ni Lolet Abania | January 23, 2022
Inamin ni Dingdong Dantes na siya at ang kanyang pamilya ay nagpositibo sa test sa COVID-19. Sa kanyang Facebook ngayong Linggo, nai-share ng aktor ang isang video niya, habang dinidetalye ang mga struggles na hinarap sa loob ng nakalipas na dalawang linggo matapos na tamaan ng virus.
Ayon kay Dingdong, ngayon ay ika-10 araw na ng kanyang quarantine. Hindi man nabanggit ng aktor kung sinu-sinong miyembro ng kanilang household ang nagpositibo sa COVID-19, sinabi ni Dingdong na nagsimula ito nang halos lahat sila ay nakaranas ng lagnat at iba pang mga sintomas.
“Hanggang sa lahat kami dito sa bahay nilagnat na at nagkaroon ng sintomas kaya iniisip namin mukhang ‘eto na ‘yun, mukhang nasama na kami sa surge so nag-test kami at ‘yun na nga nag-positive kami sa COVID,” sabi ni Dingdong.
“Hindi namin alam kung saan at papaano kami nahawa pero mabuti na lang [ay] mild lang ang sintomas namin,” ani aktor na dagdag niya, sila ay nakatanggap na ng kanilang booster shots ilang linggo bago pa sila ma-infect ng virus.
Sinabi ni Dingdong na nahirapan sila nang husto sa paggawa at mga gawaing bahay gaya ng pagbili ng medisina at paghahanda ng pagkain dahil sa lahat sila ay tested positive. Gayunman aniya, labis ang pasasalamat nila sa mga tumulong sa kanila, kabilang na ang mga kaibigan at pamilya.
Binanggit naman ni Dong ang kanyang inang si Angeline na nagpapa-deliver para sa kanya at sa mga anak niya ng mga paborito nitong pagkain.
Ayon kay Dingdong, maayos na ang kanyang pakiramdam at nakatakda na ring bumalik sa trabaho sa Lunes. Paalala niya sa lahat na ang magpositibo sa test sa virus ay hindi dapat na ikahiya.
“Hindi po kasalanan o dapat ikahiya ang pagkakaroon ng COVID kasi kahit anong pag-iingat ang gawin, nandiyan pa rin ang panganib na makuha ito,” sabi ng aktor.
Bukod sa pagsunod sa mga safety protocols, ayon kay Dingdong dapat ding tumanggap ng extra protection mula sa available na mga vaccines at booster shots.
“’Yung pagsubok na ‘to na pinagdadaanan natin ng buong mundo, isang napakahirap na hamon para sa ating lahat pero malalampasan nating lahat ito kung tayo’y magtutulungan at patuloy na iisipin ang kapakanan ng bawat isa,” ani pa ni Dingdong.