top of page
Search

ni Lolet Abania | April 28, 2021




Sarado ang opisina ng Philippine Embassy sa New Delhi nang hanggang Mayo 17 para sumunod sa ipinatutupad na local lockdown sanhi ng patuloy na pagtaas ng COVID-19 cases sa India, base sa anunsiyo ng embahada.


Ayon kay Philippine Ambassador in New Delhi Ramon Bagatsing Jr., ngayong linggo lamang, dalawang Pilipino na nasa India ang namatay dahil sa COVID-19, kung saan nakapagtala ng average cases na 200,000 araw-araw ang infected ng virus sa nasabing lugar.


Gayunman, nagpalabas na ang pamahalaan ng travel ban sa India nang hanggang May 14. “We have closed the embassy 10 days ago because may order ng lockdown ang Indian government lalo na dito sa New Delhi . . . We will extend the lockdown up to May 17,” ani Bagatsing sa isang virtual interview ngayong Miyerkules.


Binanggit naman ni Bagatsing na nitong Hunyo 2020, umabot na sa 1,319 Pinoy ang naninirahan sa India kung saan 10 porsiyento nito ay mga migrant workers habang 80 porsiyento ay mga housewives.


Hinimok naman niya ang Filipino community doon na manatili na lamang sa bahay upang manatili rin silang ligtas. “I think in 1 or 2 weeks’ time they’ll go back to par again before this spike of about 200,000 cases per day,” ayon sa ambassador.


Matatandaang ang kalusugan ng isa sa mga Pinoy na namatay sa COVID-19 sa India ay mabilis umanong nag-deteriorate, ayon sa malapit na kaibigan nito na si Victoria Singh, miyembro rin ng naturang community at 28 taon nang residente sa India. Sinabi ni Singh na ang kanyang kaibigan ay nagpositibo sa test sa coronavirus noong Abril 23 at pumanaw ito hatinggabi ng Abril 26.


“Sabi niya, kung puwedeng magpadala ng pagkain kasi po nag-iisa lang siya. Pinadadalhan po namin ng pagkain. May issue din po siya ng high-blood kaya hindi ko rin po alam ang nangyari last moment kasi lockdown din po dito sa amin, wala kaming magawa,” saad ni Singh. Gayunman, ang Filipino community sa India ay nakikipag-ugnayan sa embahada sa pamamagitan ng telepono, ayon pa kay Singh.


“Filipino authorities in India are doing everything they can to bring their remains back to the Philippines,” ani Bagatsing. Subalit, sinabi ni Singh na may pagkakataon na ang bangkay ng mga pasyenteng namatay sa COVID-19 ay kini-cremate lamang sa mga kalye.


“May line ‘yan para malaman sino ang next iki-cremate,” ani Singh. “It’s very worse in India. Government, they’re trying to control but it’s still spreading, increasing and lots of people are dying. There are no available beds, no oxygen,” dagdag niya.


 
 

ni Mary Gutierrez Almirañez | April 24, 2021




Isinailalim sa 3-day lockdown ang ilang bahagi ng Western Australia dahil sa mabilis na community transmission ng COVID-19, kung saan ang itinuturong carrier ay isang biyahero na unang nagnegatibo sa virus ngunit kalauna’y nagpositibo matapos makalabas sa Perth quarantine hotel, ayon kay Australian Medical Association (AMA) President Omar Khorshid ngayong araw, Abril 24.


Aniya, "Everything that can be done in hotel quarantine needs to be done right now and, unfortunately, in Western Australia as in some other states, that is not the case."


Kabilang ang Australia sa mga bansang may mabababang kaso ng COVID-19, kung saan lumabas sa datos na halos 29,500 ang lahat ng nagpositibo at tinatayang 910 ang mga pumanaw mula nang magka-pandemya.


Sa ngayon ay tanging mga essential workers at medical frontliners lamang ang pinapayagang makalabas ng bahay. Nauna nang kinansela ang taunang selebrasyon ng Anzac Day na nakatakda sanang ipagdiwang bukas.


Na-postpone rin maging ang inaabangang A-League soccer match sa pagitan ng Brisbane Roar FC at Perth Glory.


Samantala, tuloy naman ang Australian football game sa pagitan ng Fremantle at North Melbourne, subalit ipinagbawal ang live audience.


Ngayon ang unang araw ng 3-day lockdown sa Western Australia at inaasahang makatutulong ang lockdown upang maiwasan ang mabilis na hawahan ng virus.


 
 

ni Lolet Abania | March 15, 2021




Ramdam na sa maraming ospital sa Metro Manila ang epekto ng biglang pagtaas ng bilang ng mga kaso ng may COVID-19 sa mga nakalipas na araw.


Una rito ang Philippine General Hospital na nagsabing ang kanilang bed capacity ay umabot na sa 70%.


“Consistently, we are admitting new COVID-19 patients, mga 10 patients a day. Ngayon po, as of the last count ay 121 ang naka-admit na may COVID, pero may pending admissions po. Ito po ay sa loob lamang ng isang linggo ay mabilis lumampas ng 100 pasyente ang na-admit namin,” ani PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario.


Ayon kay Del Rosario, sa ngayon, ang intensive care unit beds ng ospital ay napuno na rin. Gayundin, may kabuuang 82 health workers ng PGH ang nagpositibo sa test sa COVID-19.


Kinumpirma naman ng Quezon City General Hospital na ang kanilang COVID-19 wards at ICU beds ay puno na ng mga may coronavirus.


Noong March 13, umabot naman sa 60% sa San Lazaro Hospital ang COVID-19 beds na okupado ng mga pasyente.


“We can still accommodate 40% but if those patients are critical then we might not be able to put them in the ICU,” sabi ni Dr. Rontgene Solante ng SLH. Sa Lung Center of the Philippines, 60 sa kanilang 81 COVID-19 beds ay okupado na rin ng mga pasyenteng may coronavirus.


“The most difficult is ensuring enough beds for the incoming wave,” pahayag ni LCP hospital director Vincent Balanag, Jr.

 
 
RECOMMENDED
bottom of page