ni Zel Fernandez | May 6, 2022
Pinakakasuhan na ang tinaguriang ‘Poblacion Girl’ na si Gwyneth Chua, matapos makitaan ng probable cause ang kaso nito sa Makati City Prosecution Office, kaugnay ng naging paglabag sa mandatory quarantine protocols noong Disyembre, 2021.
Matatandaang, naging headline ng mga balita si Chua nitong nagdaang taon, matapos lumabas sa kanyang isolation hotel sa Makati City upang makipagkita at maki-party sa mga kaibigan nito sa Poblacion, Makati at kalaunan ay nagpositibo sa COVID-19.
Kabilang din sa kaso ang security guard ng Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton.
Sa Berjaya Hotel nanatili si Chua nang mangagaling ito sa US at pinaniniwalaang sa tulong umano ng nabanggit na sekyu ay nakalabas ng kanyang unit si ‘Poblacion Girl’.
Ayon sa prosecution office, hindi naman umano nakitaan ng probable cause para kasuhan ang ilang mga empleyado ng naturang hotel.
Gayundin, wala umanong makitang mga ebidensiya ang prosecutor na makapagpapatunay na pinayagan ng mga hotel staff na makalabas si Chua nang araw na tumakas ito mula sa pagkaka-isolate.