para magpabakuna sa apat na vaccination sites ng lugar dahil sa polisiya na limitado ang bibigyan ng vaccine shot na para lamang sa mga naka-register sa vaccination.


“DILG Secretary Eduardo Año encourages local chief executives to develop strategies to ramp up vaccination. Hence, any strategy done without offending our established health and vaccination protocols is welcome,” ani Pasaraba sa Laging Handa briefing ngayong Miyerkules.


Base sa data mula Manila Public Information Office, umabot sa 4,402 indibidwal lamang ang nabakunahan bago pinayagan ang walk-ins noong June 21.


Gayunman, nang payagan na ni Moreno ang walk-ins na makatanggap ng bakuna ng alas-4:30 ng hapon sa pareho ring araw, ito ay nadagdagan ng 7,347 katao na nabakunahan, kaya umabot sa kabuuang 11,749 indibidwal ang naturukan ng COVID-19 vaccine.


Sa ngayon, mayroon nang tinatayang 12 milyon doses ng COVID-19 vaccine supply ang Pilipinas. Sa bilang na ito, 8 milyon doses ng COVID-19 vaccine na ang naibigay sa mga indibidwal, kung saan 2.6 milyon naman ang nakatanggap ng dalawang doses ng bakuna na kinakailangan.

 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | May 11, 2021




Nakatakdang mag-expire sa Hunyo at Hulyo ang 2,030,400 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccines na dumating sa ‘Pinas nitong Sabado, kaya pinabibilisan na ng Department of Health (DOH) ang rollout sa mga vaccination site gamit ang naturang bakuna.


Ayon kay DOH NCR Assistant Regional Director Dr. Paz Corrales, “Limited or masyadong maiksi ‘yung expiration date nila. Sa June or July po yata ang expiration for this year.”


Batay pa sa dokumento ng COVID-19 Vaccination Operation Center, nakatakdang mag-expire sa ika-30 ng Hunyo ang 1,504,800 doses ng AstraZeneca, habang ang 525,600 doses nama’y sa katapusan ng Hulyo.


Dulot nito, hindi na sasagarin sa 3 buwan ang pagitan ng pagtuturok sa first at second dose ng AstraZeneca upang hindi maabutan ng expiration date ang mga nakaimbak na bakuna.


Nilinaw naman ng chairperson ng vaccine expert panel na si Dr. Nina Gloriani na mayroong window period ang AstraZeneca mula isa hanggang 3 buwan kaya hindi gaanong magbabago ang efficacy rate nito kahit maiksi ang pagitan ng first at second dose.


Sa ngayon ay sinimulan nang ipamahagi sa mga local government units (LGU) ang bakuna.


Ang LGU na umano ang magdedesisyon at magpapatupad kung paano nila pabibilisin ang vaccination rollout, alinsunod sa utos ng DOH.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page