ni Lolet Abania | January 29, 2022
Nasa kabuuang 168,355 kabataang edad 5 hanggang 11, ang nakapagparehistro na para sa pagbabakuna kontra-COVID-19 sa kanilang local government units (LGUs), ayon sa Department of Health (DOH).
“Hindi ibig sabihin na naka-concentrate o sila lang ang bibigyan. Ine-expand natin ito habang dumadami ang bakuna na dadating sa ating bansa,” paliwanag ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa briefing ngayong Sabado.
Ayon kay Cabotaje, ang mga batang mayroon at walang comorbidities ay babakunahan nang sabay-sabay.
“Hindi kagaya ng 12 to 17 na nauna ang may comorbidity, gusto natin mas mabilis ang bakunahan, kaya pagsasabayin natin ang pagbakuna ng may comorbidity at walang comorbidity,” ani Cabotaje.
Taliwas ito sa naging pahayag ni National Task Force against COVID-19 adviser Dr. Ted Herbosa na aniya, ang mga edad 5 hanggang 11 na may comorbidities, ang ipa-prioritize sa COVID-19 vaccination program ng gobyerno.
Para sa mga kabataang may comorbidities, ang kanilang mga guardians ay required na magprisinta ng kanilang medical certificates at patunay ng kanilang relasyon, sa mga vaccination centers.
Ang mga minors na edad 7 at pataas naman ay hihilingin na pumirma sa isang consent form hinggil sa kanilang vaccination.
Kung ang isang bata ay walang ID, maaaring tumayong witness o saksi ang barangay captains, na magpapatunay na sila ay sinamahan ng kanilang mga magulang o guardians.
Samantala, tinatayang 780,000 doses ng COVID-19 vaccine para sa mga kabataan, ang inaasahang darating sa Enero 31, habang kasunod nito ang marami pang deliveries ng mga bakuna sa mga susunod na araw.
Ilang ospital naman ang napili bilang vaccination sites, kabilang na ang National Children’s Hospital, Philippine Children’s Medical Center, at ang Philippine Heart Center.