ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 28, 2021
Nagpositibo sa COVID-19 si dating House of Representatives Deputy Speaker Raneo Abu, ayon sa kanyang Facebook post noong Sabado.
Ayon kay Abu, sumailalim siya at ang mga kasama niya sa opisina, pati ang kanyang pamilya sa RT-PCR test noong Huwebes, March 25.
Aniya, “Bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19, ang aming buong opisina at ang aking buong pamilya ay sumailalim sa buwanang RT-PCR at nitong nagdaang March 25, muli kaming sumailalim sa aming regular na swab test matapos kong manggaling sa Kongreso kung saan ito ay huling araw bago mag-recess bilang paggunita sa Mahal na Araw.
“Kinabukasan ay lumabas ang resulta ng aking swab test at sa hindi inaasahang pagkakataon ay nagpositibo ako sa COVID-19.” Kasalukuyan nang naka-quarantine sa isolation facility si Abu alinsunod sa protocol ng Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Health (DOH).
Aniya pa, “Sa parehas namang araw ay agad akong nagtungo sa isang isolation facility upang magpagaling kahit ako ay asymptomatic. “Ito ay aking ginawa bilang pagtalima sa ipinatutupad na regulasyon ng IATF at ng DOH.”
Saad pa ni Abu, “Nagnegatibo naman sa parehong swab test ang aking anak na si Dra. Reina Abu.” Samantala, pumalo na sa kabuuang bilang na 712,442 ang naitalang COVID-19 cases sa bansa kung saan 581,161 ang bilang ng mga gumaling na at 13,159 ang mga pumanaw.